JERRY OLEA
Second choice lang si Coco Martin sa bagong pelikula ni Direk Brillante Mendoza na Apag.
“Magsu-shoot na kami sa Pampanga, biglang nag-backout yung artista,” kuwento ni Direk Brillante nitong Disyembre 16, Huwebes, sa kanyang tahanan sa Barangka Drive, Mandaluyong City.
“E, all-Kapampangan ito. All-Kapampangan actors ito — si Jaclyn Jose, si Gladys Reyes, si Senator Lito Lapid.
“And then, yung isa pa ngang artista na supposedly Kapampangan. Akala ko, fluent siyang mag-Kapampangan.
“Sabi ko, ‘Magsu-shoot tayo, all-Kapampangan dialogue, ha?’ Umoo naman siya.
“Nagulat na lang ako, nung magsu-shoot na kami, nag-backout siya.
“Nagkausap kami ni Coco. Kasi, alam niya ang mga ginagawa ko. ‘Anong ginagawa mo? Ganyan-ganyan-ganyan.’ ‘Nagkaproblema ako.’
“‘Kelan ba ang shoot mo? Ganyan-ganyan-ganyan.’ ‘Bukas.’
“‘E, bakit mo kailangang mag-shoot bukas?’ ‘E kasi, may deadline ako, kailangan ko nang mag-shoot, ganyan-ganyan-ganyan.’
“‘Puwede ka bang mag-shoot sa 19? Ganyan-ganyan-ganyan. Kasi, uuwi ako sa 19.’ ‘Magsu-shoot ka ng Pasko?’
“‘Hindi,’ sabi niya, ‘basta patapusin mo ako ng ganitong date, ganyan-ganyan-ganyan.’ ‘O sige,’ sabi ko.”
Binigyan si Direk Brillante ng grant o sponsorship ng Hong Kong Film Festival para gumawa ng film without sex, politics, and violence.
Itong Apag ay tungkol sa pagkain, at lahat daw ng pangunahing karakter dito ay magluluto. Kasali rin sa cast nito si Julio Diaz, na gumanap noon bilang asawa ni Jaclyn Jose sa Ma’ Rosa (2016).
GORGY RULA
Nawawala ang “h” sa mga binibigkas ng mga Kapampangan kaya ang salitang ‘Hapag’ ay nagiging ‘Apag’.
Pero itong si aktor na unang piniling gaganap sa lead role ay nababanggit niya nang buong husay ang titik ‘h’ dahil aminado siyang hindi siya gaanong matatas sa pagsasalita ng Kapampangan, at wala siyang ganung punto, kahit Kapampangan ang pamilya nila.
Kaya sinabi raw ng aktor kay Direk Brillante na pag-aaralan niyang magsalita ng Kapampangan. Pero nung pinapraktis daw ng aktor sa bahay nila, pinagtatawanan siya ng mga kapatid niya kapag kinakausap niya ng Kapampangan.
Kaya siguro nawalan ng kumpiyansa si aktor na magagampanan niya nang maayos ang role niya sa pelikulang ito. Bukod pa riyan, magagaling ang co-actors niya kaya siguro bigla niyang natakot.
Ang ikinadismaya ni Direk, last minute siyang nag-back out, yung pa-pull out na sila nung araw na yun.
Kaya sinabihan pa rin siya ni Direk Brillante na okay lang kahit may halong Tagalog na siya, willing silang mag-adjust. Pero ayaw na raw talaga ni aktor, kaya napilitan silang mag-pack-up para maghanap ng ipapalit.
Nakakabilib si Coco dahil kampante na siya sa katayuan niya ngayon, okay lang kung second choice, basta mapunta sa kanya ang project dahil maganda ang material, at kering-keri niyang makipagtagisan ng galing sa mga magagaling na co-actors.
Bukod pa riyan, muli niyang makasasama si Senator Lito Lapid na malapit sa kanya at matagal na nakatrabaho sa Kapamilya teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano.
Excited din si Gladys Reyes sa project na ito dahil gusto talaga niyang maidirek siya ni Brillante Mendoza.
Tamang-tama naman daw, nung naurong na ang schedule ng shooting, hindi nakaapekto sa regular taping niya sa Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento. Tatapusin lang ni Gladys ang taping sa Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento at tutuloy na siya sa shooting ng Apag.
“Ratsada na muna ako, kuya, para hindi ko gaano maisip na hindi na namin kasama ang Papa ko sa New Year,” text sa akin ni Gladys.
NOEL FERRER
Sayang! Ito na sana ang pagkakataon ng makisig na artista upang mabawi ang kanyang reputasyon, lalo na bilang aktor.
Ito na sana ang proyektong magbabago ng kanyang reputasyon bilang Christmas ham at Kamoteng Kahoy sa aktingan!
