Bawal tumanggi ang employers sa empleyadong nais mag-resign sa trabaho.
Ito ang nakasaad sa labor law at iginiit ng labor lawyers.
Natalakay ang paksang ito nang itampok sa GMA Integrated News ang kaso ni Vergel Magdael, 29.
Makailang ulit kasing nagtangkang mag-resign ni Vergel sa pinagtatrabahuhan, subalit ilang beses umano siyang hindi pinayagan ng employer nito.
Namasukan si Vergel bilang isang oiler sa isang local shipping line noong June 2022.
Stay-in employee si Vergel sa shipping line na ang biyahe ng mga barko ay Lucena, Romblon, at Marinduque.
Nine months after, noong March 31, 2023, nagsumite ng resignation si Vergel.
Balak kasing tutukan ni Vergel ang kanyang pag-aaral para sa licensure exam.
Pero hindi raw pinayagan si Vergel ng Human Resources (HR) department ng kanyang employer.
Katuwiran umano ng HR, wala pa siyang isang taong nagtatrabaho sa kumpanya.
Nang umabot na siya ng higit isang taon, nagpasa uli si Vergel ng resignation letter noong July 2023.
Kuwento ng ama ni Vergel, hindi pa rin pinayagan ang kanyang anak.
“Ang katuwiran ho nila, kailangan daw hong may kapalitan siya. Maghanap daw ho siya ng kapalit niya bago siya pabababain,” sabi ng ama niyang si Richard Magdael.
Mayroong tinrain na tao si Vergel, pero inilipat naman daw ito sa kabilang barko.
Kaya si Vergel, ipinagpatuloy lang ang pagtatrabaho.
Read: Wet smartphone? Experts say rice is not the best solution
WHAT THE LABOR LAWYER SAYS
Sumangguni ang GMA Integrated News sa isang labor lawyer para mabigyang linaw ang isyung ito.
“Sa ating Constitution, sa ating bill of rights, ay may karapatan ang sinumang tao na umalis sa kanyang trabaho,” ani Attorney Sonny Matula, isang labor lawyer.
Iginiit niyang “illegal” ang pagbawal sa empleyado na mag-resign ito.
“Violation iyan ng kanyang constitutional rights against involuntary servitude o tawag niyan ay forced labor.”
Pagpapatuloy ng abogado, matapos mag-resign o nagbigay ng notice, maaari nang umalis si Vergel. Hindi dapat bigyan ng disciplinary action, walang danyos, walang dapat i-impose na obligasyon, at hindi matatawag na AWOL (absence without leave) “kasi nag-resign na siya, so may notice.”
Iginiit din ng abogado na dapat ay mabigyan ng clearance at employment certificate si Vergel matapos niyang mag-resign.
Tumangging magbigay ng pahayag ang local shipping line, subalit nangakong ibibigay kay Vergel ang kanyang clearance at certificate of employment.
Read: Former Louis Vuitton employee gives tips how to spot fake LV bag
WHAT EMPLOYEES SHOULD KNOW
Sa LinkedIn ni Atty. Aldrin Bautista Gregorio, isang corporate litigation officer at taxation and labor law practitioner.
Dapat daw ay isumite ang resignation letter 30 days in advance sa immediate supervisor at employer. Magtago ng kopya ng letter.
Mayroon ilang exemptions na ibinigay si Atty. Gregorio sa mga pagkakataon kapag hindi applicable ang 30-day rule.
- Honor compromised. Kung pakiramdam ng empleyado ay nainsulto ng kumpanya ang kanyang karangalan o ang kanyang representative.
- Unbearable treatment. Kung ang tratong ibinibigay sa empleyado ay “inhuman or intolerable.”
- Criminal actions. Sitwasyon kapag ang employer "has committed a crime against the employee.”
Hindi rin daw applicable ang 30-day rule kapag may mga similar scenarios na tulad ng mga nabanggit sa taas.
Read: Kelan dapat pindutin ang emergency button sa LRT?
Sabi pa ni Atty. Gregorio, “An employer can't decline your resignation. It's your right. But they do influence scenarios like when an employee wishes to withdraw their resignation.”
Idinagdag din niya ang mga consequences kung nilabag ng employee ang 30-day notice.
Kung nilabag daw ito ng empleyado, maaaring hindi na niya makuha ang kanyang final pay, “being held liable for damages and potential blacklisting.”
Dagdag na pa niya, posibleng bawiin ng empleyado ang kanyang resignation, pero may mga dapat ikunsidera.
Halimbawa ay wala pang nakukuhang kapalit ang employer.
Pahabol ni Atty. Gregorio ukol sa forced resignation: “No one should be cornered into resigning. If you ever feel forced or placed in an untenable situation pushing you to resign, it's vital to recognize this as constructive dismissal—an illegal practice.
Pagdating naman sa final pay, “If you've resigned with notice, you're entitled to unpaid salary and benefits convertible to cash.”
