Kumpirmadong nakalaya na si Julio Diaz, matapos arestuhin ng Meycauayan police noong Abril 20, 2018 dahil sa droga.
Noong Nobyembre 22 pa usap-usapan ang paglaya ni Julio, pero wala tayong makuhang go-signal upang ibalita ito kaya nirespeto natin ang pananahimik ng beteranong aktor.
Sa pa-dinner ni Direk Brillante Mendoza nitong Disyembre 16, Huwebes, sa kanyang tahanan sa Barangka Drive, Mandaluyong City, ibinalita niyang kasama si Julio sa bagong pelikula niya na mag-uumpisang magsyuting bukas, Disyembre 18, Sabado, sa Pampanga.
“Nag-text sa akin si Julio. Lumaya na raw siya. Kaya kinuha ko siya sa bagong movie ko na Apag. Bale reunion nila ni Jane,” sabi ng multi-awarded director.
Ang "Jane" na tinutukoy ni Direk Julio ay si Jaclyn Jose, na gumanap bilang asawa ni Julio sa pelikula ni Brillante na Ma’ Rosa (2016).
Nagwaging best actress si Jaclyn sa Cannes filmfest para sa nasabing pelikula.
Bukod kina Julio at Jaclyn, nasa cast ng Apag sina Coco Martin, Gladys Reyes, at Lito Lapid.
Mag-aaksyon ba rito ang actor-politician na si Lito?
Napangiti si Direk Brillante, “Tinanong niya sa akin, ‘Direk, mag-aaksyon ba ako dito?’ Biniro niya ako. Sabi ko, ‘Hindi, drama tayo.’
“And you’d be surprised, bagay na bagay sa kanya yung role niya bilang tatay ni Coco.”
Wala akong natatandaan na drama lang ang papel ni Lito sa pelikula…
“Wala. At maganda ang role niya dito,” pakli pa ni Direk Brillante.
NOEL FERRER
Bagong laya. Bagong buhay.
Sana nga ay mabigyan ng magandang pagkakataon pang magbagong buhay si Julio Diaz at ang iba pang mahuhusay na artista na ngayo’y marami nang paghuhugutang karanasan sa kanilang buhay.
Aabangan natin ang Apag!
GORGY RULA
Si Direk Brillante yata ang nagtitiyaga sa mga taong naliligaw minsan at nagagawa pa niyang paartehin sa mga pelikula niya.
Noong kapanahunang natatakot ang ilang producers na kunin si Mark Anthony Fernandez, kinuha siya ni Direk Brillante at maayos naman daw itong nagtrabaho sa Ma’ Rosa.
Ilang beses din niyang kinukuha si Baron Geisler na matino naman ding katrabaho.
Sayang din naman ang galing ni Julio Diaz bilang aktor kung hahayaan na lang siya at hindi bibigyan ng isa pa uling pagkakataon.
Kahit noong hindi pa okay si Julio, nagagamit pa rin siya ni Direk Brillante sa ilang pelikula niya at maayos naman daw ang trabaho nito.
Naha-handle niya nang mabuti at nabibigyan niya ng chance na mapatunayang magaling pa rin silang aktor.
