JERRY OLEA
Nag-Facebook live si Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Abril 12, Lunes ng tanghali, upang i-update ang kanyang constituents.
Pangunahing tinalakay ni Mayor Vico ang medical updates (vaccination), at ayuda mula sa national government.
Strictly by appoinment na ang pagbabakuna.
Aniya, “strictly no walk-in” sa Pasig para systematic, at hindi na maulit ang pagkakagulo at pagkahahabang pila.
Hindi pa lang masabi agad ni Mayor Vico ang mga schedule dahil limitado ang supply ng bakuna. Hindi raw sapat para sa mahigit isang milyong Pasigueño.
"Huwag po tayong mainip. Nanay ko nga mismo, hindi pa nababakunahan," matamang pahayag ni Mayor Vico, na tinutukoy ang beteranang aktres na si Coney Reyes.
Pasok daw si Coney sa kuwalipikasyon para makakuha ng bakuna dahil senior citizen at may comorbidity ang aktres.
"Baka next week, or this weekend pa po yung schedule ni Mama, ano?
"Si Mama, isipin niyo, sixty-... Ay! Baka magalit pala kung sabihin ko kung ilang taon na siya! Senior citizen!" natawang sambit ni Mayor Vico.
Patuloy ng alkalde: "Alam niyo naman, senior citizen si Mama. Sabihin ko na—hindi naman siguro siya magalit—sixty-seven years old. Nasa Google naman ‘yan kung i-search ninyo, e. Sixty-seven years old po ang nanay ko.
"May comorbidities din po siya. Hindi ko na po sasabihin kung anong comorbidities niya.
"Lumalabas pa siya pag may trabaho. So, dapat din talagang mabakunahan."
NO SPECIAL TREATMENT
Diin pa ni Mayor Vico, hihintayin ng kanyang ina kung anong schedule ang ipapadala rito ng namamahala ng vaccination sa Pasig City.
Kaugnay ito ng pagnanais ng pamunuan ng Pasig City na maging maayos ang sistema sa pagpapabakuna.
Paliwanag niya: "Pero walang palakasan. Dumaan po sa tamang proseso. Nag-fill siya ng form. Hinihingi pa nga niya sa akin yung link.
"Sabi ko, ‘Ma, tingnan mo na lang sa P.I.O. [public information office] kung saan yung link.’
"Medyo kinakabahan din siyang mabakunahan, pero willing na naman siya.
"So, ito pong ginawa natin, by schedule. Nanay ko mismo, kailangang i-text muna ng provider, ng team kung kailan yung schedule niya...
"Nagiging magaan ho yung sistema, at hindi nagkukumpulan. Iyan ang importante."
VACCINATION PHOTOS
Samantala, natutuwa si Mayor Vico na maraming nagpapadala ng mensahe— kakilala man o hindi—na nabakunahan na sila, maging ang kapamilya nila.
Ang pinakamatandang nabakunahan sa Pasig ay 92 years old.
Lahad ni Mayor Vico: "Nabanggit ko nga kanina, may mga nagse-send sa akin ng picture...
"Pero alam ninyo, nagpapasalamat ako dun.
"Minsan kasi, pag may tattoo, bawal magpaturok sa braso. Hindi pwede sa tattoo site yung injection, e."
Sa sobrang excited daw ng mga Pasigueño na i-update ang alkade, pati ang pagturok ng bakuna sa puwet ng ibang residente ay ibinabahagi raw sa kanya.
Natatawang saad niya: "So, minsan, may nagpapadala sa akin, parang dalawa na yata, may nagpapadala sa akin, picture nila, binabakunahan sila sa puwet.
"Ngayon, okay lang naman na bakunahan sa puwet. Normal ‘yan. Medical naman ang usapan.
"Pero pakiusap, huwag niyo na pong i-send sa akin!"
Kaya ito ang kuwelang pakiusap ng alkalde sa mga Pasigueño:
"Dahil ngayon, andami ko na pong iniisip, huwag niyo na pong idagdag yung puwet ninyo sa iniisip ko, ano?
"Pag sa braso, okay lang, i-send niyo sa akin. Pero pag mga iba, sa puwet, huwag niyo na pong i-send."
NOEL FERRER
Napanood ko ang FB live na ito ni Mayor Vico Sotto kanina.
Ang galing lang, kasi mula sa mga specific guidelines ng pagpapatupad ng MECQ, hanggang sa vaccine roll-out, hanggang sa pagbibigay ng ayuda nang sistematiko at maayos, ay nailahad niya nang mabuti at masaya.
Itong pagse-send ng picture ng mga nagpapabakuna sa puwet ay magandang punchline.
May iba ngang nagsabi, okay lang sa kanilang makatanggap ng photo ni Mayor na nagpapabakuna kung saan man. Hahaha!
GORGY RULA
Di ba, nabanggit noon sa mga nakaraang interview natin kay Vic Sotto na magpapalista na rin siya para mabakunahan sa Pasig?
Sa naturang lungsod bumoboto si Bossing Vic, kaya doon na siya magpapabakuna. Matagal na raw niyang ibinilin iyan kay Mayor Vico.
Tingnan na lang natin kung sino kina Coney Reyes at Bossing Vic ang unang mabakunahan.
Siyanga pala, may ilan akong kaibigan sa Amerika na nabakunahan na at talagang ibinilin nila sa akin na kung magpapabakuna, mas mainam daw sa left arm. Hindi ko alam kung bakit.
Hindi ko rin alam kung okay nga roon sa kaliwang braso kahit kaliwete ka.
Mas okay rin daw pagkatapos maturukan, imasahe mo nang husto para hindi magkaroon ng pasa o maiwasan yung pangangalay sa braso at balikat.
Wala naman ganoong payo ang DOH, pero naranasan daw nila yun at okay naman.
Samantala, ano kaya ang stand ni Mayor Vico sa paggamit ng Ivermectin na mainit pa ring pinag-uusapan sa ngayon?