Mahigit sa isandaang miyembro ng Hong Kong Police ang kasalukuyang patuloy na naghahanap sa mga nawawalang parte ng katawan ni Abby Choi.
Si Choi ay ang socialite, fashion model, at social media influencer na tinatayang pinatay at kinatay ng kanyang dating biyenan—ang 65-year-old retired policeman na si Kwong Kau.
Kabilang sa mga dinakip ng Hong Kong Police sa kaso ni Choi ang kanyang ex-husband na si Alex Kau at ang kapatid nitong si Anthony Kau.
Hinihinalang kasabwat din si Anthony sa pagkidnap at pagpaslang sa 28-year-old socialite noong nakaraang linggo.
Read: Hong Kong socialite Abby Choi, 28, karumal-dumal na pinatay, kinatay
Natagpuan ng Hong Kong Police ang isang pugot na ulo at ibang bahagi ng katawan na niluto at ginawang sopas sa isang kaldero, sa apartment na pinaghihinalaang pinangyarihan ng krimen.
Para makatiyak na si Choi ang biktima, ipinasuri sa forensic experts, sa pamamagitan ng DNA tests at dental records, ang mga ebidensiyang nakalap.
Sa tulong ng mga excavator at bulldozer, susuyurin ng Hong Kong Police hanggang bukas, Huwebes, March 2, ang landfill—tambakan ng lupa sa New Territories na kasing-lawak ng isang soccer field—na pinagdududahang pinagtapunan ng iba pang bahagi ng pinagputol-putol na katawan ni Choi.
Nakatutok ngayon ang international media at ang maraming tao sa iba't ibang bansa sa imbestigasyon ng Hong Kong Police sa karumal-dumal na pagpaslang kay Choi, na kilala sa fashion circles hindi lamang sa Hong Kong kundi pati sa U.S. at Europe.
Hindi na nakakagulat kung sakaling ang nangyari kay Choi ay isalin sa pelikula, o gawan ng documentary, tulad ng mga sensational "true crime" stories sa Netflix.
Sa Pilipinas, hindi bago ang krimen ng pagkatay.
Ginimbal na ang Pilipinas ng dalawang ganitong malagim na kamatayan sa magkaibang dekada.
Noong 1994, sa isang pelikula, binansagan ang isa sa biktima bilang "chop-chop lady."
Kilalanin siya at ang isa pang babae na naging biktima ng marahas ng pagpatay.
LUCILA LALU
Noong Mayo 1967, malaking balita ang isang babaeng natagpuang putul-putol ang katawan na itinapon sa EDSA, sa may malapit sa Guadalupe Bridge, at sa kanto ng Rizal Avenue at Malabon Street sa Sta. Cruz sa Maynila.
Kinilala ang biktima bilang si Lucila Lalu.
Si Lalu ang nagmamay-ari ng Lucy’s House of Beauty at ng Pagoda nightclub sa Sta. Cruz.
Common-law wife siya ng pulis na si Aniano de Vera.
Lucila Lalu
Gaya ni Choi, 28 din ang edad ni Lalu nang sapitin nito ang malahayop na pagkakapatay.
Tanging ang torso o punong-katawan at ang mga binti na lamang ni Lalu ang nakita ng mga pulis. Hindi na nahanap ang kanyang ulo.
LUCILA LALU: Murder suspects
Ang mga suspek sa pagpatay kay Lalu ay si De Vera, na hiwalay sa biktima nang mangyari ang krimen; ang Pagoda waiter na si Florante Relos; si Jose Luis Santiano, Dentistry student na boarder sa parlor ng biktima.
Pinalaya ang waiter na si Relos dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya.
Ang pulis na si De Vera ang pinagsuspetsahang may higit na motibo para isakatuparan ang krimen, bunga ng banta nito nang matuklasan ang relasyon nina Relos at Lalu.
Ngunit naging masalimuot ang kuwento nang aminin ni Santiano sa imbestigador na si Sgt. Ildefonso Labao na siya ang pumatay kay Lalu.
Ayon kay Santiano, aksidente ang pagkakapatay niya kay Lalu matapos tanggihan nito ang pang-aakit sa kanya ng biktima noong May 28, 1967.
Diumano, kinatay niya ang katawan ni Lalu at itinapon ang ulo nito sa isang estero sa Scout Albano sa Quezon City.
Pero makalipas ang ilang araw, binawing buo ni Santiano ang kanyang testimonya.
Isang mystery witness ang lumitaw, si Dr. Nora Ebio, na nagsabing tinakot lamang ni Labao ang suspek para akuin nito ang krimen.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulutas ang kaso ng karumal-dumal na pagpatay kay Lucila Lalu.

