JERRY OLEA
Nobyembre 25, Miyerkules, nag-tweet ang GMA Artist Center ng pag-welcome kay Royce Cabrera sa kanilang kuwadra.
Si Royce ang kalaplapan ni Yayo Aguila sa Cinemalaya 2019 film na Fuccbois, na nagtampok din kina Kokoy de Santos at Ricky Davao.
Nang kumalat sa Facebook at YouTube noong Abril 29, 2020 ang pirated version ng Fuccbois ay tinagurian si Yayo na Laplap Queen.
Nobyembre 27, Biyernes, in-upload sa YouTube channel ng GMA Artist Center ang “Artist Collab: What is Christmas of Love for our Kapuso stars?” (12:25)
Kasama sa kumanta ng "Christmas of Love" si Royce, pati sina Ken Chan, Rita Daniela, Derrick Monasterio, Jeric Gonzales, Psalms David, Matt Lozano, Hannah Precillas, Crystal Paras, Coleen Paz, Gabrielle Hahn, at Bianca Umali.
Ang Christmas wish ni Royce para sa mga makaririnig ng kanta, “Sana sa kabila ng lahat ng hindi magandang nangyari ngayong taon ay hindi pa rin makalimutan ng tao na may Diyos na laging gumagabay sa atin at nagpapaalala na may pag-asa pang makabangon at makabawi muli para maibalik ang saya na dapat lagi nating nararamdaman.”
Disyembre 11, Biyernes, pumirma ng kontrata si Royce sa GMA Artist Center. Present sa contract signing sina GMAAC Assistant VP and Head for Talent Imaging and Marketing Unit Simoun Ferrer, GMAAC Senior Talent Manager Tracy Garcia, at ang co-manager kay Royce na si Ernesto “Dudu” Unay.
Napabalita roong kasama si Royce sa fantasy rom-com series na My Fantastic Pag-ibig na mapapanood next year sa GMA News TV.
Proyekto ito ng GMA Public Affairs, at itatampok dito ang iba't ibang love stories na pagbibidahan ng promising love teams ng GMA. Kikiliti raw sa imahinasyon ng viewers ang bawat kuwento ng My Fantastic Pag-ibig dahil sa exciting plot ng bawat episode.
Sa Disyembre 17, Huwebes, ay magsu-shoot na si Royce sa second season ng Regal BL series nina Teejay Marquez at Jerome Ponce na Ben x Jim.
Balitang pagsasama-samahin dito ni Direk Easy Ferrer ang stars ng iba’t ibang Pinoy BL series.
Si Royce ay nagbida sa Quaranthings. Malamang sa alamang na kasama rito si Miko Gallardo na gumanap bilang Sky sa My Day.
Aba! Ni-retweet recently si Direk Easy ng pic kasama sina Miko at Ron Martin Angeles (Olan ng Ben x Jim). Ang cute ng pa-Tiktok nina Ron at Miko na kapwa topless sa swimming pool.
Noon pa namin nabalitaang kinukuha si Vance Larena para sa season 2 ng Ben x Jim.
Siyangapala, malapit na ring umpisahan ang shooting ng Season 2 ng Gameboys nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos.
“In a few days, sisimulan na. Before Christmas,” sabi ng executive producer na si Direk Perci Intalan nitong Disyembre 15, Martes ng gabi, via Messenger.
“Pero start pa lang ito ng shoot. May continuation pa ito after Christmas. Hirap lang pagtugmain ang skeds nina Elijah at Kokoy.”
Elijah Canlas and Kokoy de Santos
Katatapos lang mag-shoot ni Elijah ng Xmaseryeng Paano Ang Pasko? para sa TV5 nitong Disyembre 13, Lunes. May kasunod nang TV project ang multi-awarded na si Elijah.
Si Kokoy naman ay may Stay-In Love at Sunday Noontime Live na parehong sa TV5 din.
NOEL FERRER
Maraming kailangang iresolba sa Season 2 ng Ben x Jim.
Sana, sa pagpasok ni Royce, mas ma-challenge pa si Teejay na pagbutihin ang kanyang acting.
Pinuri si Jerome sa pagiging natural at swabe ang pagganap sa Regal BL series. Hindi rin kailangan ni Teejay ang nagkalat online na mga litrato niyang hubad.
Oh, well... ingat lang dahil may endorsements siya—pero kilala siya sa circle bilang adventurous lalo na sa FAs.
GORGY RULA
Ang unang Pinoy BL series na isinapelikula ay ang Hello Stranger nina Tony Labrusca at JC Alcantara.
Ang walong episodes ng XavMi series ay pawang umabot sa 1M views. Ang Episode 1 (“Hello, Enemy”) ang unang naka-2M views sa YouTube.
Walang kissing scene sina Tony at JC sa web series, hanggang yakapan lang. Sa movie kaya, nalasap na ni JC ang glorious kiss ni Tony?
Tony Labrusca (left) and JC Alcantara
Ang ikalawang Pinoy BL series na nagka-2M views sa YouTube ay ang Episode 11.1 ng My Day nina Iñaki Torres at Miko Gallardo.
Sa Episode 8.4 ng My Day, superbonggacious ang lip-lock nina Iñaki at Miko—with fireworks and the whole caboodle.
MIko Gallardo and Iñaki Torres
Buwag na ang tambalang AkiMi. Ibinunyag ni Iñaki sa YouTube vlog (“Nothing But The Truth”) niya noong Disyembre 3, Huwebes, na hindi niya gagawin ang season 2 ng nasabing BL series ng Oxin Films.
Sa halip, bida si Iñaki sa My Toxic Lover ng Pepps TV.
Ang unang Pinoy BL series na nagkaroon ng “sequel” ay ang Truly Very Yours. Bale “trilogy” ito.
Kasunod ng kuwento nito ang Hook-Up at Unguarded. Iba-iba ang love interest ni Marky Erasga sa bawa’t series.
Nakakaaliw ang Oh, Mando! nina Kokoy de Santos, Alex Diaz, at Barbie Imperial, pero iyong Episode 1 lang nito ang in-upload sa YouTube.
Sa iWant TFC app and website nag-streaming ang kabuuan ng Oh, Mando!, kung saan pwetmalu si Alex sa shower scene sa Episode 5.
Kokoy de Santos and Alex Diaz
Palaban din sa hubaran at lampungan ang mga bida ng Why Love Why na sina Johnrey Rivas at Carl Adaron.
Ayon kay Direk Jade Castro, matatagalan pa ang Season 2 ng Boys’ Lockdown nina Ali King at Alec Kevin. QT ang lips-to-lips nila sa finale.
Ang Episode 3 (“Getting Closer”) ng Ben x Jim ang pinakamabilis na naka-1M views sa YouTube—apat na araw.
Mabilis na nag-1M views ang unang anim na episodes ng Ben x Jim.
Iyong finale (Episode 7: “The Final Chase”) ay disappointing. In-upload ang finale noong Nobyembre 26, and as of this writing ay 956K views pa lang ito.
Jerome Ponce and Teejay Marquez
Pampa-good vibes ang Ben x Jim, na nag-tribute sa Gameboys, My Day, at In Between: Sa Pagitan ng Kamusta at Paalam.
Siyanga pala, may nakapagbulong sa amin na kasama rin sa Season 2 ng Ben x Jim si Darwin Uy ng My Extraordinary, at si Jomari Angeles ng Better Days.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika