Proud father si Mark Herras ng baby boy na isinilang kahapon, January 31, 2021, ng kanyang fiancée na si Nicole Donesa.
May bigat na 7.3 pounds at haba na 53 cm ang sanggol na binigyan nina Mark at Nicole ng pangalan na Mark Fernando at palayaw na Corky.
Ang second name ng baby na Fernando ay mula sa pangalan ng ama ni Nicole.
"wasssap!! Very goodjob mammeeeh!!!" ang papuri ni Mark kay Nicole sa Facebook post nito ngayong araw, February 1.
Nagsimula ang relasyon nina Mark at Nicole sa set ng Bihag, ang afternoon television series ng GMA-7 na napanood mula April 1 hanggang August 16, 2019.
Inamin ng dalawa ang kanilang relasyon nang matapos ang teleserye.
Noong June 2020, inanunsiyo ng dalawa ang kanilang engagement, at noong September 13, 2020, ipinagtapat nila na five months pregnant ang newbie actress.
Parehong talent sina Mark at Nicole ng GMA Artist Center, pero bago naging active si Nicole sa acting, sumali muna siya sa Miss World Philippines 2014 at tinanghal na 3rd Princess, samantalang si Valerie Weigman ang nag-uwi ng korona.
Si Mark Fernando ang pangalawang anak ni Mark. May seven-year-old daughter ito, si Ada Sofia Nicolette Herras, sa dating handler niya na si Diane Evangelista.