GORGY RULA
Inaasahang star-studded ang first anniversary celebration ng All-Out Sundays sa Enero 31, 2021, Linggo.
Panauhin ang stars ng mga bagong programang magsisimula ngayong taon, kaya mahigpit na ipapatupad ang safety protocols. Bukod sa mainstays at production staff, pati guests ay dadaan rin sa swab test bago makapasok sa studio.
Sabi ni Christian Bautista, kahit nasa stage ay nagpa-practice pa rin sila ng physical distancing. May guards daw na nakakalat sa studio para mag-check kung sumusunod ba sila sa safety protocols.
Dagdag pang pahayag ng program manager ng show na si Ruth Mariñas, “Sure kami na lahat na unang pasok sa studio, nag-swab at negative po.
"Even the dressing rooms, naka-assign iyan. Bawal tumawid-tawid sila sa ibang rooms.
"Two, maximum na yung three kung malaki yung room ng artists. May kanya-kanya silang area.
"Even the companions are limited, wala nang ibang personal staff.”
Wala naman daw pasaway dahil lahat ay nag-iingat.
"Admirable iyong cast kasi independent sila. Minsan ang iba, sila na iyong nagmi-make-up, dala nila iyong gamit nila kasi naintindihan nila na hindi na puwedeng maraming tao kasi limited.
"Bilib ka sa mga artista ng AOS kasi kaya na nila talaga. Sila na iyong nagbibihis, sila ang nag-aayos, walang reklamo. Ang bait nitong group na ito.
"We observe social distancing. Pag medyo magdikit, nandiyan na iyong guard para paglayuin kayo.
"Kanya-kanyang kain sa kanya-kanyang area. So hindi na talaga puwedeng magsabay-sabay.
"We try to be safe as possible,” dagdag pang pahayag ni Mariñas.
JERRY OLEA
Pangungunahan ni Alden Richards ang opening number sa unang anibersaryo ng All-Out Sundays.
Tampok din diyan sina Rayver Cruz, Christian Bautista, Mark Bautista, Aicelle Santos, Miguel Tanfelix, Migo Adecer, Kyline Alcantara, Ruru Madrid, Mavy Legaspi, Jeremiah Tiangco, Thea Astley, Kim de Leon, Rodjun Cruz, at Rochelle Pangilinan.
Makikisaya sa pagdiriwang ang cast ng current at upcoming GMA-7 shows.
Nariyan si Barbie Forteza ng Anak Ni Waray vs. Anak ni Biday; Jeric Gonzales at Klea Pineda ng Magkaagaw; Kristoffer Martin, Liezel Lopez, Dave Bornea, at Pauline Mendoza ng Babawiin Ko Ang Lahat; at Centerstage judge Pops Fernandez.
Abangan ang all-out na kantahan at biritan sa bagong segment na "All-Star Assembly," kung saan bibida sina Mark, Aicelle, Jeremiah, Thea, Garrett Bolden, Bugoy Drilon, at Lani Misalucha.
All-out concert performance ang hatid ni Christian Bautista kasama sina Markki Stroem at Nino Alejandro.
Mag-aapoy ang dance floor sa maiinit na performances ng dancers na sina Rochelle, Miguel, Kyline, DJ Loonyo, Mannex Manhattan, Rodjun, at Rayver.
Kaabang-abang naman ang premiere ng musical-comedy segment na "Eternal Flame." Isa itong kuwento ng pag-ibig noong dekada 80 na ibabahagi ng 72 taong gulang na si Billy at ng kanyang batang tagapangasiwa na si Mika.
Tampok sa segment na ito sina Paolo Contis, Betong Sumaya, Kim de Leon, Lexi Gonzales, Althea Ablan, Denise Barbacena, Donita Nose, Philip Lazaro, at Glaiza de Castro.
NOEL FERRER
Sa wakas, LIVE na ang All-Out Sundays. Iba ang energy at subukan ng galing kapag nahaharap sa live performances.
Sa tapatang ASAP at AOS na lahat ay nagpapagalingan, ang audience ang panalo.
GORGY RULA
Sinagot na rin ni Mariñas ang pinag-uusapan noon na lumalagpas sa working hours ang taping ng AOS.
Aniya, “As much as possible, we try to keep to the working hours. We follow the rules. Siguro, may isang instance lang na lumagpas kami nang konti, only because nagkaroon kami ng technical problem.
"But as much as we can, even the other shows that I handle, iyong The Clash, we try to adhere to the working hours of IATF."
Natitiyak daw niyang hindi na sila magkakaroon ng problema sa working hours dahil nagdagdag na rin sila ng isang taping day, para mahati-hati nila ang mga dapat na i-tape.
“Meron na kaming additional taping days, mas confident kami na kayang-kaya na. Maluwag na at hindi nagmamadali. Mas napapaghandaan iyong mga production numbers na hindi natatakot na lalagpas tayo kasi pasok na.
"We have additional taping day para ma-address iyon na hindi na kami nagmamadali."
