Daan-daang kurso ang ino-offer ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na puwedeng pag-aralan online sa sarili mong pace at higit sa lahat, libre.
Tinatawag na TESDA Online Program o TOP, ito ang “probably the cheapest and best way to provide as much as access as we possibly can to as many Filipinos as possible," ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez sa panayam niya sa Good Morning Kuya ng UNTV kamakailan.
Dagdag niya: “Ito ay curated ng TESDA. Lahat ito ay puwedeng kunin nang libre.
“Kailangan lang ho nating piliin kung anong gusto nating training o kaalaman. Nandun po iyan lahat sa TESDA Online Program.”
Ang modules ay mada-download sa TESDA website.
Puwedeng makakakuha ng National Certificate (NC) o kaya ay certificate of completion kapag natapos ang kurso at naipasa ang face-to-face assessment at certification.
“Sa dulo, yung mga ganyan po dahil tech-voc [technical-vocation] po ang ating mga itinuturo, kailangan talaga ng kasanayan,” sabi ng kalihim.
Pagbibigay halimbawa niya pa: “So, kahit na kayo ay nasa bahay, halimbawa, kumukuha kayo ng NC2 in baking na nandon din po sa TESDA Online, kailangan din po siguro na nagsasanay rin kayo kung gusto niyong makakuha ng assessment o certification sa dulo.
“We have many full professional NC courses kung tawagin.”
Meron ding mga courses na walang assessment kapag natapos. Kabilang dito ang Financial Management, Entrepreneurship, Digital Literacy, Job Readiness, 21st Century Skills, at at kaagapay nila rito ang ibang TESDA partners.
TOP'S KEY CATEGORIES
Ang mga kurso ay sakop ng mga kategoryang ito:
- Information and Communication Technology (ICT)
- Tourism and Hospitality
- Agriculture and Fisheries
- Health Care
- Electrical and Electronics
- Social, Community Development and Others
- Lifelong Learning & 21st Century Skills
Ani Benitez, puwedeng magkaroon ng certification of completion bilang patunay na natapos ang kurso. May employers daw na kuntento nang may certificate of completion.
May iba kasi na kailangan ang NC bilang full assessment, partikular sa kaso ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Paalala ni Benitez may babayarang fee para sa full assessment at makuha ang NC. Tinatayang PHP500-PHP2,000 o posibleng mataas ang fee, depende ito sa kurso.
ADVANTAGES OF TOP
Diin ni Benitez, ang TOP ay “asynchronous class.” Ibig sabihin nito ay mag-aaral at tatapusin ng estudyante ang kanyang aralin sa sariling oras.
Ani Benitez, nakakatulong ito bilang “hybrid flexible teaching.”
Ito rin ang dahilan kung bakit walang bayad ang TOP. Pag face to face kasi ay required ang bayad dahil binabayaran ang oras ng mga nagtuturo at trainers.
Ang kagandahan pa sa TOP ay puwedeng kunin ng isang indibidwal ang lahat ng courses nang sabay-sabay.
Ani Benitez: “Kung meron po tayong lifelong learning at growth mindset, marami rin po tayong halimbawang AI tools o cybersecurity tools o training na meron diyan sa e-TESDA na puwede nating i-avail.
“Puwedeng-puwede po iyan kahit nasaan man kayo, kung kayo po ay overseas kung kayo po ay OFW, kayo po ay senior citizen at gusto pang magdagdag ng kaalaman o mag-upskill…”
TESDA SKILLS PASSPORT
Iminumungkahi rin ni Benitez ang pagda-download ng TESDA Skills Passport app na ayon sa ahensiya ay “mobile-first, digital solution designed to streamline training, certifications, employment, and scholarship services for Filipinos.”
Sa tulong ng “all-in-one app” na ito, magkakaroon ng guide ang estudyante, mula sa pag-aaral, training, hanggang sa makahanap ng trabaho.
Kapag naka-register kasi sa Skills Passport, mayroon ditong “Find a Job” at "Find a Tesdan" portals para makita ang mga employers na naghahanap ng certified Tesdans.
Dugtong ni Benitez, “Ang Skills Passport ay digital registry para makita ang certificate of completion, NCs, at micro-credentials badges.”
