Tiyak na ang pagsali ng sexy comedienne na si Herlene "Hipon Girl" Budol sa Binibining Pilipinas 2022.
Kinumpirma ni Herlene ang balita kay Mario Dumaual ng ABS-CBN News.
Naabutan ni Mario si Herlene na nag-eensayo sa Kagandahang Flores, ang training camp ng beauty-queen maker na si Rodgil Flores, patunay na pinaghahandaan nang husto ng former Wowowin co-host ang kanyang paglahok sa Binibining Pilipinas.
Read: Herlene Budol, open magparetoke bago sumali ng beauty pageant?
Naging biktima noon ng bullying si Herlene, at isa ito sa mga dahilan ng desisyon niyang sumali sa 2022 edition ng Binibining Pilipinas.
“Dito na ako, reding-ready na po,” pahayag ni Herlene.
Matagal nang kinukumbinsi si Herlene na sumali sa mga national beauty pageant dahil sa kanyang mataas na height.
Saad pa niya, “Gusto ko pong ma-boost yung confidence ko kasi dati po, e, nabu-bully ako.
"Gusto ko rin pong may mapatunayan ako sa sarili ko, para mas makilala ko din po at ma-improve ko ang sarili, kasi alam ko pong mas marami pa pong kulang sa akin.
"Willing naman po akong matuto every day, still learning every day po."
Hindi na baguhan si Herlene sa pagsali sa mga local beauty contest dahil nanalo na siya noon bilang Binibining Angono.
Ang Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Supranational, Bb. Pilipinas Intercontinental, at Bb. Pilipinas Grand International ang ilan sa mga beauty title na ipamamahagi ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) sa mga mapapalad na kandidata.
Ang Bb. Pilipinas Grand International crown ang pinupuntirya o gusto ng mga supporter ni Herlene na makuha nito.
Hindi ito imposibleng mangyari kung pagsisikapan niya, pero kailangan muna niyang makapasa sa mahigpit na screening ng BPCI para sa official candidates ng Binibining Pilipinas 2022.
HERLENE'S DISCOVERER
Si Willie Revillame ang discoverer ni Herlene, at malaki ang kinalaman ng host kaya nagkaroon ng showbiz career ang 22-year-old aspiring beauty queen.
Contestant si Herlene sa "Wil of Fortune" segment ng Wowowin noong May 2019, at dito napansin ni Willie ang kanyang height at seksing pangangatawan.
Ito ang kuwento ni Herlene sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files sa Singapore noong July 2019 tungkol sa pag-uusap nila ni Willie na naging daan para kunin siya bilang co-host ng Wowowin.
Nang tanungin ni Willie si Herlene kung seksi ito, “Hindi ako sure” ang sagot niya.
“Sabi nila, seksi ka lang. Shrimp nga ang tawag nila sa akin.
"Di ba, kapag kakain ka ng hipon, tatanggalin mo yung ulo, kakainin ang katawan,” kuwento ni Herlene kay Willie.
Mula noon, Hipon Girl na ang naging bansag sa kanya.
Read: Herlene 'Hipon Girl' Budol: "Si God, ginawa si Sir Wil para sa akin."