Hello po.
Welcome ulit, to Labandera Chronicles. Susubukan ko ngayong mag-move on sa dalawang beses ko nang nasabon nang walang banlawan.
Dumako tayo sa "ghosting."
Oo na, at laksa na ang sumali, nagreact, at sumawsaw sa topic na ito. Nagkasabunan na nang todo, diretso banlaw, para sa iba. Hanggang piga. Pigang-piga na ngang sobra, na biglang meron pang deklarasyon ng hiwalay, as in hiwalay na raw ang puti sa de-kolor sabi raw ni Boy sa Tatay ni Girl II, kaya puwede na siyang umeksena rito.
Kaso sabi ni Girl I, di raw sila nagbreak talaga ni Boy, basta na lang daw di siya kinausap. At iyan na nga ang "ghosting," nagsimulang pauso ng mga millennial, kung saan ang isang karelasyon daw ay hindi na lang basta kinakausap, di sinasagot ang mga text, di na man lang nila-like o pinupusuan ang mga post sa FaceBook. In short, parang ginagawang multo na lang ang karelasyon, o vice versa, siya na mismong hindi namamansin ang biglang nagmimistulang multo.
Multo lang sa turing, kung baga. Na para bang wala ka.
Ang tawa ko talaga no’ng unang ipaliwanag sa akin ng mga anak ko kung ano ang "ghosting." Ang alam ko kasing tawag dito, "dedma," in turn galing sa "dead malice," na direct English translation naman ng "patay-malisya."
Pero siya, sige. Ghosting na kung ghosting.
Maraming klase ito. Sa trabaho. Na-offend o na-threaten ang senior staff sa pagka-agresibo ng bagong staff, so di niya ito papansinin, hindi isasama sa mga dapat ma-cc o ma-copy furnish ng e-mail, e, ano kung mapagalitan ang baguhan ng Boss. Mga ganitong klaseng eklatan, in all its permutations, office man siya, production house, gawaan ng sine o teleserye.
Sa social media, lalo na. Nito nga lang napipintong pag-alis ng mga bus terminals sa EDSA, sumubok akong sumawsaw at magbigay sa FB ng mga suggestions pampagaan ng traffic, gaya ng:
Keep southbound provincial buses in Pasay terminals; northbound, in Cubao. Don't allow them to traverse EDSA. Less traffic, right?
Issue license plates right after a vehicle is bought. Those on conduction stickers don't get properly coded and worsen traffic.
Galing kang probinsiya, bababa sa Valenzuela/Sta. Rosa. Babayad uli ng bus pa-EDSA. Isang sakay pa, pag-uwi. Paano na, e, may endo?
At saka itong huli:
The call to make provincial commuters go down Valenzuela/Sta. Rosa and take another ride to EDSA came from men in cars.
Walang response ang MMDA, although I did get a very interesting series of replies from Apa Ongpin re: the issuance of license plates, kung bakit naging monopoly ito, at kung ano ang puwede gawin para nga madali ang pagbibigay ng plaka sa mga bagong sasakyan.
At dahil na nga MMDA ang inaambisyon kong mag-react, hayan. Feeling na-ghosting ang aba niyong labandera.
Anyway: Iwan muna natin ang trapik na mukhang wala nang solusyon. Forget na muna natin ang mga ghosting-an sa workplace. Tumbukin natin ang dapat.
Tama ba si Boy sa ginawa niyang di na lang niya kinausap si Girl I, ‘tapos, iyon na iyon, break na sila?
Ang tanong na iyan, sasagutin ko rin sa isang tanong: Gawain ba ng tunay na lalaki ang mag-iwan ng babae sa balag ng alanganin?
Kayo, ano sa tingin ninyo?