GORGY RULA
Na-emergency caesarean pala si Nicole Donesa nang isilang niya ang baby nila ni Mark Herras na si Corky nitong Enero 31, Linggo ng 4:00 p.m.
Sandaling nakausap ng PEP Troika si Mark ngayong Lunes, Pebrero 1. Ikinuwento niyang Enero 29 ang due ni Nicole, kaya na-delay pa ito ng dalawang araw.
Mabagal daw pumutok ang panubigan ni Nicole. In-induce (ang pag-i-stimulate ng labor contractions) na nga raw si Nicole pero naka-1 cm pa lang ito.
Paliwanag ng Kapuso actor, “Kasi in-induce siya nung una para lumaki yung cm niya, yung sa pelvic bone ba yun?
“Nung unang induce sa kanya, bumaba ang heartbeat ni Corky, so nag-panic sila. Pero mamaya, nag-normalize naman.
“'Tapos nung pangalawang induce, normal naman, pero wala talaga, hindi umaakyat… 1cm lang siya, e. Kaya na-caesarean na siya.”
Nahirapan daw talaga si Nicole sa pag-labor at umabot ito ng 12 hours.
Ang mahirap pa nito, hindi raw pinayagan si Mark at ang mommy ni Nicole na samahan ang aktres sa delivery room.
Nung una kasi, sabi ni Mark, pinayagan daw sila ng OB-Gyne na makasama sa delivery kaya nagpa-swab test sila. Dalawang beses pa raw silang nagpa-swab test dahil nag-expire na yung una.
Kaya lang, tumaas na naman daw ang COVID cases at dumami uli ang COVID patients sa hospital kaya hindi na sila in-allow na samahan si Nicole sa delivery room.
“Mag-isa lang si Ico sa labor room. Nandoon naman ang mga nurses, pero iba rin sana kung sinamahan namin siya ng Mommy niya. Pero wala kaming magawa, hindi kami pinapasok.
“Nahirapan kasi talaga siya sa labor. Tumawag nga siya sa akin, humiram siya ng phone sa OB niya, umiiyak siya, kasi mag-isa lang siya, wala siyang kasama,” patuloy na kuwento ni Mark.
Mabuti at nairaos daw, okay na ang kanyang mag-ina niya at baka bukas ay pwede na silang ma-discharge sa ospital para mas mabantayan niya nang mabuti sa bahay.
Gusto raw ng mommy ni Nicole na pabinyagan na agad si Corky, at may mga nakakausap na raw silang magni-ninong at ninang.
Ilan sa mga ninong at ninang ni Baby Corky ay si Jennylyn Mercado, na nakasama ni Nicole sa Descendants of the Sun, Jason Abalos, Enzo Pineda, JC Tiuseco, Sophie Albert, Reese Tuazon, at ilang kamag-anak ni Nicole sa Amerika at non-showbiz friends dito sa Pilipinas.
Sabi ni Mark, magpu-focus muna sila kay Baby Corky ngayong taon.
Balak daw nila ni Nicole na magpakasal sa 2022.
“Bilang nagka-COVID naman kasi ngayon, at siyempre kay Baby Corky muna ito ngayong year, hopefully by next year na yung wedding. May ring bearer na kami,” nakangiting sabi sa amin ni Mark.
NOEL FERRER
Ito talaga ang plight ng mga tao ngayon na nag-iingat sa pagpunta sa ospital.
At magandang balita ang pagpapabinyag na iyan para makita natin kung totoo ang balita tungkol tungkol sa isang makakasama sa seremonya (kung sakali man).
Sana, maging hudyat na itong pagkakaroon ng anak para sa ibayong pagseseryoso ni Mark sa career at buhay!
Congratulations!!!!
JERRY OLEA
As of February 1, Monday, 4:00 p.m., ay umabot na sa 527,272 ang kabuuang bilang ng COVID cases sa bansa.
1,658 ang karagdagang kaso ng COVID-19.
May naitalang 27 na gumaling, at 58 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 5.5% (28,891) ang aktibong kaso, 92.5% (487,574) ang gumaling, at 2.05% (10,807) ang namatay.
Nakakatakot pa rin ang mga mass gathering gaya ng binyag, kasal, at birthday party.
May mga taga-showbiz na nahahawa dahil may mga pasaway, kaya kailangang pag-ibayuhin pa rin natin ang pag-iingat.
Congrats kina Mark at Nicole sa pagkakaroon nila ng Baby Corky, na nawa’y lalong magpalakas at magpatibay sa kanilang pagmamahalan!
