GORGY RULA:
Ilang beses akong napapadyak habang pinapanood ko ang huling pelikulang nagawa ni Direk Joel Lamangan, ang Walker. First production ito ng New Sunrise Films.
Matapang ang isinawalat ng pelikulang ito, at napakabigat ng kuwentong isinulat ni Troy Espiritu. Tumatalakay ang kuwento sa isang pamilyang ang pagpapa-"walk" o pagiging sex worker ang hanapbuhay.
Si Rita Avila ang ina ng apat na babaeng ginampanan nina Sunshine Dizon, Elora Españo, Alex Agustin, at Barbara Miguel.
Tumanda na si Rita sa pagiging "walker" na ibinugaw ng sarili niyang ina na ginampanan ni Dorothy Gilmore.

Napilitan si Rita na ibugaw na rin ang kanyang anak na si Elora para makaipon ng pampiyansa sa nakulong na asawang ginampanan ni Edgar Allan Guzman.
Mabigat ang kuwento kung saan isinasalarawan ang kahirapan ng buhay, at naaabuso pa ng mga kapulisan na nasasangkot sa ilang kriminalidad.

Sinimulan ang pelikula na background ang talumpati ng Pangulong Rodrigo Duterte na nagagalit sa mga mahihirap at nagmumura.
Ipinakita sa pelikulang ito ang kahayupan ng ilang kapulisan na inaabuso ang kanilang kapangyarihan laban sa mga mahihirap na walang lakas at boses para maipaglaban ang kanilang karapatan.
Ang sakit sa dibdib! Sumakit ang ulo ko sa mga ipinakita sa pelikulang iyun, lalo na sa eksenang halinhinang hinalay si Elora. Nakakagalit talaga!
Papasa kaya ito sa MTRCB?
Sabi ni Direk Joel, kailangan niyang gawin ito dahil gusto niyang ipakita ang katotohanang nangyayari pa rin ito hanggang ngayon, at dapat mapanood ito ng taumbayan.
Ani Direk Joel, "Ang film sa akin, must not only entertain. It must also disturb. That’s why this is a disturbing film. Kaya nga I purposely made it this way para people will think, 'Ganito ba talaga ang nangyayari?'"
Alam niyang marami pa sa filmmakers na gustong gumawa ng ganitong klaseng pelikula, pero ang iba ay takot. Maaring hindi rin maipapalabas at baka harangin o kontrahin.
Pero gustong gawin ito ni Direk Joel, para mamulat daw ang taumbayan sa katotohanan sa ating lipunan.
"Hindi ito madaling gawin, kasi maraming magagalit sa ‘yo. Maraming baka i-death threat ka pa. Maraming ganun.
"Ako, lakas-loob na ginawa ko. Kasi, ang film is also to disturb, and uncover the truth. It’s not only to entertain.
"Hindi lamang making people laugh, making people cry, hindi lang iyun. It should show the reality. It should show the truth.
"Varied ang purpose ng film. Lalo na sa katayuan natin ngayon na maraming pulisya na gumagawa ng krimen, napu-promote pa, hindi naman sila napaparusahan.
"Pag nag-retire na, nagiging Secretary of like this, Secretary of like that na, hindi na sila napaparusahan. Sana, makita nila ito," pahayag ni Direk Joel.
Malaking bagay ang galing ng pag-arte ng mga artistang involved, Nagustuhan ko rito sina Rita Avila, Sunshine Dizon, Allen Dizon, Edgar Allan Guzman, Jim Pebanco at Elora Espano.
JERRY OLEA:
Aware si Direk Joel at ang producers ng New Sunrise Films na may mga magre-react at magagalit sa pelikulang ito.
Ang unang balak nila ay isali ito sa ilang international film festivals. Pero sana, maipalabas din daw dito sa ating mga sinehan bago mag-eleksyon next year.
"This is anti-exploitation. This is anti-inhuman treatment to whoever, to criminals, or to non-criminals...Yung iba na pina-plant nila ang ebidensya, madaming ganun, e.
"Ganito ang gusto kong kalabasan ng pelikula. It will be disturbing. Audience should not be complacent, lalo na ngayong eleksyon.
"Marami pang dapat hindi iboto, pero iboboto pa nila. Alam na may record na hindi magaganda, iboboto pa," seryosong pahayag ni Direk Joel.
Umaasa si Direk Joel na mamulat ang mata ng mga makakanood nito.
"Kaya, I’m exposing this kind of film sa mga tao. I hope this will be shown, para gusto kong makita….
"Sana, iboto nila ang taong talagang may pusong itaguyod ang katarungan, ang justice. Iboto nila yung taong marunong at alam ang katarungan, ang justice.
"Marunong at alam ang oppression. Marunong at alam ang kadahilanan ng kahirapan."
Talagang tatak-Joel Lamangan ang mapapanood ninyo sa Walker!
NOEL FERRER:
Nais ipunto ni Direk Joel na kadalasan ay iyong may kapangyarihan ang umaabuso sa mga mahihina.
Hindi raw dapat hayaan lang iyon sa tunay na buhay.
Paliwanag niya: "All of these, ang source naman, kahirapan. Poverty around us.
"Of course, may mga mahihirap na nag-exploit at nanloloko naman ng mga mayayaman.
"Pero in terms of percentage, mas marami ang nasa kapangyarihan talaga at nanloloko ng mga mayayaman.
"Ang panloloko lang naman ng mga mahihirap, konti konti lang naman kesa sa milyun-milyon at bilyun-bilyong ninanakaw ng mga taong mayayaman na nasa puwesto.
"Kaya yung iboto nila yung mga taong may pagmamahal talaga sa tao. Iyan ang gusto kong makita nila."
Sana, bukod sa matapang, lumabas talagang maganda ang pelikula—hindi lang bilang sining kundi bilang makakapagpabago ng kamalayan ng mga manonood.
