Labis na ikinalungkot ni Sofia Pablo ang pagpapahinga ng kanyang karakter sa afternoon drama series na Prima Donnas noong nakaraang taon.
Ipinagbawal kasi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magtrabaho o mag-taping ang mga bata na labing-apat pababa ang edad bilang pag-iingat laban sa coronavirus pandemic.
Walang nagawa si Sofia at ang kanyang mga magulang kundi sundin ang ipinag-utos ng DOLE kaya isang taon siyang hindi napanood sa telebisyon.
Napalitan ng saya ang lungkot ni Sofia nang malaman nitong magkakaroon ng Book 2 ang Prima Donnas dahil ipinagdiwang niya ang 15th birthday noong April 10, kaya makakaarte na uli siya sa harap ng kamera.
Ang Raya Sirena, ang second episode ng Regal Studio Presents, ang unang TV guesting ni Sofia makalipas ang isang taon.
Hindi pinalampas ni Sofia ang alok ng GMA-7 at Regal Entertainment Inc. na gumanap siyang sirena dahil ito ang kanyang dream role.
Pero nagkaroon ng pagdududa sa sarili ang young actress habang papunta sa set ng Raya Sirena.
Lahad niya, “Noong papunta ako sa set, itinanong ko kay Allen [Ansay, isa sa mga kapareha niya] kung makakaya ko pa kayang umarte dahil one year po akong na-stuck sa bahay.
"Kahit mga acting video o workshop, wala akong ginagawa.
"Medyo nagkaroon ako ng doubt na baka hindi na ako marunong umarte."
Nawala ang pagdududa ni Sofia sa kakayahan niyang umarte dahil sa moral support sa kanya ni Allen, at sa tulong ng Raya Sirena director na si Easy Ferrer.
Masayang-masaya si Sofia dahil ang guesting nito sa Regal Studio Presents ang kanyang unang project sa panahon ng pandemya at nagkataon pang ang dream role niya ang kanyang ginampanan.

“Talagang hindi ko na siya makakalimutan. Ito na ang favorite role and project ko habang tumatanda ako.
“Hindi ako nahirapan sa sirena costume kasi ever since I was nine years old, nag-mermaid swimming na ako with a mermaid tail.
“Nag-start ako mag-train ng mermaid swimming sa deep water when I was 8 sa 14-feet swimming pool kaya hindi ako nahirapan sa taping. Talagang na-enjoy ko.”
Mapapanood ang Raya Sirena simula sa Sabado, September 18.