GORGY RULA
Isa ako sa naintriga sa sagot ni Sef Cadayona nang mag-guest sila ni Andre Paras sa The Boobay and Tekla Show noong Linggo, Pebrero 28.
Sa segment na "May Pa-Presscon," tinanong ni Boobay si Sef: "Kung bibigyan ka ng chance, liligawan mo ba ulit si Andrea Torres?"
Nag-isip sandali si Sef, at nagbitaw ng linyang, "Parang pwede ko nang sabihing, 'Malaki lang ang katawan mo, pero hindi mo ako kayang patumbahin.'"
Parang may pinaparinggan daw si Sef, na tinanong din ni Boobay kung sino kaya yun.
Marami ang nagsabing tila si Derek Ramsay ang pinaparinggan ni Sef, pero walang direktang binanggit na personalidad ang comedian-actor.
Ewan ko lang kung pinag-usapan ito nina Sef at Andrea dahil nananatiling magkaibigan ang dating magkasintahan.
Paglilinaw ni Sef, hindi niya liligawan kundi baka magkaroon lang daw sila ng reconnection ni Andrea.
"Hindi ko masasabing ligawan. Reconnect. Pwedeng reconnect.
"Happy naman kami ngayon as friends, e, at saka nakakapagkuwentuhan kami paminsan-minsan,” pakli ni Sef.
Para sa promo ng game show na Game of the Gens ang guesting na yun nina Sef at Andre.
Napapanood ang Game of The Gens tuwing Linggo ng 7:00 p.m. sa GTV.
Ngayong hapon, March 2, guest si Andrea sa taping ng The Boobay and Tekla Show.
At sabi sa amin, sinagot daw ng Kapuso actress ang lahat na mga tanong, kahit walang pangalang binanggit.
Mataas pala ang rating ng TBATS noong nakaraang Linggo, February 28. Nakakuha ito ng 6.2%.
NOEL FERRER
Masaya sina Sef Cadayona at Andrea Torres ngayon, at nakapag-move on na sila pareho.
Buti na lang, may sarili silang kahusayan para makilala separately.
Kaya kahit hindi dawit ang kanilang personal na buhay, we feel for both Sef and Andrea dahil kinakapitan ng mga tao ang kanilang “truth.”
Sana mabigyan pa sila ng maraming assignments to prove their worth.
Matutuwa tayo kapag patuloy sila sa pagiging successful sa field nila.
JERRY OLEA
Nasa Netflix na ang second installment ng I Can See You anthology, ang "The Promise" na pinagtambalan nina Andrea Torres at Paolo Contis. Nag-umpisa ang streaming nito noong Marso 1, Lunes.
Inaabangan natin ang cultural drama series na Legal Wives, kung saan gaganap si Andrea bilang Diane, isa sa tatlong asawa ni Ishmael (Dennis Trillo).
Warak na ang Sanggang Dikit na pagtatambalan sana nina Andrea at Derek Ramsay.
Naulinigan nating magbibida si Derek sa isang Kapuso drama series kasama sina Max Collins at Carla Abellana.
OK lang iyong mga pasundut-sundot na intriga, na walang binabanggit na pangalan.
At least, patuloy na pinag-uusapan at interesting ang mga artistang sangkot.
Dapat matuto sila kina Kitkat at Janno Gibbs.
Pinagbakasyon indefinitely ng Net 25 ang dalawa bilang hosts ng Happy Time dahil sa kanilang patutsadahan at parunggitan.
More and more ang mga bagong programa ng GMA-7.
Nai-announce na ang Legal Wives, Voltes V: Legacy (Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega), First Yaya (Sanya Lopez at Gabby Concepcion), Ang Dalawang Ikaw (Ken Chan at Rita Daniela), I Left My Heart in Sorsogon (Heart Evangelista at Richard Yap), Nagbabagang Luha (Glaiza de Castro at Rayver Cruz), at Heartful Café (Julie Anne San Jose at David Licauco).
May bagong season ang I Can See You anthology. Bida sina Ruru Madrid at Shaira Diaz sa episode na “On My Way To You,” kung saan tampok din sina Richard Yap at Arra San Agustin.
Ikinakasa na ng GMA-7 ang iba pang mga teleserye na maghahatid ng saya sa Kapuso fans.
Abangan ang Hope Delivers, The Space Between Us, The Kitchen Prince, Born For Love, Two Hearts, Heart of an Angel, Raising Mamay, at Love from Beyond.
Kagigiliwan din ang mga programang Running Man Philippines, ‘Lam Na, Moomoos Girls, Studio Juan, Supermom, One Knife Only, at Grad Waiting.
Sinu-sino kaya ang Kapuso stars na bibida sa mga programang ito?
