Isang senior citizen na pumila sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin ang binawian ng buhay.
Kinumpirma ni Barangay Holy Spirit desk officer Benjamin Berriber sa Cabinet Files ang pagpanaw ni Rolando dela Cruz, 67, ng Isadora St. Barangay Holy Spirit, Quezon City, habang nakapila sa community pantry na binuksan ni Angel.
Nagbukas ng community pantry ang Kapamilya actres bilang bahagi ng selebasyon ng kanya 36th birthday.
Ayon kay Berriber, ganap na 8:37 a.m. nitong Biyernes, April 23, nang mawalan ng malay si Dela Cruz. Agad siyang isinugod sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, pero idineklara nang dead on arrival.
Tatlong araw (April 23 hanggang April 25) ang permit na hiningi ni Angel mula sa barangay para sa community pantry na binuksan niya.
Ikinuwento ni Berriber na mga naninirahan sa depressed areas ng Barangay Holy Spirit ang karamihan sa mga pumila sa community pantry ni Angel.
Nakabantay raw rito ang Quezon City Task Force, MMDA, at ang mga barangay officials para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.
Sabi pa ni Berriber, ”Yung iba naman, dahil may artista nga, nakikiusyoso. Si Angel kasi ang namimigay.
“May building kasi dito si Angel sa Barangay Holy Spirit.
“Ang nakalagay sa request ni Angel, 10 a.m to 12 p.m., at 1 p.m. hanggang 4 p.m. ang kanyang community pantry.
”Bale dalawang beses siyang mamimigay sa isang araw. At saka three days, simula April 23 hanggang April 25.”
Patuloy ng barangay official, “Pero nung makita nilang maraming tao na nakapila, nagbukas sila nang maaga.
“E, mainit ang panahon. Kami dito sa amin, kapag nagbibigay kami ng ayuda, lahat ng kalsada na pagpipilahan ng mga tao, may mga tent kami.
“Yung mga tao kasi, kahit ipinapatupad namin ang physical distancing, gumagamit kami ng megaphone, sumusunod sila. Pero maya-maya, magkakadikit na naman sila.
”Hindi kami nagkukulang ng paalaala sa kanila.”
Umabot daw ng tatlong kilometro ang haba ng pila para makakuha ng mga pagkain mula sa community pantry ni Angel.
As expected, dinumog ang community pantry ng mga taong nagsisiksikan, walang mga suot na face mask at face shield.
Hindi nila pinakinggan ang pakiusap ni Angel na bumalik na lamang bukas dahil hanggang tatlong daan lamang ang bilang ng mga mabibigyan ng mga grocery item.
Matinding hirap ang dinanas ng mga barangay official at ng Quezon City Police sa pagsaway sa mga taong nagdagsaan sa pagpila sa community pantry na nagmistulang fans day.