Hindi pabor ang dating Pinoy Big Brother housemate na si Keanna Reeves sa desisyon ng ABS-CBN at GMA Network na ipahinto ang livestreams ng Pinoy Big Brother Collab 3.0 kasunod ng online bashing na natatanggap ng mga housemate.
Si Keanna ang kauna-unahang Celebrity Edition winner ng PBB noong 2006.
Sa eksklusibong panayam sa kanya ng Cabinet Files, kinuwestiyon niya kung bakit kailangang ihinto ang livestreaming dahil lamang may mga manonood na hindi nagustuhan ang ipinakita ng ilang housemate.
“Bakit? Dahil may lumabas lang na hindi nagustuhan ng iba?
“Hindi ako alam kung sino ba ang nag-react sa mga magulang nila, e, di sana hindi na nila pinasok yung anak nila para walang masabi yung mga tao?
“Aware naman sila kung anong pinasok ng mga anak nila,” saad ni Keanna.
KEANNA ON PBB HOUSEMATES: REALITY SHOW 'YAN
Bilang dating housemate, ipinaliwanag ni Keanna na bahagi ng konsepto ng PBB ang pagpapakita ng tunay na ugali ng mga kalahok.
Aniya, may kontrata at mga patakarang kailangang sundin ang mga housemate, at alam nilang may mga camera sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Nasa kontrata yan. May contract yon na may rules si Kuya. May mga task siya.
“Alam nila na may mga camera sa loob ng bahay. Reality show yon kaya lalabas at lalabas ang mga totoong ugali ng mga housemate.
“May camera yung kuwarto, may camera yung CR. Maliligo ka, may camera. Nasa sa yo kung maghubad ka o hindi.
“Ang reality show is magpakatotoo ka. Nasa publiko na yon kung magugustuhan ang ugali mo or hindi ka nila magustuhan,” pahayag ng comedienne.
Inihambing din ni Keanna ang pagiging housemate sa pagtatrabaho bilang artista, kung saan may script at mas kontrolado ang mga kilos at pananalita sa harap ng camera.
“Iba naman kasi yung nasa harap ka ng camera bilang artista, scripted yung lahat ng mga gagawin natin tapos may konting interview, siyempre nag-iingat ka.
“Pero yung nasa loob ka ng PBB house, hindi mo alam dahil natural lang ang lahat ng mga lalabas mula sa bunganga mo at sa mga galaw mo.
“So, kung anuman ang ipinakita nila, e, yun talaga.
"Magkakaiba naman sila ng pamilya, ng mga kinalakihan. Magkaiba ang pagpapalaki sa kanila ng mga magulang nila.”
Para kay Keanna, ang mga housemate mismo ang nakararanas at nakaaalam kung sino ang nakikisama o hindi sa loob ng bahay. Ito rin umano ang dahilan kung bakit may nomination process.
“Ang nakakaalam at nakakaramdam nun yung mga housemate kaya nga may nomination.
“'Hindi kita gusto dahil hindi ka tumutulong dito sa bahay.' Sila-sila lang naman ang nakakaramdam dahil 24/7 sila na magkakasama,” paliwanag niya.
Read: Cianne, Nicole evicted from PBB; Robbie exits as livestream ends
KEANNA: BASHING HAS ALWAYS BEEN PART OF PBB
Giit pa ni Keanna, hindi na bago ang online criticism sa mga housemate dahil matagal nang nangyayari ang ganitong sitwasyon sa PBB.
Aniya: “Kailan nag-start ang PBB? 2005!
“Ang dami-daming nang nangyari. Ang dami nang na-bash sa loob!
"Ang dami-dami nang imahe ang nasira noon pa so bakit ipapahinto ang livestream?
“Ganoon talaga. Kahit nga hindi ka housemate, kahit nasa labas tayo, naba-bash tayo.
“E, di huwag ka nang mag-artista. Huwag ka nang gumawa ng eksena sa social media para hindi ka mapansin.
"Lahat naman napapansin ng mga tao."
Dagdag pa ni Keanna: “So bakit? Bakit ipinahinto? Lalong napagbibintangan na scripted kasi apektado tayo.
“Reality show yon. Kung anong ginawa nila sa loob, may rules na sinusunod pero you cannot please everyone.
"Dahil lang may nai-comment yung mga tao, naging masama yung imahe, e, ihihinto na ang live streaming?”
Read: Former PBB Otso housemate Hasna Cabral dies after stroke