NOEL FERRER
Sa interes ng mga tao tungkol sa ating Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz, nagtatanong ang iba kung sino ba si Coach Gao Kaiwen at paano siya nakilala ni Hidilyn?
Nalaman nating na-encounter ni Hidilyn si Coach Gao noong nag-training siya sa China.
He is a high-ranking military officer who coaches the army in weightlifting. Marami na rin siyang naturuang nanalong Olympians.
Hindi kaya inasahan ng China—na mahigpit na kalaban ni Hidilyn sa gold—na sabihin sa kanila ang technique nila sa Team HD para sila pa rin ang manaig?
"Nagtitiwala naman ako kay Coach Gao. May integridad po siya," sabi ni Hidilyn sa mga nagdududa sa loyalty ng Chinese coach.
Sa hiwalay na ulat ng TV Patrol noong Hulyo 29, inihayag ni Hidilyn na nasorpresa ang Team China sa kanyang lakas dahil pang-apat lang siya sa ranking sa Asian weightlifting championship noong Abril 2021.
Ang Olympic silver medalist na si Liao Qiuyu ay world-record holder at nanguna rin sa Asian championsip noong Abril.
Dagdag ni Hidilyn, "So, hindi nila in-expect na malakas na ako ngayong Olympics. So, hindi sila nagtanong, sabi ni Coach Gao."
In the end, sabi ni Senator Ralph Recto, na at least sa Olympics, natalo natin ang China nang walang giyera. Husay at Tibay lang. Puso at Determinasyon lang.
Abangan ang panayam natin sa Level Up ngayong Hulyo 30, Biyernes ng hapon, sa Team HD ni Hidilyn Diaz, kasama si Julius Naranjo, strength and conditioning coach at partner din ni Hidilyn in real life.
Kayo, mga Ka-Troika, ano ang mga tanong ninyo kins Coach Gao, Julius, at sa Team HD?
GORGY RULA
Lahat ay ipinaubaya ni Hidilyn sa Diyos. Ang mga taong ito ay ibinigay sa kanya sa tamang panahon.
Ang pagkapanalo niya sa Tokyo Olympics ay nangyari rin sa tamang panahong gutay-gutay na ang diwa at moral natin sa nangyayari ngayon.
Malaki ang nagawa ni Hidilyn upang mapagaan ang hirap at pangamba natin sa pagpasok ng Delta variant.
JERRY OLEA
Ang golden question natin: nagsiping na ba sa pagtulog sina Hidilyn at Coach Julius? Hanggang Pilipinas ba, sina Julius at Coach pa rin ang roommates?
May theme song ba sina Hidilyn at Julius? Swak sa kanila ang kundiman na "Buhat."
Kaninong bersyon ng "Buhat" ang mas may hagod sa kanilang puso—kay Pilita Corrales, Rico J. Puno, Nora Aunor, Jun Polistico, Martin Nievera, sa Mabuhay singers, o kay Diomedes Maturan?
Sa tingin ni Hidilyn, okey kaya sa heirs ni Mars Ravelo na magkaroon ng babaeng Captain Barbell?
Si Dolphy nga, nagbida sa 1979 Regal movie na Darna, Kuno? sa direksiyon ni Luciano B. Carlos.
Sa istorya, nabuntis si Darna (Brenda del Rio) kaya ipinasa muna niya sa tricycle driver na si Dondoy (Dolphy) ang mahiwagang bato, upang ito muna ang makipagbakbakan sa mga tikbalang, aswang, at iba pang kampon ng kadiliman.
Huling hirit… kumusta ang CHAMP-orado? May kakaibang sarap ba ito?
