GORGY RULA
Kung hindi nagkapandemya, tuluy-tuloy na sana ang singing career ni Diego Gutierrez sa Amerika.
Si Diego ang nag-iisang anak na lalaki ng dating mag-asawa na sina Monchong Gutierrez at Lotlot de Leon.
Tiyuhin ng 24-year-old singer/songwriter at TV personality ang may-ari ng record label na Hitmakers Entertainment na si Mark J. Feist. Pinsan ito ng daddy niyang si Monching.
Si Feist daw ay dating nag-arrange ng ilang kanta nina Beyonce, Celine Dion, Little Mix, at Mary J. Blige.
Na-impress daw si Feist sa mga ipinu-post ni Diego sa Instagram, kung saan kumakanta at naggigitara siya. Nag-message ito sa kanyang mag-record na siya para sa Hitmakers Entertainment.
Kuwento ni Diego, “Nakita lang niya dati na nag-post ako sa IG story ko na naggigitara ako, kumanta ako.
“'Tapos, nag-reply siya sa Instagram stories ko na parang, ‘Diego, you’re ready. You should sign with me and let’s make some good music.’
“'Tapos ayun! Ginrab ko lang yung opportunity na yun. At saka ever since naman talaga, yung family namin, super musically inclined.
"Mahilig talaga makinig sa music, saka mahilig po talaga akong kumanta at maggitara kahit noong bata pa po ako. Kaya music po yung inuuna ko,” saad ni Diego sa virtual media launch ng bagong single niyang "On a Dream."
Ire-release ang single ni Diego sa Spotify, Apple Music, Amazon, at iba pang digital music service simula sa Febuary 5.
Ginawa ni Diego ang "On a Dream" noong April 2020 dahil hindi siya natuloy pa-Amerika para mag-record doon.
Kasama niyang nag-compose ng kanta ang matagal na niyang kaibigan na isa ring music producer.
Aniya, “Dapat pupunta na ako dun [Amerika] para tapusin yung mga kanta.
"Pero since nag-cancel ang mga flights, hindi ako natuloy sa States… and then, ayun, kailangang magsulat ng mga kanta dito.
“Mga April namin isinulat yung bago kong kanta, yung 'On a Dream,' together with my friend since grade school na music producer din siya rito, up-and-coming siya.
“Kasama rin dito sa song si Mr. Eric Walls. He’s been a guitarist before nina Beyonce, Janet Jackson, Michael Jackson. So, sobrang honored ako na kasama siya sa kantang ito na first release ko.”
Balak ni Diego na ituluy-tuloy ang pag-release ng iba pa niyang nagawang kanta. Gusto raw niyang every six weeks ay may bago siyang kantang ire-release.
Posible ring makipag-collaborate siya o ibigay niya ang iba pang nagawang kanta sa ilang kilalang singers.
Hindi raw kasi nababagay sa vocal range ng kanyang ate na si Janine Gutierrez ang mga nagawa niyang kanta dahil panlalaki ito.
Pwede rin daw niyang ibigay ito kay Rayver Cruzm, boyfriend ni Janine, na nag-e-enjoy na rin sa pagkanta sa All-Out Sundays.
Hiningan naman namin ng reaksiyon si Rayver tungkol dito sa virtual mediacon ng first anniversary ng All-Out Sundays noong Huwebes, January 28.
Na-impress din daw si Rayver sa galing sa pagkanta at pag-compose ni Diego ng mga kanta. Kaya hindi malayong maka-collab niya si Diego sa ilan pa nitong nagawang kanta.
“Pareho kasi kami ng type ng songs, e. Medyo R&B rin si Diego na pop. Swabe siya,” pakli ni Rayver.
“Very talented din kasi talaga si Diego lalo na kung when it comes to singing.
“Matagal ko na siyang pinu-push na tahakin yun, kasi dati pa lang, naririnig ko na siyang kumakanta, mahusay siya talaga.”
Kaya posibleng mag-collab daw sila in the future.
Bukod pa riyan, type daw talaga ni Diego na ibigay sa ibang singers ang iba pa niyang nagawang kanta, kagaya ng idol niyang si Ed Sheeran.
“Yung mga idol ko… sina Ed Sheeran, they also write songs for other people. Eventually siguro, magagawa ko rin po,” sabi pa ni Diego.
JERRY OLEA
Namana nina Diego at Janine ang musical talent sa kanilang lola na si Pilita Corrales, na tinaguriang Asia’s Queen of Songs.
Engrande ang pag-welcome kay Janine sa ASAP Natin ‘To noong Enero 24, Linggo. Kasama ni Janine sa pag-awit ng "Panaginip" (pinasikat originally ng Hotdog) sina Gary Valenciano, Martin Nievera, at Ogie Alcasid.
May production number din si Diego bilang isa sa apat na kasama ni Moira. Ka-join nila sina KD Estrada, Sam Cruz, at Anji Salvacion.
Nawa’y magkaroon ng sariling shining moment si Diego at huwag manatiling “one of those” na pansahog.
NOEL FERRER
Aside from the Gutierrez, kumakanta rin ang nanay ni Diego na si Lotlot de Leon,na bida pa sa sarili niyang musical-variety show na Lotlot and Friends noong 1988.
And by osmosis, may influence din ng Lola Nora at Lolo Boyet niya kaya showbiz royalty din talaga si Diego.
Sana lang talaga, makagawa ng marka ang kanyang musika dahil grabe ang track record na susundan niya sa kanyang pamilya.
Good luck, Diego!
