JERRY OLEA
Finorward sa akin ng isang kaibigan via Messenger ang meme na ito:

Nalathala noong Marso 10 ang thread ng PEP Troika titled “Year of the Rat, Year of the Wrath nga ba?'
Ipinahayag doon ng spirit questor na si Atty. Nick Nañgit:
“Dala ng taong ito ang pagsubok para patunayan ng bawat isa ang kakayanang tumayo nang walang inaasahan kundi ang sarili...
“Dala ng Taon ng Daga ang panimula ng 12-year cycle, ang pagkakanya-kanya ng bawat isa, at ang pagiging maabilidad, manloloko, o oportunista.
"Ang elementong metal ay may kinalaman sa perang iikot o dadagsa na maaaring gamitin sa tama o hindi tama...
“Tandaang mapanlinlang ang Daga...”
NEW NORMAL
Ngayong Mayo 1, Biyernes, tuloy ang ECQ (Enhanced Community Quarantine) sa NCR, Calabarzon, Central Luzon maliban sa Aurora, at sa iba pang mga lalawigan.
Tatagal ito hanggang akinse.
Inurirat namin si Atty. Nick kung hanggang kailan ang New Normal na nakatakdang magsimula sa Mayo 16.
Aabot ba ang New Normal sa Year of the Metal Ox na mag-uumpisa sa Pebrero 12, 2021?
Paliwanag niya nitong Mayo 1 via Messenger, “Ang New Normal ay talagang nakadepende sa mga tao.
“Maraming timelines ang future.
"May free will lahat tayo, at sa isang iglap, kaya nating baguhin ang anumang gugustuhin ng collective consciousness.
“Hangga't hindi tayo sumusunod sa mga alituntunin ng mga nakaaalam, at hangga't hindi pa nakagagawa ng preventive solution sa NCoV, mananatili ang New Normal.
“Bukod pa rito, ipinanganak tayong walang mask o shield na nakadikit sa mukha, at wala ring hadlang sa paglapit o pakikitungo sa kapwa.
"Malaya dapat ang ating ilong, bibig, at katawan kumilos.
“Kaya lang, sa panahon ngayon ng pandemya, kailangan natin ng agarang remedyo, para hindi magkahawaan.
“Ipinaaalala sa atin ng ating pagsasakripisyo ang parehong kahinaan at kalakasan ng tao.
“Kahinaan, dahil hindi natin kontrolado ang mundo o kalikasan.
"Mortal tayo, at maliit kumpara sa buong sansinukob ng Lumikha.
“Kalakasan, dahil kaya nating maging matatag at umangkop sa mga pagbabago.
“Kung makakahanap ng solusyon bago pumasok ang Oktubre, makokontrol na ang CoViD-19, bagama't tataas pa rin ang bilang ng tatamaan nito at ang mga papanaw sa buong mundo."
Nabanggit na raw ito ni Atty. Nick sa kanyang YouTube channel na Nickstradamus.
Pagpapatuloy niya, “Sa ngayon, ang maibabahagi ko muna ay ang ilan sa aking mga pangitain at gabay ng mga spirit guides, na ang NCoV ay isang manipulasyong tila nagwala.
“Kapag hindi magkasundu-sundo sa solusyon o kapag ipinagkait ito bago mag-Oktubre, dala ng pagkagahaman sa pera na isang katangian ng Taon ng Metal na Daga, tatagal pa ang New Normal ng isa o dalawa pang taon.
"At tiyak aabutin ang pagpasok ng Taon ng Metal na Baka na magdadala naman ng pasanin, pagtitiyaga, kakuparan, at pagdududa.
“Nakakakaba pa, dahil magkakaroon ng Jupiter conjunct Saturn sa Disyembre na magdadala ng higit pang pagbabago sa maraming bagay, kasabay ng Panahon ng Hanging nagsimula na sa konstelasyong Libra.”
NOEL FERRER
Nakakatakot at pangamba ang mga prediksyon kung seseryosohin mo lahat!
Kaya free will at good vibes na lang ang paganahin natin ngayong panahong ito siguro!
Sana, ma-predict na rin ng mga manghuhula kung saan at kailan magkakaroon ng vaccine at gamot panlaban sa Corona!!!
Please!!!
JERRY OLEA
“2020 is prosperous, lucky year,” pahayag ng isang feng shui master bago magtapos ang taong 2019.
Ang tanong: Sa pananalasa ng COVID-19, may career pa ba ang mga manghuhula at feng shui expert?
“No comment ako kung may karir pa ang mga manghuhula at sinasabing feng shui experts pagkatapos ng ECQ,” tugon ng spirit questor na si Atty. Nick.
“Pag sinabi kong meron pa, baka sabihin ng iba na kinakampihan ko lang sila, kahit magkaiba kami.
“Pag sinabi ko namang wala na, baka sabihing naninira lang ako.
“Sa totoo lang, kahit saang panig ng mundo, noon pa man hanggang ngayon, naglipana na ang mga ganyan.
"May ilang totoo, pero karamihan ay nagpapanggap lamang, dahil pinagkakakitaan nila ang panghuhula o pagbebenta ng mga produkto ng negosyo.
“May mga tao naman na desperado o segurista, kaya't nabubuyo pa rin, gaya ng nakapiring na paniniwala nila ayon sa kani-kanyang uri ng pananampalataya.
“Iyan ang dahilan kaya kaming mga Spirit Questors ay lumantad na sa publiko noong pumasok ang taong 2000, para ituwid ang mga maling ikinalat ng media na pinaniniwalaan ng publiko.
“Siguro, ngayong nagkaroon ng pandemya, pagmumulat na ito sa kaisipan ng mga tao na huwag nang pakinggan ang mga hunyango.
“Huwag na rin silang maniwala sa mga nagsasabing magugunaw na ang mundo o kaya'y pinaparusahan tayo ng Lumikha.
“Ito ang maling kaisipan na pinalaganap magmula pa nang nauso ang bentahan ng indulhensiya para maligtas daw ang kaluluwa.”
Maliban sa pagiging spirit questor, si Atty. Nick ay isang tax lawyer at consultant.
GORGY RULA
Wala ni isa man sa mga manghuhula ang nakakaalam kung ano ang kagustuhan ng Diyos.
Lahat iyon ay interpretasyon lamang nila sa mga nababasa nila sa bituin, sa ihip ng hangin, sa alignment ng mga planeta, sa ating mga palad, sa galaw ng mga ulap, sa kumbinasyon ng mga baraha, sa kislap ng bolang kristal, at kung anu-ano pa.
Parang katulad lang ‘yan ng mga naglalabasang gamot na nakakagaling daw sa COVID-19.
Hindi pa naman napatunayan kung mabisa o hindi.
Kaya sa Diyos na lang tayo manalig at patuloy sa pagdarasal na tatapusin na ng Poong Maykapal ang pandemyang ito.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
