GORGY RULA
Nagsampa ng panibagong legal complaint ang social media personality at aktres na si Jelai Andres laban sa kanyang asawang si Jon Gutierrez.
Si Jon ay miyembro ng hip-hop group ng Ex-Battalion, habang si Jelai ay vlogger at baguhang artistang napapanood sa GMA-7.
Isinampa ni Jelai ang reklamong concubinage laban kay Jon sa Department of Justice, sa Quezon City, nitong Martes, Hunyo 1.
Kasabay ito ng pagdalo niya sa pangalawang hearing ng reklamong paglabag sa R.A. 9262, o Violence Against Women And Children (VAWC) Act, na una niyang isinampa laban sa asawa.
Ayon kay Jelai, nagkaroon pa sila ng komunikasyon ni Jon.
Bandang huli, inamin daw ni Jon sa kanya ang diumano'y matagal na nitong itinatagong kalaguyo.
Ang concubinage ay pakikiapid ng lalaki sa isang babaeng hindi nito asawa.
Saad ni Andres nang humarap ito sa media noong Lunes, Hunyo 1:
"Meron pa po akong na-file na ibang cases sa ibang taong involved maliban kay Jon.
"Sobra na kasi, parang masyado na akong natapak-tapakan, tapos yung kabilang panig pa yung naghahamon at parang matatapang.
"I realized that we need to learn how to stand up and fight for our rights para makakuha ng justice.
"Hopefully, people will learn sa mga nangyari, lalo na yung mga taong hindi marunong mag-respect sa sanctity ng marriage.
"We all know na yung pakikiapid ay nasa utos ng Diyos na kasalanan talaga siya, at sa batas ng tao ay krimen talaga siya."
Kasama ni Andres ang kanyang legal counsel na si Atty. Faye Singson.
May dalawa pa raw personalidad na dawit sa legal complaint, pero hindi nila binanggit ang pangalan ng mga ito sa interview para hindi na raw paglaruan sa social media.
Nakitaan umano ng mga ebidensiyang meron talagang aktong pakikiapid si Jon.
Paliwanag ni Atty. Singson, "Aside kay Jon, meron pa kaming dalawang isinali.
"Pero at this point, dahil nag-submit na kami ng formal complaint, we just leave it to the parties to receive for proper documentation para sila naman mabigyan ng chance na sagutin."
Nandoon daw ang mga pangalan ng dalawang sangkot sa formal complaint at matatanggap daw nila ito. Mabibigyan ang mga ito ng pagkakataong sagutin ang reklamo sa isusumite nilang counter-affidavit.
Kailangan daw itong gawin ni Jelai para mabigyan niya ng proteksiyon ang sarili at ipaglaban ang kanyang karapatan bilang tao.
Sabi ni Jelai: "Huwag nilang i-normalize ang pakikiapid.
"Ignorance of the law is not an excuse, lalo na kung wala kang pakialam.
"Yung selfish ka, at handa kang makasira at makasakit ng tao, handa kang makasira sa pamilya ng iba.
"Kailangan ko lang ipaglaban ang pagkababae ko. Hindi lang bilang babae, kundi bilang tao po.
"Sobra na po kasi… Eto na, kailangang kong ipagtanggol ang pagkatao ko."
Pagkatapos ng dalawang reklamong naisampa ni Jelai, isusunod daw niya ang pag-file ng annulment of marriage.
Ikinasal sina Jelai at Jon noong October 2018. Pareho silang 29 taong gulang.
NOEL FERRER
Karapatan ni Jelai na gawin ang ganitong hakbang. Walang makapipigil sa kanya sa hakbang niyang ito.
Ang tanong ko lang: inasahan ba niyang magkakaayos sila ng kanyang asawa, kaya napaamin niya ito ng pagkakasala? Ano pa kaya ang kanilang hindi napagkasunduan?
Usually, ang pagdedemanda sa korte ang last resort kapag wala na talagang pag-asang mag-ayos ang dalawang partido.
Kailangan ba talagang umabot ito sa asunto sa panahong ito?
JERRY OLEA:
Dumalo rin si Jon sa hearing ng VAWC complaint ni Jelai, kaya nagkrus ang landas ng mag-asawa noong Lunes. Pero hindi rin nagtagal si Jon doon sa DOJ.
Sinasabing hindi nagsumite ng affidavit ang rapper, at tumanggi rin itong magpabigay ng anumang panayam sa media.
Hindi naman kaila sa mga masugid na tagasubaybay ng mag-asawa na mula noong Marso ay mainit na ang word war ng mga ito sa social media.
Kung nagkasala man si Jon, husgado na ang bahalang magpasya kung ano ang karampatang parusa ang dapat ipataw sa kanya.