Trigger Warning: Mention of murder, infidelity, sexual relationship
Nagbigay ng panibagong testimonya sa Mataas na Hukuman noong Lunes, Nobyembre 23, 2026, si Alex Kwong, ang dating asawa ng pinaslang na Hong Kong socialite at social media influencer na si Abby Choi.
Kabilang sa mga rebelasyon ni Alex ang umano'y patuloy na sexual relationship nila ni Abby kahit matagal na silang hiwalay at may iba nang asawa ang socialite.
Ayon sa ulat ng The Standard, sinabi ni Alex na alam umano ng ikalawang asawa ni Abby na si Chris Tam ang tungkol sa kanilang intimate relationship.
Ikinuwento rin niya sa korte na gusto umano ni Chris na magsama silang tatlo at nagmungkahi ng three-way relationship matapos ang diborsiyo nina Alex at Abby.
Tinanggihan daw niya ito dahil pamilya ang turing niya kay Chris.
Inilarawan ni Alex na komplikado ang relasyon nilang tatlo, ngunit sinabi rin niyang itinuring niya si Chris na parang kapamilya.
ALEX, ABBY REMAINED INTIMATE AFTER DIVORCE
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Alex na si Abby ang kanyang first love.
Nagpatuloy umano ang kanilang sexual relationship matapos ang kanilang diborsiyo noong 2019 hanggang 2023, kahit nagkaroon na ng bagong pamilya ang socialite.
Nauna nang sinabi ni Alex sa korte na nagkakilala sila ni Chris noong mga panahong nag-aaral pa sila. Naging magkakaibigan din umano ang tatlo.
Noong 2014, nagpakasal sina Alex at Abby at nagkaroon ng dalawang anak.
Hindi nagtagal ang kanilang pagsasama, ngunit nanatili umano silang malapit sa isa't isa kahit naghiwalay.
Noong 2016, nagpakasal naman si Abby kay Chris at nagkaroon sila ng isang anak.
Ayon sa mga ulat, ikinuwento rin ni Alex na bumisita si Abby sa kanya sa mainland China nang ilang beses. May mga pagkakataon ding kasama nila si Chris sa mga pagbisita.
Read: Hong Kong socialite Abby Choi, 28, karumal-dumal na pinatay, kinatay
ALEX DENIES KILLING ABBY IN FIT OF RAGE
Sa hiwalay na ulat ng South China Morning Post, itinanggi ni Alex ang paratang na nagsisinungaling siya tungkol sa mga pangyayari noong araw ng pagpatay kay Abby.
Itinanggi rin niya ang pahayag ng legal team ng kanyang nakatatandang kapatid na si Anthony Kwong Kong-kit na gawa-gawa lamang ang kanyang salaysay upang iligtas ang sarili at ang kanilang ama.
Sa cross-examination, sinabi ni Alex na hindi niya kayang patayin si Abby dahil lamang sa galit. Sanay na raw siya sa umano'y mga insulto at pagsasalita ng dating asawa kaya hindi siya maaaring kumilos dahil sa bugso ng damdamin.
Nauna nang nagbigay ng ibang bersiyon sina Anthony at ang kanilang amang si Kwong Kau tungkol sa pagkamatay ni Abby.
Itinuro nila si Alex bilang taong pumatay sa socialite, habang iginiit naman ni Alex na ang kanilang ama ang gumawa nito.
Dahil dito, naging bahagi ng paglilitis ang magkakasalungat na testimonya ng tatlong akusado tungkol sa kung sino talaga ang responsable sa pagkamatay ng biktima.
Read: Robbie Jaworski and girlfriend Magui Ford unfollow each other on IG
TENSION OVER CHILDREN, LUXURY APARTMENT
Tinalakay rin sa korte ang lumalalang tensiyon sa pagitan ni Abby at ng kanyang dating biyenang si Kwong Kau, partikular tungkol sa pag-aalaga at pakikitungo nito sa mga apo.
Ayon kay Alex, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan matapos magkasakit ang isa sa mga bata noong kalagitnaan ng 2022. Lalong hindi umano nagustuhan ni Abby ang pakikisalamuha ng dating biyenan sa mga bata.
Nabanggit din sa testimonya ang usapin sa pagbebenta ng isang luxury apartment sa Kadoorie Hill.
Ayon kay Alex, nag-alala si Abby na maaaring bawiin ng kanyang dating biyenan ang pahintulot para ibenta ang property.
Dahil dito, nagalit umano si Abby at hiniling na makausap agad si Kwong Kau. Gusto rin daw niyang hindi na makitang muli ng dating biyenan ang mga bata.
Isa ang usapin sa apartment sa mga naging sentro ng tensiyon sa pagitan ni Abby at ng dating pamilya ng kanyang unang asawa.
Read: Kim Chiu fears for her life, seeks medical help amid legal battle with Lakam
ABBY CHOI MURDER CASE
Si Alex, ang kanyang amang si Kwong Kau, at ang nakatatandang kapatid niyang si Anthony Kwong ang tatlong akusado sa pagpatay kay Abby noong Pebrero 21, 2023.
Mariin nilang itinatanggi ang murder charge, ngunit umamin sila sa kasong paghadlang sa legal na paglilibing sa katawan ng biktima.
Naging malaking balita sa Hong Kong at sa iba't ibang panig ng mundo ang karumal-dumal na pagpatay kay Abby, na natagpuang pinagputul-putol ang katawan.
Sa mga naunang pagdinig, inilatag din sa korte ang mga detalye tungkol sa pagputol sa katawan ng biktima at paggamit sa ilan sa mga labi nito sa pagluluto ng carrot soup.
Maihahambing ang kaso sa sinapit ng Pilipinang si Elsa Castillo, na tinaguriang “The Chop-Chop Lady.”
Pinatay siya ng American boyfriend niyang si Stephen Whisenhunt noong Setyembre 24, 1993.
Pinagputol-putol ni Stephen ang katawan ni Elsa at itinapon ang mga bahagi nito sa iba't ibang lugar sa Bataan.
Read: Lucila Lalu & Elsa Castillo: The Philippines' "Chop-chop Ladies"