Isang makahulugang sagot ang ibinigay ni Viva Films producer Vic del Rosario Jr. nang tanungin siya tungkol sa matagal nang usap-usapang buntis si Sarah Geronimo sa magiging panganay na anak nila ng asawang si Matteo Guidicelli.
Sa panayam ng entertainment press matapos siyang gawaran ng Lifetime Achievement Award ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), hindi direktang kinumpirma ni Boss Vic ang pregnancy rumors ngunit nagpahiwatig siyang sa susunod na taon pa makakabalik ng trabaho si Sarah.
Si Sarah ay nasa pangangalaga ng Viva Artists Agency, na nasa ilalim ng Viva Entertainment na pinamumunuan ni Boss Vic.
Ginanap ang awarding sa Closing Ceremony ng Philippine Film Industry Month noong Miyerkules, Setyembre 30, 2026, sa Seda Vertis North Hotel sa Quezon City.
BOSS VIC ON SARAH GERONIMO'S RETURN TO WORK
Diretsahang tinanong ng entertainment press si Boss Vic tungkol sa matagal nang balitang nagdadalantao si Sarah.
Tugon ng veteran movie producer: “Next year magtatrabaho na. Yun lang ang masasabi ko.
“Ayokong manggaling sa akin, pero parang alam naman ng mga tao na hindi siya puwedeng magtrabaho. Hanggang dun lang.
“Sa ngayon, e, hindi pa siya puwedeng magtrabaho... next year, dahil ano, she’s enjoying her happy life.”
Read: Fans read into Matteo’s birthday message; Is Sarah pregnant?
BOSS VIC ON SARAH AND MOMMY DIVINE
Natanong din si Boss Vic tungkol sa balitang nagkaayos na si Sarah at ang kanyang inang si Divine Geronimo.
Ayon sa Viva Films producer, hindi naman talaga nagkaroon ng away sina Sarah at Mommy Divine.
“Sila naman, parating ayos. Never silang nag-away.
"So, I think maling ano yon, hindi sila bati.
"Siguro lang, mas napa-publicize ngayon. Dati, parati naman silang nag-uusap.
"E, yung kay Matteo, I think by next year, ayos na siguro.
"Di ba ang lahat, naaayos sa tamang panahon?” nakangiting saad ni Boss Vic tungkol sa relasyon ng mag-asawang Sarah at Matteo sa ina ng singer-actress.
Read: Sarah Geronimo reunites with parents; sings duet with dad
SARAH CONGRATULATES BOSS VIC
Kasama sina Maricel Soriano, Anne Curtis at Judy Ann Santos, kabilang si Sarah sa mga nagbigay ng mensahe ng pagbati kay Boss Vic para sa Lifetime Achievement Award na tinanggap nito mula sa FDCP.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Sarah ang kanyang discoverer at mentor dahil sa tiwala nito sa kanyang kakayahan bilang artista.
“Boss, I’ve always admired your incredible instinct for finding the right and meaningful material for every artist and your unique pulse for what connects with the mass audience na lagi ko po yang natatandaan from you.
“Maraming salamat po, Boss, for believing in me and for trusting me with acting projects that challenge me, help me grow, and allowed me to discover more of myself as an artist,” mensahe ng pasasalamat ni Sarah sa kanyang discoverer at mentor.
Si Sarah ay produkto ng reality singing competition ng Viva, ang Star For A Night (2002-2003), kung saan siya ang hinirang na grand champion.
Read: Yasser Marta breaks down over Robb Guinto relationship: “Nawawala na ako.”
JUDY ANN SANTOS, MARICEL, ANNE PAY TRUBUTE TO BOSS VIC
Ikinuwento naman ni Judy Ann Santos kung paano siya nakumbinsi ni Boss Vic na gumawa ng recording album kahit hindi naman siya singer.
“Sinabi sa akin ni Boss Vic sa akin, 'Gawa tayo ng recording album.'
"Hindi ako nakapagsalita kasi kahit ako, hindi naniniwala sa sarili ko.
"Pero si Boss Vic ang nagsabi sa akin, ‘Hindi, Juday, maniwala ka sa akin. Sold-out yan.’
“Hindi lang siya basta sold-out, guys. Triple platinum siya not once but twice,” testimonya ni Judy Ann.
Tinawag naman ni Maricel Soriano na “Godfather” si Boss Vic dahil sa dami ng mga artistang natulungan nito sa industriya.
Nagbigay rin ng mensahe si Anne Curtis, na nagpahayag ng malaking pasasalamat kay Boss Vic dahil sa paniniwala nito sa kanyang kakayahan bilang aktres.
“He’s always open to new talents, new projects, new genres,” sabi ni Anne.
Read: Boss Vic del Rosario receives FDCP Lifetime Achievement Award