Naririto na sa Pilipinas si Chanda Atienza, ang negosyanteng itinuturo bilang utak ng investment scam at inakusahan ng paglabag sa Securities Regulation Code.
Marami ang nasangkot at naghirap sa investment scam na ibinibintang kay Atienza.
Kabilang sa mga biktima ay sina Rufa Mae Quinto at Neri Naig-Miranda—mga dating brand ambassadors ng kanyang skin-care company at beauty clinic, ang Dermacare.
Matagal nang tinutugis si Atienza ng National Bureau of Investigation dahil sa patung-patong na reklamong inihain sa kanya noong 2024, pero nakaalis siya ng Pilipinas at nagtago sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Read:
Chanda Atienza arrested in Kuala Lumpur, Lars Pacheco confirms
Sara Duterte posts bail; alleges threats to her safety
THE ARREST IN MALAYSIA
Noong Agosto 21, 2026, nadakip si Atienza at ang kapatid nitong si Vilma ng Malaysian Polis sa isang mall sa Kuala Lumpur.
Naisakatuparan ang pag-aresto sa magkapatid dahil sa businesswoman na si Freda Luz Singson, isa sa mga biktima.
Kasama ni Singson na lumipad sa Kuala Lumpur ang beauty queen at media influencer na si Lars Pacheco.
Noong Agosto 23, 2026, inilabas ng Sin Chew Daily, isang pahayagan sa Malaysia, ang balita at mga larawan ng pagdakip sa magkapatid.

Nakasaad sa balita na PHP900 million ang halaga ng perang nakuha ng mga akusado, at diumano, may plano rin silang gawin sa Malaysia ang panloloko.
Si Lars ang nagbigay sa Cabinet Files ng mga impormasyon tungkol sa pagdakip kina Atienza at Vilma sa Kuala Lumpur.
ATIENZA ARRIVES IN MANILA
Noong Biyernes ng gabi, Setyembre 4, muling nakipag-ugnayan si Lars sa Cabinet Files para sabihing dumating na sa bansa si Atienza kaninang madaling-araw, Setyembre 5, Sabado.
Lumapag ng 3:45 A.M. sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport ang Malaysian Airlines Flight MH 708 na naghatid sa Pilipinas kay Atienza at sa kapatid nito.
Nakaposas ang magkapatid nang basahin sa kanila ang mga kasong kinakaharap.
Pagkatapos, dinala sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Quezon City.

Sa isang social media post, sinabi ni Singson na dinala muna sa CIDG office ang magkapatid bago ikulong sa Bureau of Jail Management and Penology New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.
Ikinatuwa ng mga biktima ang pagdakip sa magkapatid at ang pagdadala sa kanila sa Pilipinas, sa tulong ng pamahalaan ng Malaysia.
Sagot daw ito sa mga dasal nila na mabigyan ng hustisya ang panlolokong ginawa sa kanila.
