JERRY OLEA
Kapapasok pa lang ni Dingdong Avanzado bilang host ng Happy Time noong Marso 15, Lunes ng tanghali, sa NET 25, magre-replay na ang programa next week.
Matapos ihayag ang 7,103 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Marso 19, Biyernes ng hapon, naglabas ng program advisory ang NET 25.
Ayon sa NET 25: “To help curb the increasing cases of COVID-19 in the Philippines, NET 25 will temporarily suspend studio tapings from March 20 to 27, 2021.
“Please expect some changes in our programming. Your favorite entertainment shows like Happy Time, Eats Singing Time, and Kesayasaya will feature their best-of-the-best episodes.
“Regular news programs and breaking news will continue to keep you informed and updated with latest developments about the pandemic...”
Marami tayong nasasagap na balitang-COVID sa mga taping ng TV programs, pero tila may news blackout.
Ang isang kilalang aktor na umaming nahawa ng COVID-19, pinakiusapang huwag munang magsalita sa kanyang kalagayan. Baka raw mataranta ang mga pamilya ng production staff na nahawa.
NOEL FERRER
By the day, pataas nang pataas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Aabot kaya sa mahigit 20,000 ang bagong kaso bawat araw?
Heto nga at dumarami rin ang cases sa mga taping ng teleserye at live shows.
Nabalitaan nating naka-quarantine ang lead star ng isang teleserye matapos magpositibo sa COVID ang kanyang buong pamilya. Maraming nahawa sa mga kasama niya sa teleserye.
May weekly drama show na ganoon din ang kaso, pati mga news coverages ngayon ay pinag-iingat din dahil delikado talaga.
Perhaps, the better attitude now is, “You can have COVID, but with the right mindset and faith, you can battle with it and survive.”
Inaasahan ang mga network to take charge of their talents and employees na nakakasagap ng sakit, habang ang iba’y umiiwas talaga at iwas-work muna, kasi delikado.
Priority muna ang buhay!!!
GORGY RULA
Pag nag-positive ka sa COVID-19, maging positibo na lang dapat ang pagtanggap mo nito.
Ang sabi ng iba, parang trangkaso na lang daw iyan ngayon na kaya nang i-manage. Pero kailangan pa rin talagang mag-ingat.
May ilang programa ang nagtataka tayo kung bakit naka-replay na ito ng ilang araw. Yun pala, kailangang i-quarantine lahat dahil may nagpositibo sa ilang staff at pati artista.
Mahirap lang pangunahan dahil kailangang manggaling sa kanila ang kumpirmasyon.
Kasisimula pa lang mag-taping ang isang bagong drama series ng bagong tambalan, natigil din ngayon dahil may nagpositibo na rin kahit naka-bubble na sila.
Kaya ang ibang produksiyon ay nag-decide na huwag munang mag-taping dahil sa nakakatakot nang lumabas.
May isang TV special na halos kalahating araw lang ang taping, may walo nang nag-positive. Pero tahimik lang sila at wala pa ring pahayag kaugnay rito.
Ang mahalaga ay naalagaan sila ng network at tinitiyak na mapabilis ang kanilang paggaling.
Kaya mas doble pa ang pag-iingat at patuloy pa rin sa pagdarasal. Diyan na lang talaga kami kumakapit.
