Hindi na itutuloy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagtataas ng contribution rate ng mga miyembro nito, na sisimulan dapat ngayong January 2021.
Kasunod ito ng mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang televised address nitong Lunes ng gabi, January 4, na suspendihin muna ang nakatakdang premium adjustment ng PhilHealth.
Sa press statement ni PhilHealth Chairman Dante Gierran ngayong Martes, January 5, sinabi niyang mananatili sa 3 percent ang kokolektahin ng ahensiya sa mga miyembro nito.
Ito ay matapos na suspendihin ang 0.5% contribution rate hike ngayong 2021, na nakabatay sa Universal Health Care Law (Republic Act 112233).
Gayunman, nilinaw ni Gierran na “interim arrangement” lamang ang suspensiyon at pupuwede pa ring matuloy ang dagdag-kontribusyon ngayong taon.
“This interim arrangement will be good until Congress is able to pass a new law allowing the deferment of the scheduled premium adjustment in the Universal Health Care Act of 2019,” sabi ng PhilHealth chairman.
DUTERTE: “HUWAG MUNA NGAYON”
Malinaw na tumalima si Gierran sa direktiba ni Pangulong Duterte na “huwag muna” itaas ang contribution rate ng PhilHealth ngayong may pandemya.
“At this time of our life may I just suggest to the PhilHealth chairman, si Dante Gierran, at lahat na… huwag muna ngayon.
“No increase in contributions,” sinabi ni Duterte sa kanyang public briefing nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa Pangulo, gagawan na lang ng gobyerno ng paraang mapunan ang kakulangan sa pondo ng PhilHealth.
“I will look for the money to fill it up,” ani Duterte. “Maghahanap tayo ng pera.
“Anyway, that’s the job of the government, to make it easy for everybody at this time.”
LAWMAKERS UNITE AGAINST PREMIUM HIKE
Inanunsiyo ng PhilHealth ang suspensiyon ng nakatakdang premium adjustment ilang oras makaraang magkasunod na maghain ng panukala ang parehong Kapulungan ng Kongreso para sa isang-taong pagpapaliban sa dagdag-kontribusyon.
Sa Kamara, nasa 60 kongresista ang naghain ng Joint Resolution No. 33 ngayong Martes para pigilan ang pagpapatupad ng contribution hike.
Pinangunahan ni Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor ang filing ng nabanggit na resolusyon.
Sa Senado naman, inihain ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kasama ang lima pang senador, ang paghahain ng Senate Bill 1968.
Layunin ng SB 1968 na amyendahan ang Universal Health Care Law upang pormal na suspendihin ang premium adjustment.
ZUBIRI: “RESOLVE” CORRUPTION ALLEGATIONS FIRST
“The PhilHealth premium increase is just not timely,” ani Zubiri.
Paliwanag niya: “Napakaraming tao ang nawalan ng trabaho ngayong pandemya.
“Maraming natambakan ng mga bayarin sa ilaw, sa tubig, sa renta.
"Mabigat sa bulsa itong PhilHealth increase sakaling matuloy.”
Higit pa sa pandemya, sinabi ni Zubiri na mas mahalagang malinis muna ng PhilHealth ang pangalan nito laban sa mga alegasyon ng kurapsiyon.
“We really have to resolve that first, and make sure that going forward, lahat ng contributions ay magagamit talaga ng taumbayan,” ani Zubiri.
Bukod kay Zubiri, pirmado rin ang SB 1968 nina Senator Grace Poe (Nationalist People’s Coalition), Senator Joel Villanueva (CIBAC Party-list), Senator Nancy Binay (United Nationalist Alliance), Senator Sherwin Gatchalian (NPC), at Senator Sonny Angara (Hugpong ng Pagbabago).
TARGET: 5% premium RATE IN 2025
Alinsunod sa Universal Health Care Law, inaatasan ang PhilHealth na itaas ang contribution rate nito sa 3.5% ngayong January 2021, mula sa 3% noong 2020.
Unti-unting ipapataw ang 0.5% increase sa premium rate ng PhilHealth hanggang sa umabot ito sa 5% sa 2025.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.