JERRY OLEA
Nag-ERRATUM ang pahayagang BULGAR nitong Oktubre 30, Sabado ng 5:29 p.m., sa kanilang Facebook page kaugnay sa Instagram post ni Derek Ramsay.
Sabado ng umaga, nag-post si Derek sa IG patungkol sa column item ng showbiz writer na si Nitz Miralles na kesyo “Buking sa wedding invitation… ELLEN, ‘DI PINAGAMIT SA ANAK ANG APELYIDO NI JOHN LLOYD.”
Sa litratong kalakip, cropped ang “Cruz” bilang last name ng ringbearer, si Elias na anak nina Ellen Adarna at John Lloyd Cruz.

“The ultimate bearer of fake news. We will definitely take legal action on this! Don’t ever attack my family,” banta ni Derek sa IG.
Bago pa ang himutok ni Derek, nauna nang ipinost ni Atty. Joji Alonso sa Instagram ang uncropped photo ng pangalan ng ringbearer.
Paglilinaw ni Atty. Joji, “To set the record straight. Just because someone posted part of the wedding invitation — doesn’t mean that Elias’ family name is not Cruz. So here is a photo of how his full name is spelled out in the invitation.”

Sabado ng tanghali, nagkausap si Derek at ang editor ng BULGAR na si Janiz Navida.
Narito ang kabuuan ng ERRATUM na inilathala kapagkuwan ng BULGAR:
“Pagkatapos ng maayos at mahinahong pakikipag-usap kay Mr. Derek Ramsay kaugnay ng sensitibong paksa at titulo na lumabas sa aming pahayagang BULGAR at sa aming Facebook page ngayong Sabado mula sa kolum na BIDA ni Nitz Miralles, kami ay taos-pusong humihingi ng paumanhin kina Derek, Ellen Adarna, kay Elias Modesto at sa kanilang pamilya na nasaktan sa isyung hindi ipinagamit ni Ellen sa kanilang anak ni John Lloyd Cruz ang apelyido ng tatay ng bata.
“Binigyang-linaw ni Derek na walang katotohanang may problema sa pagitan nina Ellen at John Lloyd at maayos ang relasyon ng dalawa bilang mga magulang ni Elias.
“Nagkaroon lang ng maling pagkakaintindi ang mga nakakita at nakabasa sa lumabas na wedding invitation nina Derek at Ellen sa social media nang hindi makita ang apelyidong ‘Cruz’ ni John Lloyd dahil natakpan ang bahaging 'yun sa kagustuhan nilang hindi muna ilabas sa publiko ang ibang detalye ng kasal tulad ng petsa at lugar nito.
“Nagpapasalamat kami sa pang-unawa at pagiging bukas ng isip at puso nina Derek at Ellen para dinggin ang aming panig at huwag nang palakihin ang isyung ito dahil lang sa hindi nalinawang sitwasyon na nabigyan agad ng ibang pakahulugan.”
GORGY RULA
Text ko nga kay Janiz Navida ng BULGAR, siguro, isabay na lang sa Undas ang paglibing sa isyung ito. Huwag na sanang magmulto pa ito.
Mabuti’t naaksyunan agad ng pahayagan ang pagkakamaling ito. Mabuti rin at nakipag-usap si Janiz kay Derek, na alam kong mahinahon namang kausap ang Kapuso actor.
Walang kamalay-malay si Elias na naging paksa pa sa intriga ang kanyang pangalan. Na-curious tuloy ako kung ano ang reaksiyon ni John Lloyd Cruz dito.
Na-curious uli ako kung ano ang pangalang nakalagay sa imbitasyon ng pinsan ni Lloydie na ikinasal kamakailan lang. Ring bearer din doon si Elias na inalalayan pa ni John Lloyd sa simbahan.
Buong pangalan din kaya ni Elias ang nakalagay sa imbitasyon kasama ang middle name na Adarna?
NOEL FERRER
At least, natuldukan agad ang isyu but there are lessons to be learned here.
Ibayong ingat sana lalo pa’t ang involved, katulad ng sinabi mo Ka-Troikang Gorgy, ay walang kamalay-malay na bata.
Sa mga panahon ngayon, iwas demanda na lang. Ang bigat na ng dinadala nating mga Pinoy, ayaw na nating dagdagan pa, di ba?
