Pangungunahan ni Pope Francis ang misa sa Linggo, March 14, para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Mula sa St. Peter’s Basilica sa Rome, Italy, ang 84-year-old Argentine pope ang magmimisa, kasama ang Filipino community, bandang 10:00 ng umaga (5:00 ng hapon sa Pilipinas).
Inanunsiyo ito ni Scalabrinian Fr. Ricky Gente ng Filipino Chaplaincy sa Rome sa CBCPNews.net, ang news agency ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Sinabi ni Gente na dadalo rin sa event si Cardinal Luis Antonio Tagle, ang prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples at dating Manila archbishop; at si Cardinal Angelo De Donatis, ang vicar ng Santo Papa sa Rome.
Dahil sa pandemya, limitado lang ang maaaring makapasok sa St. Peter’s Basilica para dumalo sa misa.
Gayunman, naka-livestream naman daw ang misa para mapanood ng mga Pilipino sa iba’t ibang dako ng mundo, ayon kay Gente.
AFTER MASS, ANGELUS AT ST. PETER’S SQUARE
Pagkatapos ng misa, pangungunahan ni Pope Francis ang tradisyunal na pagdarasal ng Angelus sa St. Peter’s Square sa Linggo ng tanghali.
“Join us in Rome to pray, praise and thank God for his gift of the Christian faith,” quoted ng CBCPNews na sinabi ni Gente.
“You can also receive blessings from the pope after mass in Vatican Square where he will lead the Angelus prayer at noon,” dagdag niya.
Nasa Italy ang pinakamalaking populasyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa buong Europe sa bilang na 168,000, ayon sa CBCPNews.
Sa Pilipinas, sa April 4, Easter Sunday, opisyal na ilulunsad ng karamihan ng mga diocese ang isang taong pagdiriwang para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
POPE FRANCIS & THE FILIPINO faith
Hindi ito ang unang beses na nagmisa si Pope Francis para sa mga Pilipino.
Noong 2019, pinangunahan ng Santo Papa ang tradisyunal na “Simbang Gabi” kasama ang Filipino community sa Rome.
Sa misang iyon, kinilala ni Pope Francis ang mahalagang tungkulin ng mga OFW sa pagpapasigla ng relihiyong Katoliko sa buong mundo at nanawagan sa mga Pilipino “[to] continue to be smugglers of the faith.”
Nang bumisita si Pope Francis sa Pilipinas noong January 2015, sinabi niyang pinagpala raw ang Pilipinas dahil ito ang “foremost Catholic country in Asia.”
