GORGY RULA
Maingat si Andrea Torres sa mga sagot niya nang mag-guest sa The Boobay and Tekla Show (TBATS) na ipinalabas noong Marso 28, Linggo ng gabi.
Sa unang segment ng naturang comedy show na "May Pa-Presscon," gustong pigain nina Boobay at Tekla ang isyung breakup nina Andrea at Derek Ramsay.
Pero safe ang mga sagot ng Kapuso sexy actress.
“Meron,” ang sagot ni Andrea sa tanong nina Boobay kung may mga pinanghinayangan ba siya.
Panghinayang sa oras at panahon na sinayang ng pandemya ang tinutukoy nito.
“Sa oras na nawala sa atin nung COVID, di ba? Yung mga planong hindi natuloy.
“Nung start pa naman ng 2020, dineclare ko talaga na this is it! Ito yung mga gagawin ko,” nakangiting sagot ni Andrea.
Ipinakita ang video clip ng nakaraang interview nila kay Sef Cadayona na tinanong ito kung balak ba niyang ligawan uli si Andrea.
Agree ang aktres sa sagot ni Sef na maging friends na lang sila. Nabalik daw ang friendship nilang dalawa at nagkaroon uli ng komunikasyon paminsan-minsan.
“Friends lang kami talaga. Matagal na kaming hindi nag-uusap, e. Pero ngayon okay naman uli,” pakli niya.
Inamin ni Andrea na may mga nangungumusta o parang nagpaparamdam sa kanya na male celebrities.
Ipinabulong sa kanya ni Boobay kung sino ito, na ginawa niya. Pero ayon sa aming napagtanungan, wala raw binanggit na pangalan si Andrea.
Eme-emeng may ibinulong kay Boobay na sinakyan na lang ng TBATS host.
Hindi rin daw siya ang tipong nakikipagbalikan sa dating nakarelasyon, dahil ibinuhos na raw niya ang lahat na pagmamahal noong nasa isang relasyon pa siya.
“Sa akin kasi, all-out kasi ako, e. All-out ako sa relasyon. Pag dumating sa point na kumalas na, alam ko sa sarili ko na nasagad ko na. So, okay na,” saad ni Andrea.
Sa ngayon ay mas naka-focus muna siya sa sarili, sa pamilya at sa trabaho, lalo na’t tuluy-tuloy ang taping nila ng Legal Wives.
Kaya hindi pa masasabi ng aktres kung handa na ba siya sa panibagong relasyon.
“Usually kasi, pag ganito, binibigyan ko talaga ng time iyung sarili para mag-isa. Para pag dumating iyung next, all out ulit,” sagot ni Andrea.
Ang March 28 episode ng TBATS ay nakakuha ng 5.9% rating.
NOEL FERRER
Gusto natin yung mga istorya ng mga bumabangon pagkatapos ng malungkot na episode ng buhay.
Tuluy-tuloy lang, Andrea.
You’ve survived a lot of changes sa buhay mo—napatatag ka na sana nito at hindi na mahuhulog sa mapaglarong pag-ibig.
Yes, career muna, Andrea!
Marami ka pang maibibigay, at maibubuga at darating din ang magmamahal sa iyo nang tunay at pangmatagalan.
JERRY OLEA
All in God’s time, 'ika nga. Maligaya na si Derek kay Ellen Adarna.
Alangan namang hopia, asado o expectorant pa si Andrea na makipagbalikan dito.
Matagal na ang episode ni Andrea with Sef. Nakabaon na sa lupa ang kanilang nakalipas.
“Huwag mong buhayin ang bangkay,” ikanga.
Mapaghihilom ng panahon ang sugat sa puso ni Andrea, at darating ang kanyang wagas na sanggang-dikit para maging legal wife siya sa totoong buhay.
