Ipinaalala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na ang bagong 1,000-Piso Polymer Banknote ay maaaring ipambayad kahit may tupi.
Noong December 1, 2023, naglabas ng magkakahiwalay na advisory ang BSP, Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nananatili ang value ng 1,000-Piso Polymer Banknote na may tupi, at maaaring ipambayad pa rin ito.
Bunsod ito ng mga reklamo na may mga establisiyemento at pampublikong sasakyan na ayaw tanggapin ang PHP1,000 polymer bills na may tupi.
Read: PHP1,000 polymer bill, nagwagi ng “Banknote of the Year Award”

Sa inilabas na advisory, maaaring ipagbigay-alam sa mga sumusunod ang mga establisyemento at pampublikong sasakyang tumangging tanggapin ang may tuping 1000-Piso Polymer Banknote:
- BSP e-mail: bspmail@bsp.gov.ph
- DTI Hotline: 1-384
- DTI E-mail: ConsumerCare@dti.gov.ph
- LTFRB Hotline: 1342
- LTFRB Landline: 8529-7111
- LTFRB E-mail: ochm@ltfrb.gov.ph
Ayon kay Nenette Malabrigo, Bank Office V, Currency Policy and Integrity Department ng BSP, "Kesyo may tupi raw ang polymer, kesyo may lukot daw po, hindi po totoo iyan. Dapat pong tanggapin.
“Pinalabas po ng BSP ang advisory na iyan para maliwanagan po ang ating mamamayan.”
Dagdag pa niya, ang hindi pagsunod sa panuntunan ng BSP ay may katapat na parusa na pagkakabilanggo ng hanggang 10 taon.
Read: Mas simple, mas matibay na PHP1,000 banknote, ilalabas ngayong April
Sinabi naman ni Philippine Retailers Association (PRA) Vice Chair Paul Santos na aabisuhan niya ang mga miyembro ng asosasyon, at ipapaalala na tanggapin ang PHP1,000 polymer bills kahit may tupi.
Ayon pa kay Santos, ang mga miyembro ng PRA ay tumatanggap naman ng kahit anong nakatuping perang papel basta maayos pa ang kondisyon at hindi peke.
Read: Meet Floyd Bermejo: Ang photographer ng Philippine eagle sa PHP1,000 banknote
Ipinaliwanag naman ng ilang nagtitinda na nagsimula ang kalituhan tungkol sa PHP1,000 polymer bills dahil sa magkakaibang pahayag ng gobyerno kung paano iingatan ang naturang bagong pera.
Pero ayon sa BSP, pinayuhan lang nito ang mga mamimili na ingatan ang polymer notes, huwag susulatan, at huwag ding paplantsahin kung nagkaroon ng tupi.
Read: (UPDATED) VIRAL: PHP1,000 polymer banknote, naplantsa at nasunog
Ang PHP1,000 polymer bills ay inilunsad ng BSP noong April 2022. Mas matibay ito at mas malinis kumpara sa perang papel.
Read: Dos and don’ts sa paggamit ng bagong PHP1,000 polymer banknote
