Pneumonia ang ikinamatay ng seasoned character actress na si Erlinda Villalobos, 84.
Ang manugang ni Erlinda na si Marcel Villalobos ang nagbigay ng mga impormasyon sa Cabinet Files tungkol sa kanyang biyenan na pumanaw nitong Linggo, Oktubre 11, 2026, ganap na 2:22 ng hapon.
Naulila ni Erlinda ang mga anak niyang sina Ma. Salvacion Villalobos, Fortunato Villalobos Jr., at ang kanyang tatlong apo.

"Nanghina na po siya noong Setyembre 2026,” ang lahad ni Marcel tungkol sa nangyari sa kanyang biyenan.
Mahigpit daw ang bilin sa kanila na ipa-cremate ang mga labi niya kapag pumanaw siya.
"Bukas po ang cremation kay Nanay Linda. I-cremate po siya ang kanyang request. Sunday po kasi nang mamatay siya, may kailangan pa na asikasuhin sa City Hall.
"Ibuburol po siya sa Everlasting Peace Memorial Park sa San Pedro, Laguna pero to be announced ang lahat ng details,” ang sabi ni Marcel.

ERLINDA VILLALOBOS'S DEDICATION AS AN ACTRESS
Inilarawan ni Marcel si Erlinda bilang joker, generous, at mapagmahal.
"Sobrang mahal ni Nanay Linda ang trabaho niya. Napaka-passionate na artista ni Nanay. Kahit nga po mababa ang talent fee, tinatanggap niya kasi love niya ang acting.
"Marami na siyang pelikula na nagawa tulad ng Ekstra (2013) at Manang Biring (2015). Sa tanda niya, ang galing pa rin niya na mag-memorize ng lines.
"Basta tuwing may Cinemalaya at Metro Manila Film Festival, lagi siyang kasama sa mga pelikula."
Nagbida si Erlinda sa Manang Biring, habang hindi niya makakalimutan ang pelikulang Ekstra, kung saan nakasama niya si Vilma Santos.

Pero bago siya naging aktres ay nagsimula si Erlinda bilang radio talent sa ABS-CBN Iloilo. Sa larangang ito niya nakilala si Vangie Labalan, na siyang nagkumbinse sa kanyang lumuwas sa Maynila para maging aktres.
Si Vangie rin ang nagrekomenda sa kanya sa mga producers.
Sa pagpapatuloy ni Marcel: "Dubber din siya. Dati silang magkasama ni Vangie Labalan.”
Binanggit ni Marcel, sa phone interview na nangyari ngayong gabi, ang mga katrabahong naging malapit kay Erlinda.
"Maraming kaibigan si Nanay Linda, sina Geleen Eugenio, Eugene Domingo, Direk Carl Papa, Direk Zig Dulay, Direk Joey Reyes, at marami pang iba.
"Paborito po si Nanay Linda ni Direk Zig dahil siya ang lucky charm ni Direk.
"Ang last movie na nagawa niya, ang Amir, ang Metro Manila Film Festival 2026 entry na si Dennis Trillo ang bida."
Bibihira ang mga gaya ni Erlinda na tumagal sa industriya at naging bahagi ng maraming proyekto sa telebisyon at pelikula.
Read more:
Meryll Soriano happy to see dad Willie Revillame looking "well-rested"
Lino Cayetano new Presidential Communications Office secretary