GORGY RULA
Ayaw nang sagutin ni Annabelle Rama ang kasong cyber libel na isinampa ni Jayke Joson laban sa kanya.
Nag-ugat ang reklamo ni Jayke dahil sa series of tweets ni Annabelle noong October 22, kung saan isiniwalat niya ang mga hindi magandang ginawa umano ng dating aide ng boksingero.
Ito raw ang tunay na dahilan kaya nagkaroon ng lamat ang samahan nina Senator Manny at Jayke.
Bahagi ng text ni Annabelle nang hiningan siya ng pahayag ng PEP Troika kaugnay rito: “Ayaw kong patulan 'yan. Alam kong gagamitin lang niya kasi malapit na ang election.
“Nakademanda na siya sa akin last Dec. pa, nasa Prosecutor’s Office na.
“Bawal na ako magsalita kasi naka-file na ang case ko sa kanya, 'yan ang advice ng lawyer ko.”
Kinumpirma ng legal counsel niyang si Atty. Maggie Abraham na nung December 7 pa nagsampa si Annabelle ng kasong cyber libel sa Office of the City Prosecutor of Quezon City laban kay Joson.
Nagpa-interview raw si Joson sa isang media online site kung saan tinawag daw niyang "swindler" at may pending cases pa ang talent manager.
Nagkaroon na ng hearing nung January 21 pero hindi raw dumalo si Joson. Meron pa raw silang susunod na schedule ng hearing sa February 18.
NOEL FERRER
Ito ang sinasabi kong malungkot na katotohanan dahil dating nasa iisang panig ang mga taong involved pero biglang nag-aaway-away.
Ibig lang sabihin, medyo functional at transactional ang naging koneksiyon nila.
Kung saan man hahantong ang kasong ito, parang ang makikinabang dito ay ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
Kapag naglabasan ang datos ng bawat partido, malamang magsilabasan din ang mga datos na magpapatunay kung nasaan ang katotohanan.
JERRY OLEA
Masalimuot ang usaping ito, at makabubuting ipaubaya na natin sa husgado.
Iniisip ko lang, sakaling ang “Man of Destiny” na si Pacquiao ang manalong presidente, saan kaya hahantong ang gusot na Rama vs Joson?
