Ang live coverage ng mga television network na GMA-7, ABS-CBN, at TV5 sa kilos-protesta laban sa korapsyon na magaganap sa Linggo, Setyembre 21, 2025, ang patunay na malaki at hindi lamang ordinaryong pagtitipon ang mangyayari.
Lalahukan ang kilos-protesta na gaganapin sa Luneta Park, Maynila at People Power Monument sa EDSA, Quezon City, ng libu-libong Pilipinong nasagad na ang pasensiya sa mga abusadong opisyal ng pamahalaan.
Read: Anne Curtis, dadalo sa kilos-protesta laban sa korapsyon
Mga corrupt na opisyal na walang-hiyang nagnanakaw sa kaban ng bayan kaya lalong dumarami ang mahihirap at patuloy na naghihirap ang ating bansa.
Tinawag ng GMA-7 na Protesta ng Bayan ang special coverage nila sa kilos-protesta na live na mapapanood simula alas-otso nang umaga.

Laban Sa Katiwalian, The September 21 Protests ang pamagat naman ng ABS-CBN News coverage at mag-uumpisa itong mapanood sa ganap na alas-nuwebe nang umaga.

Samantala, ang TV5 live coverage naman ay may titulong Protesta! na may caption na “Huwag magpahuli sa balita! Subaybayan ang aming special coverage ng mga rally laban sa korupsyon sa EDSA at Luneta."
Matutunghayan ito mula 10:30 AM hanggang 6 PM.

Ang mga live broadcast ng mga nabanggit na television network ang paraan ng paglilingkod nila sa mga Pilipino na nagnanais na makiisa sa kilos-protesta pero manonood na lamang sa telebisyon dahil hindi sila personal na makapupunta sa Luneta at EDSA para ipahayag ang kanilang mga nagpupuyos na damdamin.
Read: Discaya couple, humiling ng Witness Protection sa DOJ
Hindi lamang Luneta at EDSA ang mga lugar na pagdarausan ng kilos-protesta.
Kasado na rin ang mga pagtitipon laban sa korapsyon sa Cebu, Iloilo, Davao, at ibang mga lugar sa Pilipinas.
Matibay itong ebidensya na sumiklab na ang galit ng taumbayan na handang-handa nang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at para matuldukan na ang pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Bago maganap ang kilos-protesta sa Linggo, nauna nang lumusong at nagmartsa sa baha ngayong Sabado, Setyembre 20, ang mga residente ng Hagonoy, Bulacan, para kondenahin ang mga sangkot sa flood control project scams.
Sa kabila ng banta ng pagkakaroon ng sakit na leptospirosis, matapang na naglakad sa baha ang mamamayan ng Hagonoy para manawagan sa agarang solusyon sa tumitinding sitwasyon ng pagbaha sa kanilang lugar.
Matagal nang nagdurusa sa baha ang maraming bayan sa Bulacan dahil sa mga ghost project at paglustay ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways, pati na ng mga contractor sa bilyun-bilyong pondo para sa mga proyekto ng flood control sa kanilang lalawigan.