Sa gitna ng mga paratang na pinagkakakitaan niya ang pagkamatay ng kanyang anak at mga batikos mula sa netizens, mariing sinabi ni Rovelyn Baterbonia na wala siyang hinihinging pera mula sa sinuman.
Ang tanging nais lang daw niya ay malaman ang katotohanan sa sinapit ng anak na si Rene Baterbonia.
Hindi naniniwala si Rovelyn na aksidente lamang ang pagkamatay ng kanyang anak, ang Ateneo de Manila University basketball player na nalunod at binawian ng buhay sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8, 2026.
ROVELYN BATERBONIA'S MESSAGE TO HER BASHERS
Sa kabila ng matitinding pagpuna, pinili ni Rovelyn na huwag magtanim ng sama ng loob.
Sa halip, nagpasalamat pa siya sa kanyang mga bumabatikos dahil, aniya, ang mga ito raw ang nagbibigay sa kanya ng lakas upang ipaglaban ang katotohanan para kay Rene.
Ito ang naging mensahe ni Rovelyn sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, Oktubre 2, 2026, kung saan hinarap niya ang mga kontrobersiya at paratang na bumabalot sa pagkamatay ng kanyang anak.

Saad niya: “Yung mga basher ko, thank you kasi kayo yung nagpapabigay sa akin ng lakas.
"Sana naman kung magba-bash kayo, yung katotohanan, hindi yung fake news.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nagsusuporta, yung nagbibigay ng damit ko, pants ko, relo ko, at saka bracelet ko. Lahat ito ibinigay sa akin, maraming salamat po.
“And then, yung nagbigay po ng financial sa amin, maraming salamat po.
"And then, sa lahat ng nagpadala ng condolences at pagmamahal sa amin, maraming-maraming salamat po sa inyo."
Read: Rene Baterbonia's mother throws emotional plea at son's funeral
ROVELYN: "HINDI KO PINEPERAHAN YUNG ANAK KO"
Bago nito, humingi muna ng paumanhin ang host na si Boy Abunda bago siya nagtanong tungkol sa mga mabibigat at masasakit na paratang na umano’y pinagkakaperahan niya ang pagkamatay ni Rene.
Mariing pinabulaanan ni Rovelyn ang paratang.
“Sa totoo lang, hindi ko pineperahan yung anak ko," diin niya.
"Yung pagkamatay ng anak ko kasi, kahit ni piso, hindi po ako nanghingi sa kahit sinong tao.
“Tapos, nung buhay pa po yung anak ko, yun na po yung iniwan sa akin na negosyo.
"Siya yung nakaisip na magbenta kami ng mga memorable [memorabilia] niya kasi marami daw ang nanghihingi sa kanya.
"Paano daw kaya kung i-try namin magbenta ng mga memorable, kaya ayun, nag-umpisa kami."
Paliwanag pa ni Rovelyn: “Nag-post muna ako kasi wala kaming puhunan.
"Nag-post ako, sinong gustong mag-order ng Baterbonia Collections, lahat ng uniforms niya, except Ateneo.
“And then, mga jersey, keychain po.
"Tapos noong maraming nag-PM sa akin, sinabi niya, ‘Ako bahala, Ma. Kakausapin ko po yung nagbibigay ng mga jersey ko para puwede tayo mag-consignment.’
“Yung pagawaan ng jersey sa Davao, dun po ako nag-order, tapos consignment po yon.”

Isang manikurista at nagtitinda rin ng isda si Rovelyn para matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
ROVELYN REACTS TO "PATAY NA ANG ANAK MO, BREADWINNER PA RIN"
Hiningi rin ni Boy ang reaksiyon ni Rovelyn sa posibleng maging tugon ni Rene, kung nabubuhay pa ito, sa komento ng ilang netizens na: “Patay na ang anak mo, breadwinner pa rin.”
Ayon kay Rovelyn: “Nung buhay pa po yung anak ko, kahit nagtitinda ako, palagi niya sinasabi, ‘Huwag na lang, Ma. Pabayaan mo na lang sila kasi darating din ang araw na ikaw din yung hahanapin nila.’
“Palagi niyang sinasabi yan sa akin.”
Pinabulaanan din ni Rovelyn ang paratang na naniningil siya ng PHP25,000 kapag iniimbita siyang maging guest speaker sa mga paaralan.
“Hindi po yan totoo, one hundred percent," mariing tanggi niya.
