Ngayong gabi, February 25, 2022, ang final episode ng Mano Po Legacy: The Family Fortune.
Ang veteran actress na si Boots Anson Roa-Rodrigo ang isa sa mga cast member na tiyak na mami-miss ni Rob Gomez, na bahagi rin ng top-rating drama series ng GMA-7 at Regal Entertainment, Inc.
Si Rob ay apo ng yumaong aktor na si George Estregan, na nanalong Best Actor sa FAMAS para sa pelikulang Sukdulan noong 1972.
FAMAS Best Supporting Actor din siya para sa Kid Kaliwete (1978) at Lumakad Kang Hubad Sa Mundong Ibabaw (1980).
Si Boots ang gumaganap na grand matriarch ng Filipino-Chinese family sa Mano Po. At sa tunay na buhay, nasanay na si Rob at ang ibang mga katrabaho nilang tawagin siyang "Amah."
Lahad ni Rob, "Ang bait ni Tita Boots, she's so cute. Para siyang lola ko.
"We call her Amah, we treat her like our grandmother talaga. Amah ang tawag namin sa kanya maski wala kami sa set.
"She’s so amazing. She’s so insightful. She has a lot of experience, she made a lot of films, she won a lot of awards, and she’s a pinnacle of Mano Po.
"For us to have her, we’re so lucky. Her work ethics is inspiring. Even 2 a.m. na sa taping, makikita mo siya, nagme-memorize siya ng lines, nakakatulog minsan, ang cute."
Sa kanilang pagsasama sa set ng Mano Po, nalaman ni Boots na apo si Rob ni George kaya ang pumanaw na aktor ang isa sa kanilang mga napagkukuwentuhan.
"Those are actually what we keep on talking about," pahayag ni Rob sa Cabinet Files.
Pinuri rin ni Rob ang disiplina sa trabaho ni Boots, na nakasama rin noon ng kanyang Lolo George.
May panghihinayang si Rob dahil hindi niya nakilala ang kanyang lolo na namatay noong hindi pa siya isinisilang.
Palaging sinasabi ni Rob sa ina nitong si Kate Gomez at sa tito niyang si Gary Estrada na nakilala sana niya ang kanyang Lolo George.
Lalo na nang malaman ni Rob na may katrabaho siya sa pelikula niya na A Girl and A Guy na kilala ang lolo niya.
"I never got the chance to meet him, but if ever I did, I would be a lot close to him. Sayang nga po. I heard he’s a great man and a better actor. He’s called a grandslam actor.
"Sa A Girl and A Guy, ang pinaka-interesting part, yung crew, they worked with my grandfather also.
"Nagulat ako, 'Talaga, nakatrabaho niyo si George Estregan? 'Sabi nila, 'Oo, mabait yun.'
"May panghihinayang on my part. I always tell Tito Gary and my mom, I wish I met him. I’ve seen videos of him, I’ve seen photos and he looks like a really cool guy.
"I hope they would see me. I hope that they see me as an actor, I hope they would trust me."
Sa kabilang banda, ipinagpapasalamat ni Rob ang role niya sa Mano Po na ipinagkatiwala sa kanya ng GMA-7, Regal Entertainment Inc., pati na rin Virtual Playground, ang talent agency na namamahala sa acting career niya.
Bukod sa napansin ang husay ni Rob sa pag-arte, nadagdagan ang mga tagahanga niyang humihiling sa GMA-7 na bigyan agad siya ng bagong proyekto pagkatapos ng Mano Po.
Malapit sa puso ni Rob ang Kapuso Network dahil nagsimula ang kanyang showbiz career nang maging parte siya noon ng Walang Tulugan with The Master Showman ni German Moreno.
"Mano Po is already a big blessing. Thank you so much, thank you GMA-7, thank you Regal, thank you Virtual Playground," saad ni Rob sa mga nagbigay sa kanya ng malaking break sa telebisyon.