GORGY RULA
Isa si Mark Bautista sa tuwang-tuwa at proud na proud sa kababayan nating si Jon Jon Briones, na pinuri dahil sa pagganap nito sa bagong Netflix series na Ratched.
Malaki ang role ng Fil-Am actor bilang Pinoy doctor na si Dr. Richard Hanover/Dr. Manuel Bañaga sa suspenseful drama series.
“I’m super proud,” bulalas ni Mark nang nabanggit si Jon Jon sa virtual mediacon ng All-Out Sundays noong September 24, Huwebes.
Nagkakilala raw sina Mark at Jonjon sa isang gathering sa London nang ginagawa noon ng male balladeer ang musical na Here Lies Love.
“Napaka-down to earth niya, and sa dami ng ginawa niya ngayon… hindi lang ‘yan ang una, e,” sambit ni Mark.
“Meron pa siyang ginawa sa Versace na series, nandun din siya. Pero ngayon, mas malaki ang role, major yung role.
“Nakaka-proud actually. Talagang Pinoy na Pinoy na alam mo yun…”
Napaka-humble daw ni Jon Jon, na nakikitaan pa rin ng magandang pag-uugali ng isang Pinoy.
Ayon kay Mark, “Soft spoken, napaka-humble na hindi mo iisiping sa sobrang galing niya, na grabe ang achievements niya na alam mo… napakabait na tao.
“Ang maganda pa sa kanya, hindi siya nakakalimot kung saan siya nanggaling. Talagang proud na proud siya na Pilipino siya,” sabi pa ni Mark.
Sa totoo lang, ang mag-perform sa musical ang isa sa nami-miss ngayon ni Mark. Iba raw talaga ang energy ng live performance sa entablado.
May naudlot siyang isang musical play nang magsimula ang ECQ, at hangad niyang matuloy pa rin ito.
JERRY OLEA
Gumanap si Jon Jon bilang Modesto Cunanan, ang tatay ni Andrew Cunanan sa The Assassination of Gianni Versace: American Crime Story (2018).
Executive producer nito si Ryan Murphy, na siya ring nagdirek ng season premiere.
Kasali rin si Jon Jon sa American Horror Story: Apocalypse (2018), na kagaya ng Ratched ay pinagbidahan ni Sarah Paulson.
Si Ryan Murphy ang nag-develop ng Ratched, at lumikha ng horror anthology na American Horror Story (AHS).
Nasa Netflix din ang AHS at iyong The Assassination of Gianni Versace: American Crime Story.
NOEL FERRER
Sana, dumating sa Pilipinas ang Here Lies Love para mapanood ng mga kababayan natin kung gaano kagaling sa Mark sa kanyang multiple roles.
Magiging kakaiba rin ang Pasko ngayon ni Mark lalo pa’t pumanaw ang kanyang ama this year.
Idagdag pa ang pandemic, talagang magiging iba at simple lang daw ang Pasko nilang mag-anak na madalas sini-celebrate sa kanilang probinsya.
“Alam mo yung hindi namin ma-celebrate nang maganda. Kasi normally, pumupunta kami ng probinsya, e,” lahad ni Mark.
“Kasi, last year, doon kami nag-celebrate.
“Hindi na kami nagplano kung ano ang gagawin namin this Christmas. Ngayon, magiging simple na lang.”
Kahit gaano man kasimple, tuloy ang buhay kay Mark, na talaga namang napakabait at napakasipag.
Hinihintay ko pa ang gagawin niyang drawing at tinapay—dalawang produkto ng kanyang dinevelop na skills ngayong may pandemya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
