GORGY RULA
Inilunsad na sa iTunes ang bagong single ni Mikee Quintos na pinamagatang "Just Enough" under GMA Playlist, ang sub-label ng GMA Records. Nag-streaming na rin ito sa Spotify.
Dati naman talagang singer si Mikee, pero mas nag-focus na siya sa pag-aartista dahil sa mga magagandang projects na naibigay sa kanya ng GMA-7.
Ang "Just Enough" ang kauna-unahang niyang single bilang siya talaga—si Mikee. Yung iba kasing kantang nai-record niya ay may karakter siyang ginampanan sa mga nakaraan niyang drama series.
Kaya siyang-siya raw rito sa "Just Enough" na chill at ang cool lang. Tipong bubblegum pop daw ang genre.
“I think this is the best genre to go with sa first song dahil growing up naman.
“Yun ang mga kantang napupusuan kong kantahin.
“But we really wanna explore pa, e. I’m talking with sa mga plans sa akin with GMA Playlist, gusto namin mag-explore pa into different genres and then, eventually, we’ll find what works for me.
“Nasa trial and error process pa, e. But the important thing, we’re enjoying the process,” sabi ni Mikee sa virtual mediacon nito nung Huwebes, September 24.

Siyempre, bilang isang singer ang ultimate dream talaga ni Mikee ay makabuo siya ng isang concert.
“Concert! Yun ang dream ko! My gosh!
“Mababaliw siguro ako na full ang concert ko na kanta ko na talaga ang kinakanta ko. Sana mangyari yun, 'no?” bulalas ni Mikee.
Hiningan din namin siya ng reaksiyon sa sinabi ni Michael V. na baka ma-extend pa ang sitcom nilang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.
Sa sitwasyon ngayon ay mahirap pa kina Bitoy at Manilyn Reynes na bumalik sa taping ng Pepito Manaloto. Kaya ibinalita na kina Mikee na baka hanggang first quarter ng 2022 pa ang Unang Kuwento.
Ikinatuwa naman ito nina Mikee.
“Sobrang happy po,” pakli ni Mikee.
"Actually, narinig ko lang ‘to kahapon sa taping namin, nandun po kami.
“Ang reaction ko, pati sina Kokoy [de Santos] at si Sef [Cadayona], 'Totoo ba 'to?'
“Kasi, ang iniisip ko lang, ang schedule ko po kasi sa Pepito, nasasabay ko siya sa school. So, at least meron akong work habang nag-aaral.
“We’re really grateful. Sana… nagwi-wish din ako na mag-abot na kahit sa susunod, kasama namin sila,” masayang pahayag ni Mikee Quintos.
NOEL FERRER
Sana, transferrable ang audience sa sitcom nina Mikee Quintos sa kanyang music playlist output. Sana, magtatak ito nang hindi lang dumaan at walang impact.
Maging one-hit wonder man lang ba ito, or magpatuloy bilang major music star na maraming hit songs. Or huwag naman sanang ma-post at hindi mapansin man lang ang kanta ni Mikee.
Remember, kung nakaya ni Anna Dizon, kaya ni Mikee iyan!!!
JERRY OLEA
Mikee Quintos is Mikee Quintos is Mikee Quintos—blondina man o hindi.
Kung extended ang Unang Kuwento nila ni Sef, malabo pa ang MiKel reunion nila ni Kelvin Miranda.
In fairness, beautiful enough ang ratings ng Stories from the Heart: Loving Ms. Bridgette nina Kelvin at Beautiful Gonzalez.
Sa kabilang bakod, rumaratsada pa rin ang mga mang-aawit sa iba’t ibang digital music platforms.
SHERYN REGIS
Todo na naman ang pagbirit ng Crystal Voice of Asia na si Sheryn Regis sa mapangahas niyang awit na "Gusto Ko Nang Bumitaw." Napakinggan iyon umpisa Setyembre 24, Biyernes.
Tungkol ang bagong Star Music ballad sa paghihirap ng isang tao na umalis sa isang toxic na relasyon, at ang tuluyang paglayo niya sa taong minamahal.
“The song gives hope and courage to everyone who's been struggling and trying to escape an abusive relationship. There is still a chance to move away, to choose yourself and to begin again,” sabi ng Kapamilya diva.

Orihinal na isinulat ni Sheryn ang lyrics ng “Gusto Ko Nang Bumitaw” sa English, na kalaunan ay isinalin sa Tagalog katulong ang manager niya na si Michiko Unso.
Sa Oktubre 24, Linggo, ang online concert ni Sheryn na “Love United,” na mapapanood sa buong mundo via KTX.
Bibida rin si Sheryn sa episode ng “The Music Room” sa Oktubre 26, Martes, na mapapanood sa YouTube channel ng One Music PH at Star Music.
SAM CONCEPCION
Energetic ang bagong kanta ng Absolute Performer na si Sam Concepcion na tinawag na "Nonstop."
Inspired ito ng adrenaline rush na nararamdaman kapag nagpe-perform siya sa live shows.
Si Sam mismo ang sumulat ng awiting mula sa Tarsier Records katulong ang label head at mainstay producer na si Moophs.