ELSA CASTILLO
Dalawang kontrobersiyal na pelikula tungkol sa buhay ni Elsa Castillo, assistant personnel manager ng Apex Motor Corporation, ang magkasunod na ipinalabas sa mga sinehan noong 1994.
January 27, 1994 nang ipalabas ng OctoArts Films ang The Elsa Castillo Story, Ang Katotohanan. Pinagbidahan ito ni Kris Aquino.

February 2, 1994 naman nang ipalabas ng FLT Films ang Chop-Chop Lady (The Elsa Castillo Story). Tinampukan ito ni Lorna Tolentino.

Nakuha ng FLT Films ang karapatang isalin sa pelikula ang buhay ni Elsa dahil kinausap ng prodyuser na si Rose Flaminiano si Fred Castillo, ang estranged husband ni Elsa.
Humarap noon si Fred sa mga miyembro ng entertainment press para ibahagi ang kuwento ng pagmamahalan nila ni Elsa at ang kanilang plano umanong muling magsama.
Hindi ito nangyari dahil pinaslang na ang kanyang asawa.

Elsa Castillo
ELSA CASTILLO's convicted killer
Ang pumatay kay Elsa ay ang kanyang American lover na si Stephen Mark Whisenhunt.
Pinatay ni Whisehunt si Elsa sa pamamagitan ng saksak. Pagkatapos ay pinagputul-putol nito ang katawan ni Elsa sa mismong condominium unit na tinitirhan ng Amerikano sa Greenhills, San Juan City, noong September 24, 1993.
Selos ang pinaghihinalaang dahilan ng pagpatay ni Whisenhunt kay Elsa dahil balak nitong makipagbalikan kay Fred.

Stephen Mark Whisenhunt
Ang testimonya ng driver ni Whisenhunt na si Demetrio Ravelo ang naging matibay na patunay na ang Amerikano ang pumatay at kumatay kay Elsa.
Si Ravelo ang inutusan ni Whisenhunt para sumundo at maghatid kay Elsa sa kanyang condominium noong September 23, 1993.
Pagdating ng September 25, 1993, sinabi ni Whisenhunt kay Ravelo na namatay si Elsa sa bangungot.
Pinayuhan ni Ravelo si Whisenhunt na ipa-autopsy nito ang bangkay ni Elsa para hindi siya ang mapagbintangang may kagagawan.
Pero napagputol-putol na ng kanyang amo ang katawan ng biktima.
Nagpatulong si Whisenhunt kay Ravelo na isilid sa garbage bags ang kinatay na katawan ni Elsa. Dala ng matinding takot, naging sunud-sunuran ang driver, na nagdeklara ng katapatan at habambuhay na pagsisilbi sa kanyang umiiyak na employer.
Mula sa Greenhills, San Juan, bumiyahe ang dalawa papuntang Tagaytay. Nang makarating sila sa Sta. Rosa, Laguna, inutusan ni Whisenhunt na itapon ni Ravelo ang garbage bags na naglalaman ng mga bahagi ng katawan ni Elsa, maliban sa genitalia nito na hindi na natagpuan.
Mula sa Laguna, dumiretso sina Whisenhunt at Ravelo sa Bataan dahil may vacation house sa Bagac ang American businessman. Habang binabagtas ang kalsada, isa-isa nilang tinapon ang iba pang mga personal na gamit ni Elsa.
Habang nasa vacation house, hindi raw dalawin ng antok si Ravelo dahil sa takot na baka pati siya ay patayin ni Whisenhunt.
Kinabukasan, nang makauwi si Ravelo sa kaniyang tahanan, ipinagtapat agad nito sa pamilya ang nangyari. Humingi sila ng tulong sa isang kaibigang fiscal para isumbong sa Department of Justice at sa National Bureau of Investigation ang krimen ni Whisenhunt.
Dahil matibay ang mga ebidensiya at ang testimonya ni Ravelo laban kay Whisenhunt, reclusion perpetua—habambuhay na pagkakapiit—ang parusang iginawad sa kanya ng korte.
Ngunit makalipas ng labing-siyam na taong pagkakakulong sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City, noong December 2012, pinalaya si Whisenhunt dahil sa “good conduct" na ipinamalas nito.

Ngunit ilang buwan matapos siyang palayain, noong March 2013, ipina-deport sa U.S. si Whisenhunt ng Bureau of Immigration at idineklarang habampanahong blacklisted sa Pilipinas.