Inialay ni Dennis Trillo sa kanyang girlfriend na si Jennylyn Mercado ang best-actor trophy na napanalunan niya sa Gabi ng Parangal ng 44th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ginanap ang awards night sa The Theatre at Solaire ng Solaire Resort & Casino, sa Parañaque City, kagabi, December 27.

Unfortunately, may trangkaso si Dennis kaya hindi niya personal na natanggap ang kanyang trophy.
Ang kanyang manager na si Popoy Caritativo ang tumanggap ng best-actor trophy ni Dennis, para sa mahusay na pagganap ng aktor sa One Great Love.
Ngayong Biyernes, December 28, ipinaabot ni Dennis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng One Great Love dahil sa bagong acting award na natanggap niya.
Base ito sa kanyang Instagram post, kung saan isinulat niya ang kanyang acceptance speech kalakip ng litrato ng kanyang trophy.
"Labing apat na taon mula noong ako’y unang nakatanggap ng ganitong parangal, para sa pelikulang Aishite Imasu 1941 directed by Joel Lamangan, na siya ring pinakauna kong pelikulang nagawa sa buong buhay ko.
"Salamat po Mother Lily sa pagtitiwala noon pa man, hindi hindi ko po yun makakalimutan," pahayag ni Dennis patungkol kay Lily Monteverde, na nagmamay-ari ng Regal Entertainment Inc.
Patuloy niya, "Taos-puso din ang aking pasasalamat kay Miss Kim Chiu, JC deVera, Marlo Mortel at Miles Ocampo lahat ay magagaling at seryoso sa trabaho, mapalad at proud akong nakagawa ng proyekto kasama kayo.
"Malaking bagay din ang tulong at pag gabay ng aming director na si direk Eric Quizon. Salamat sa pagbigay ng kumpiyansa sa akin upang magampanan ko ng maayos ang rRole ni Ian."
Sa huli, pinasalamatan ni Dennis si Jennylyn dahil sa pagmamahal at pag-aalaga sa kanya ng aktres.
"Ang lahat ng ito ay hindi ko magagawa kung hindi sa tulong ng lahat ng mga mahal ko sa buhay. Salamat sa inyong pag aalaga at pagmamahal sakin lalu na kay @mercadojenny.
"Sana po ay mapanood niyo ang One Great Love.
"Merry Christmas and Happy New Year po sa inyong lahat!”
Ang MMFF entry na One Great Love ng Regal Entertainment Inc. ay itinanghal na Third Best Picture.