"Wala po akong hinihingi except dun sa games ng asawa ko na mag-compete. Kapag manalo sila, may maibigay sa amin.
"Pero ako talaga, kahit sinong mag-imbita sa amin, hindi talaga ako nanghingi kahit ni isang piso, one hundred percent po yon.”
Muli ring napag-usapan ang PHP30 entrance fee sa mini-museum na binuksan ni Rovelyn para kay Rene.
Aniya, “Opo, totoo po yon, may thirty pesos entrance kami sa mini-museum ng anak ko po.
"Para po sa mga maintenance kasi hindi ko naman po kaya kung ako lang talaga.”
Read: Rovelyn Baterbonia clarifies PHP30 entrance fee at Rene museum
DOJ HEARING
Mula sa Agusan del Sur, bumiyahe si Rovelyn patungong Maynila para dumalo sa pagdinig ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kaso sa pagkamatay ng kanyang anak.
Naganap ang pang-apat na pagdinig noong Huwebes, Oktubre 1, 2026.
Dito nakita ni Rovelyn ang former Ateneo Blue Eagles coach na si Tab Baldwin at ang iba pang mga akusado kaugnay ng pagkamatay ni Rene at ng kapwa nitong Ateneo basketball player na si Divine Adili.
Sa kabila ng mga emosyon na dulot ng insidente, sinabi ni Rovelyn na ang tanging nais niya ay malaman ang katotohanan.
“Gusto ko lang talagang malaman kung anong dahilan ba’t namatay ang anak ko,” sabi niya.
“Willing po ako makinig sa kuwento nila, pero iparaan na lang sa abogado po.
"Iparaan na lang po sa batas kasi yun naman po ang kailangan gawin.”
Nang tanungin siya ni Boy kung nagalit ba siya nang magkita sila ni Baldwin sa Department of Justice, sagot ni Rovelyn: “Hindi naman po.
“Tao din lang tayo. Nung una siguro nagalit ako, pero ngayon, ipadaan ko na lang po sa batas.”
Tinanong din siya kung may galit o tampo siya sa mga naging kasamahan ni Rene sa Ateneo Blue Eagles.
Sagot niya: “Hindi po ako nagagalit. Hindi rin po ako nagtatampo. Ipaadaan ko na lang talaga sa batas, lahat-lahat.
“Matalo man ako o manalo, marinig ko lang kung anong katotohanan ng pagkamatay ng anak ko, yun lang naman talaga ang gusto kong malaman.”
Read: Coach Tab Baldwin breaks silence on deaths of Ateneo players
RENE’S STORY TO BECOME A MOVIE
Kinumpirma rin ni Rovelyn sa Fast Talk With Boy Abunda na matutuloy na ang pagsasapelikula ng kuwento ng buhay ni Rene.
Si BB Gandanghari ang direktor ng proyekto, pero hindi pa alam ni Rovelyn kung sino ang gaganap bilang Rene.
Samantala, kung si Rovelyn ang tatanungin, si Dimples Romana ang gusto niyang gumanap sa kanyang karakter sa pelikulang magsasalaysay ng buhay ng kanyang anak.
Related Stories:
- Police release initial findings in two Ateneo players' drowning
- Mother of Rene Baterbonia: "Gusto ko ng justice!"
- PNP Aurora rules out foul play in deaths of two Ateneo players
- Baterbonia's mother very dissatisfied with Ateneo's explanation
- Benz Sangalang, Joey Reyes recall drowning incident in Dipaculao
- Hashtag Franco's mom remembers son amid Aurora drowning tragedy
- Divine Adili’s parents seek answers, justice after son's death
- Gerald Anderson, Lance Carr remember Rene Baterbonia
- Ateneo de Davao grants scholarships to Rene Baterbonia's six siblings
- Baterbonia and Adili families seek accountability from Ateneo; present five demands
- Tab Baldwin resigns amid probe into deaths of Ateneo athletes
- Sam Reyes, Kieffer Alas recount harrowing Aurora drowning tragedy
- Rene Baterbonia, Divine Adili deaths not an accident — CIDG
- Ateneo Blue Eagles player Rene Baterbonia finally laid to rest
- Rene Baterbonia's family visits site of fatal Aurora drowning
- Rene Baterbonia's mom opens booth for Baterbonia Collections
- Lance Carr calls out people profiting from Rene Baterbonia death
- DOLE fines Tab Baldwin, Ateneo PHP4.9M over work permit violation
- Rene Baterbonia's mother makes request 100 days after son’s death