GORGY RULA
Magsisimula na ang campaign period para sa national elective posts sa Martes, Pebrero 8, 2022.
Ngayon pa lang ay naghahanda na ang mga pulitiko para sa kampanya dahil hindi ito kagaya ng mga nakaraang eleksyon. Maraming bawal at kailangang masunod na safety protocols.
Naghahanda na rin ang ilang celebrities na mag-e-endorse ng mga kandidato. Inaalam ng PEP Troika ang mga party-list na mas masigasig ngayon sa pagkakampanya.
Isang kilalang aktor ang nasa probinsya ngayon para paghandaan ang pagkampanya ng isang party-list. Kontrobersiyal si aktor, kaya nagulat kami na sa kanya ipinagkatiwala ang pag-endorso nito.
Nakiusap ang aktor na huwag munang banggitin ang kanyang pangalan dahil kailangang maayos ang lahat bago siya ilunsad dahil may kahigpitan sa kanyang TV network.
Ang pagkakaalam namin, bukod sa mga tatakbong artista, hindi rin muna puwedeng umapir sa TV network ang mga artistang nag-eendorso ng kandidato. Kinukumpirma pa namin kung ano talaga ang napagkasunduan.
Kabilang sa mga artistang bukas na sa pag-eendorso ng party-list ay si Piolo Pascual na siyang pumalit kay Coco Martin sa Ang Probinsyano Party-list. Inilunsad na siya sa isang event sa Batangas kamakailan lang.
Si Coco Martin ay nakikita naman ang suporta sa dating taga-Ang Probinsyano na ngayon ay nasa AP Partylist na si Congressman Ronnie Ong.
Naka-text ko si Cong. Ronnie at ang laki ng pasasalamat niya kay Coco, pati kay Yassi Pressman, dahil sa suportang ibinigay sa kanya.
Ayon sa kongresista, hindi nila napag-usapan ang talent fee dahil nabuo ang magandang friendship nang magsama sila sa nakaraang eleksyon. Kaya kahit walang talent fee, nagpahayag na sila ng suporta sa AP Party-list.
Nung nakaraang buwan ay sumama si Yassi kay Cong. Ronnie sa Bohol para magbigay ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Odette. Nangako naman daw si Coco sa kanya na pagkatapos ng taping sa Ang Probinsyano ay sasamahan siya sa iba niyang lakad.
“Yes. Support is free both Coco and Yassi. Na-build yung good relationship to them, and happy ako na naniniwala sila sa atin at sa ginagawa natin,” text sa akin ni Cong. Ronnie.

May ilan pang celebrities na narinig din naming tuluy-tuloy ang negosasyon ng endorsement sa iba pang tumatakbong party-list. Ang laki daw ng budget involved, lalo na yung malalakas sa social media.
Pati ang bloggers at ilang TikTokerists ay kinukuha na rin daw ng ilang pulitiko. May ilang komedyante ring bentang-benta dati sa mga miting de avance, ngayon ay kinakarir na rin nila ang kakaibang pagkampanya sa social media.
NOEL FERRER
Top trending ngayon ang advocacy video ni Angelica Panganiban na huwag pabubudol at kilatisin ang mga kandidato sa eleksyon—at sana, huwag paloloko, at huwag sa sinungaling at huwag sa magnanakaw.
Sana, hindi lang tao o party-list ang itulak ng mga tao kundi ang mga prinsipyong pinanghahawakan nito, at sana hindi lang puros mayaman at makapangyarihan ang makikinabang dito.
Ang sarap sanang ipa-lifestyle check ang mga tatakbo…. Sinasabi nila na sila’y para sa mahihirap, pero tingnan natin ang kanilang estado ngayon at kung sino ang namumuhay nang simple at magarbo… dapat talaga consistent ito!!!
JERRY OLEA
Na-disqualify man ang NORA A party-list ni Nora Aunor, meron pa rin siyang iniendorsong party-list.
Naulinigan din natin ang napakalaking bayad sa isang female celebrity para mag-endorso ng party-list, na ikinagalit ng kanyang anak.
Mistulang sirkus ang mga kaganapan sa eleksyon!