Sa paglulunsad ng “Nonstop,” tuluy-tuloy na muli si Sam sa paggawa ng musika. Abala siya sa pagbuo ng kanyang EP sa ilalim ng Tarsier Records na magbibida ng mas mature niyang tunog.
Last year, nakasama ni Sam sina Eric Bellinger, Iñigo Pascual, Moophs, Zee Avi, at Vince Nantes para sa cross-cultural single na RISE.
CHA-CHA CAÑETE
Hugot ng isang humaharap sa pagsubok ng pag-ibig ang maririnig sa bagong single ni Cha-Cha Cañete na pinamagatang "Agwat." Handog ito ng Star Pop music label ng ABS-CBN.
Blooming na dalaga na ang dating Goin’ Bulilit star, na ipinapakita ang pagma-mature niya sa ballad na tungkol sa isang tao na nakikitang meron nang namumuong pagitan sa kanila ng minamahal niya.
Ang “Agwat” ay para rin sa mga nakakaramdam na lumalayo ang mga kasintahan nila dahil na rin sa kailangang mag-social distancing ngayong pandemya.

Bukod sa pagiging child actress, napatunayan ni Cha-Cha na isa siyang magaling na mang-aawit sa pagkapanalo niya sa mga international singing competitions gaya ng 2013 World Championships of Performing Arts (WCOPA) sa Los Angeles, California sa Amerika at sa 2014 Europop sa Berlin, Germany.
BGYO
Patuloy ang pag-angat sa international scene ng P-Pop group na BGYO matapos nilang mamayagpag sa Pandora Predictions Chart at Next Big Sound ng Billboard mula Agosto hanggang ngayong Setyembre.
Unang namayagpag ang grupo sa Pandora Predictions Chart matapos nilang makamit ang No. 1 spot sa nasabing chart ilang araw bago nila nailabas ang comeback single na "The Baddest."
Pumasok din muli ang grupo sa Next Big Sound ng Billboard at nakamit ang no. 1 spot sa magkasunod na linggo matapos mag-debut sa ikaanim na spot noong Mayo.

Habang patuloy na nakikilala ang grupo sa ibang bansa, naghahanda na rin sila sa makasaysayang sibling concert kasama ang BINI na One Dream: The BINI & BGYO Concert na magaganap sa Nobyembre 6 at 7.
Para sa mga gustong bumili ng SVIP tickets sa halagang P1950 o US39.99, pwedeng makasama ng fans ang parehas na grupo sa isang meet and greet at maari nilang mapanood ang dalawang shows.
Para sa VIP tickets na nagkakahalagang P1,490 o US$29.99 ay maaari na nilang masilayan ang BGYO at BINI pati na ang surprise guests nito sa dalawang araw na concert.

BINI
Patuloy ang pagbibigay-inspirasyon ng mga awitin ng P-Pop girl group na BINI.
Nakaka--good vibes ang single nilang "Kapit Lang."
Nakakatuwa at nakakaindak ang music video kung saan nakasuot ng makukulay na damit ang mga miyembrong sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena habang sabay-sabay na humahataw.

“Minsan ayoko nang bumangon, nalulunod sa lungkot at galit. Pero kahit mahirap, gagawin ang kailangan… Kapit lang, kaibigan,” ang mensahe ng BINI sa kanta.
Bukod sa kanilang paparating na debut album at sibling concert ngayong taon, pinaghahandaan na rin ng BINI ang performance nila kasama ang brother group nilang BGYO para sa 1MX Music Festival na gagawin sa Dubai sa Disyembre 3.
Ito ang unang pagkakataon ng dalawang grupo na makapag-perform sa harap ng kanilang international fans.
KAIXAARON
Slow, R&B track na may retro vibe ang bagong kanta ng Los Angeles-based Filipino duo na KaixAaron, ang "Dreamin’" (Tarsier Records).
Ang KaixAaron ay binubuo ng teen musicians na sina Kai Caden Lopez at Aaron Christian Adona. Sila mismo ang sumulat ng lyrics.

"Adore U" ang naunang kanta ng nasabing hip-hop and R&B duo.
Nag-umpisa ang collab nila sa panahon ng pandemya.
Their music, individually and collectively, is heavily influenced by the culture in LA with a touch of Filipino culture.
