GORGY RULA
Gustung-gusto talaga ni Winwyn Marquez makipag-cooperate sa promo ng MMFF 2021 entry niyang Nelia ng A&Q Productions ang Films Incorporated, pero limitado na ngayon ang kanyang pagkilos dahil sa kanyang pagbubuntis.
Nakalabas lang uli si Winwyn nang dumalo siya sa presscon ng Nelia noong Sabado, December 18, 2021. Patuloy raw siyang minu-monitor ng kanyang doktor.
Alam ni Winwyn na hindi niya ito maitatago at nahihirapan naman daw siyang magsinungaling. Kaya itinaon niya sa presscon ng pelikulang Nelia ang kanyang pag-amin.
“I took it siguro as a sign na lang din na i-share kasi hindi ko naman talaga itatago. Gusto ko lang talaga tulungan i-promote ang film kahit online.
“Gusto ko lang talaga makapunta sa presscon kahit medyo nag-a-adjust pa yung body ko with everything,” pakli ni Winwyn sa presscon ng Nelia na ginanap sa grand ballroom ng City of Dreams.
Masaya siya ngayon dahil maayos naman niyang nailahad lahat, at nakita niyang sobrang excited ang buong pamilya, lalo na ang kanyang parents na sina Alma Moreno at Joey Marquez.
“Dalawang Christmas gift na I couldn’t ask for more talaga — ang Nelia na first title role ko, and title role of being a mother,” pakli niya.
Eksaktong 21 weeks na ang ipinagbubuntis ni Winwyn at natawa siya nang tinanong namin kung ano ang pinaglilihian niya.
“Kanin. Oo, kanin. Ewan ko ba!” natatawa niyang sabi,
“Breakfast, lunch, dinner may kanin. Tuyo, suka... ganun,” sabi pa ng actress-beauty queen.
Sa mga showbiz friend ni Winwyn, ilan sa mga una niyang sinabihan tungkol sa kanyang kalagayan ay sina Rocco Nacino at Enzo Pineda, pati ang kapwa beauty queen na si Laura Lehmann.
GERRY OLEA
Sabi nga nila, masuwerte ang buntis. Kaya, malay natin, baka suwerte ang hatid nito sa MMFF 2021 entry niyang Nelia.
Sinabi ko kay Winwyn na baka masuwerte rin siyang mapagwagian ang Best Actress sa Gabi ng Parangal ng MMFF.
Reaksiyon niya, “Yung best actress, pag naririnig ko po yun... Kasi siyempre, ang lalaking artistang kasali, di ba? Ma-nominate lang po ako, baka magpakain na po ako.
“Kahit hindi po manalo, kahit ma-nominate lang po, ibang level na po yun for me.
"Kasi never naman po ako nag-e-expect, kasi ang gusto ko lang po ay mapanood ng tao yung Nelia, ma-appreciate po nila yung film, yun po ang mas importante sa akin."
Importante at malaking blessing daw ang Nelia, na ipinagpapasalamat ni Winwyn sa Diyos dahil ito ang first project niya na siya ang title role.
“Ang tanong ko nga sa producers, sa manager ko, 'Sure ba kayo na ako ang kukunin niyo?' Kasi never pa ako nagbida talaga.
“Sabi ko nga, hindi ako maniniwala hangga’t wala pa akong schedule ng shooting, kasi baka mapalitan, o magkaroon ng instances, hindi ako nag-expect.
“But yung nag-shoot kami, dun na nag-sink in sa akin. Kaya mas grabe yung pressure kasi nga challenging din siya, since psychological suspense-thriller yung movie.
“Tapos, I came from lock in na rom-com. So, iba yun yung pag-adjust ko sa paggawa nung film,” sabi ni Winwyn.
NOEL FERRER
Kung totoo ngang every child is a blessing, sana magdulot ng suwerte ang dinadalang anak ni Winwyn sa kanyang MMFF entry na talaga namang pinaghirapan niya.
Sana matulungan din siya ng home network na GMA-7 para ma-push ang pelikula like what they did to Rita Daniela na talagang major push even sa acting awards, ha!
All the best Winwyn, sa career man at sa pagbe-baby!!!