JERRY OLEA
Nag-post ang katotong Dindo Balares nitong Nobyembre 7, 2020, Sabado, sa Instagram kaugnay sa hidwaan ng kanyang “nanay” na Cristy Fermin at “anak” na si Kris Aquino.
Sangkot din sa usaping ito sina Mr. Fu at Manay Lolit Solis.
Dapat sana ay magsasama-sama ang apat sa isang online show, pero hindi ito natuloy.
Base sa Instagram post ni Manay Lolit, tila minasama ni Tita Cristy ang paghingi ni Kris ng "grace period" na four episodes with Mr. Fu dahil hindi pa ito comfortable sa dj-host.
Bukod pa rito, ayon sa nauna nang sinabi ng ka-Troika na si Gorgy, may mga requirements kina Manay Lolit at Tita Cisty na ayaw nilang gawin.
Nasa Bikol si Dindo, nag-aayos ng kanyang taniman na winasak ng bagyong Rolly.
Ayaw niyang gatungan ang alitan.
Pumalag si Kris sa naturang Instagram post at nagkomento sa comments section: “Nagsalita ba ‘ko laban sa nanay mo? Binastos ko ba ang pagkatao niya?
"Sa daming beses na pinagsalitaan niya ako ng lahat ng pinakamasasakit na below the belt na panlalait mula ulo hanggang talampakan—ni minsan ba, pumatol ako?”
Hindi nakikipag-away o lumalaban si Kris kay Tita Cristy. Sa boxing, ang magkatunggali ay parehong nasa ring.
“Eh para um-effort nga na pumunta sa Elorde gym, wala talaga akong balak mag-commute, mag-Grab, o magpa-drive,” pagmamatwid ng ina nina Josh at Bimby.
Naka-save ang palitan ng messages nina Kris at Manay Lolit mula Oktubre 28.
Ani Kris, ang kliyente ang makakapagpatunay at makakapagbigay-linaw kung totoo ang mga paratang ni Tita Cristy sa kanya.
“There are battles worth fighting & there are stories worth correcting, sa dami ng problema ng mga tao at sa mga responsibilidad ko sa buhay, hindi ito ang uunahin kong asikasuhin,” pagpapatuloy ni Kris.
“Mas makatao at may katuturan kung tumulong ako sa mga Bicolano dahil sila ang talagang mabigat ang dinadala...”
Heto pa ang dagdag na pahayag ng anak ng prominenteng political figures na sina Ninoy, dating senador, at Cory, dating Presidente ng Pilipinas:
“... marunong pa ring manindigan pag sigurado na katotohanan ang pinanghahawakan, hindi lang nga nararamdaman na kailangan pang pagsigawan...
“I do not have to attend to every fight I’m invited to. I cannot control what people will say about me or do to me.
“BUT I can control my reaction & subsequent actions.”
GORGY RULA
Inaasahang si Manay Lolit ang makakapagbigay-linaw sa usaping ito. Nai-post ito ni Manay Lolit sa kanyang Instagram account nang ilang beses, at ang alam ko, may text messages pa rin si Kris sa kanya.
Pero hindi natuloy ang show.
Tapos na ang isyu.
Sabi naman ni Mr. Fu sa akin, “Hayaan na natin iyan."
Wala na sa kanya at nakapag-move on na si Mr. Fu.
Mas nagpu-focus na lang siya sa pangungulekta ng paintings. Ayaw na niyang maipinta sa alaala niya ang isyung iyan.
Good vibes! Ilang beses na bang nangyari ito? Ang di pagkakaunawaan at hidwaan nina Tita Cristy at Kris? Ang madalas ding pang-iirita ni Manay Lolit kay Kris?
Ang ending nito, nagkakaayos pa rin sila sa finish line. Nandiyan pa rin ang posibilidad na magsasama-sama sila sa isang programa at pagtatawanan na lang nila ito lahat. Sure na sure ako riyan!
NOEL FERRER
Matatanda na silang nilalang na dapat may pinagkatandaan, kaya hayaan na natin silang ayusin ito.
Kung hindi man, just let it be. Noong bata-bata pa tayo, yes tayo sa lahat, trying to please everyone.
Ngayon, we are defined by the things and people we say NO to. Ayaw ko na lang makisawsaw rito.
Tama, pagtatawanan na lang natin ito sa PEP Troika at sinasabi kong hindi iyan mangyayari sa atin.
