JERRY OLEA
Viral sa social media ang maseselang eksena nina Ricky Davao, Royce Cabrera, at Kokoy de Santos sa Cinemalaya 2019 film na F#@*bois directed by Eduardo Roy Jr.
Pinirata ang kabuuan ng pelikula sa YouTube at Facebook.
Nagkalat ang video clips, screen shots, at links nito sa Twitter, Messenger at Viber.
“Bawal na ang mga ganyang eksena ng halikan dahil sa nangyayari ngayon,” sambit ng premyadong aktor na si Ricky Davao nang mainterbyu namin sa landline nitong Abril 29, Miyerkules.
“Actually, February pa lang, meron nang announcement sa mga eksenang lalabas sa mga teleserye.”
Naka-10 taping days na si Ricky bilang direktor ng Kapuso drama series na The Seed of Love.
Tampok dito sina Glaiza de Castro, Valerie Concepcion, Mike Tan, Boy2 Quizon, Alan Paule, at Tina Paner.
Hindi pa alam ni Direk Ricky kung kailan sila magpapatuloy ng taping.
Bali-balita na iyong ibang teleserye na palabas bago mag-ECQ, sa Enero 2021 pa magte-taping muli.
“Lahat, puro replay.
"Hindi ko alam kung kailan tayo babalik sa trabaho sa TV.
"Wala pang assurance,” lahad ni Direk Ricky.
“Mga middle of the year, sa June, puwede na sigurong pag-usapan at ilatag ang mga dapat gawin.
“Dapat, iyong simple lang muna.
"Nag-iisip ang mga writer natin ng mga kuwento na pwedeng gawin sa panahon ng social distancing.
“Nakakapag-isip ang mga writer dahil nasa bahay lang sila ngayon.”
Pakiwari ni Direk Ricky ay magpapahinga muna ang movie industry, lalo’t sarado pa ang mga sinehan.
“Sa TV, tuloy kahit paano ang mga shooting. Tuloy ang mga palabas sa TV at social media,” saad niya.
“Takot ang mga taong manood sa sinehan, kaya tiis-tiis muna ang mga taga-movie industry.
“Ang importante, maka-survive muna tayong lahat.
"Hintayin natin kapag may gamot na, kapag meron nang vaccine.
“Iyong pag nagkasakit ka, hindi ka aabot sa ICU.”
NOEL FERRER
Undoubtedly, isa si Ricky sa pinakamagaling nating artists na nakaka-adjust sa pag-usad ng panahon sa kahit anong medium—mapa-pelikula, TV o kahit theater o concert stage.
I’m sure with his talent and goodwill, he can navigate a good and purposeful career in this “new normal.”
Kung hindi man siya nasa harap, puwede rin siya sa likod ng camera.
Kaya bilib tayo at mahal natin si Ricky Davao!
GORGY RULA
Sa totoo lang, kung iisipin natin kung ano ang mangyayari sa showbiz pagkatapos nitong ECQ, mangangamba ka.
Kasi, parang wala pang kasiguraduhan kung magre-resume ng taping o shooting ang lahat.
Narinig ko ngang may ilang primetime dramas na next year na raw magre-resume ng taping.
Ang inaalala ko, sa totoo lang, ang mga production staff na natatakot kung may babalikan pa silang trabaho.
Pati ang mga maliliit na artista ay nanganganib na ring mawalan ng trabaho.
Kaya ang ilang nakakausap kong staff ay nag-iisip na ng fallback kung sakaling matitengga pa rin sila.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
