Sisitahin ng mga pulis ang mga maaaktuhang nagyayakapan, naghahalikan, naghahawakan ng kamay, at iba pang public display of affection (PDA) sa gitna ng pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.
Ito ang inanunsiyo ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Brigadier General Ildebrandi Usana sa media ngayong Miyerkules, March 10.
Ayon kay Usana, ang physical intimacy sa mga pampublikong lugar ay maituturing na paglabag sa health at safety protocols ng gobyerno ngayong may COVID-19 pandemic.
Partikular na maghihigpit daw ang PNP sa pagsita sa mga lumalabag sa minimum public health standards ngayong tuluy-tuloy ang pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa nakalipas na mga araw.
“If we see them embrace, stay shoulder-to-shoulder and very close to each other, it’s an automatic violation,” sabi ni Usana, na quoted sa report ng The Philippine Star.
Aniya, hindi naman kaagad aarestuhin ng pulis ang maaaktuhang nagpi-PDA, kundi sisitahin lamang ang mga ito sa unang paglabag.
PDA BETWEEN COUPLES, RELATIVES, FRIENDS
Paglilinaw pa ng PNP official, hindi lang ang mga mag-asawa at magnobyo ang pinagbabawalang mag-PDA, kundi maging ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan.
Sa panayam ng ABS-CBN TeleRadyo kay Usana ngayong Miyerkules ng umaga, ipinaliwanag niya kung bakit mas prone ngayon sa PDA ang maraming Pilipino isang taon matapos ipatupad ang quarantine sa bansa.
“'Yang public display of affection, kasama rin po 'yan [sa binabantayan ng PNP].
“Kasi alam naman po natin, dahil nag-reopen for a while ang economy, marami pong namamasyal. Marami pong mga tao na sadya talagang na-miss din nila yung kanilang pagsasamahan,” ani Usana.
Ang paghihigpit sa PDA sa mga magkakasama sa bahay ay maiuugnay sa pagbabawal noong nakaraang taon sa pag-angkas sa motorsiklo kahit pa sa mga mag-asawa at sa mga nakatira sa iisang bahay.
Matapos ulanin ng batikos mula sa publiko, kalaunan ay binawi rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagbabawal sa motorcycle backriding, partikular sa mag-asawa.
DOH CITES PUBLIC’S “NON-COMPLIANCE” WITH HEALTH PROTOCOLS
Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi lamang sa bagong COVID-19 variants maisisisi ang biglaang pagdami ng dinadapuan ng virus sa bansa.
Ang “underlying cause” raw ng pagdami ng COVID-19 cases ay ang “non-compliance” ng publiko sa minimum health protocols na itinakda ng gobyerno, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ang minimum health protocols na ito ay ang laging paghuhugas o pagsa-sanitize ng kamay, tamang pagsusuot ng face mask at face shield, pagpapanatili ng physical distancing, at pag-iwas sa matatao at kulob na lugar.
LGUS IMPOSE LOCKDOWN, CURFEW ANEW
Kaugnay nito, muling nagpatupad ang ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila ng quarantine rules, na ginamit noong nakaraang taon upang makontrol ang pagdami ng nagkakahawahan ng COVID-19.
Sa Maynila, isasailalim sa four-day lockdown ang mga Barangay 351 at 725, gayundin ang dalawang hotel sa Barangay 699 simula March 11 hanggang March 14.
Ibinalik naman ang curfew sa San Juan City at Caloocan City sa layunin pa ring makontrol ang pagdami ng COVID-19 cases.
Batay sa latest update ng DOH nitong Martes ng hapon, March 9, nasa 2,668 ang naitalang new infections sa bansa.
Dahil dito, sumampa na sa 600,428 ang kabuuan ng nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.
Sa bilang na ito, 41,822 ang kasalukuyang ginagamot, habang 12,528 na ang Pilipinong namatay sa virus.

Sa kabuuan, 116,874,912 katao sa mundo ang dinapuan ng COVID-19, at 2,597,381 sa mga ito ang namatay, ayon sa latest data ng World Health Organization (WHO).
