JERRY OLEA
Magsisimula ang taping ng ABS-CBN international series ni Arjo Atayde na Cattleya Killer ngayong Pebrero 2022 sa direksiyon ni Dan Villegas, mula sa panulat ni Dodo Dayao. Executive producer si Direk Ruel Bayani.
Ipalalabas sa international market ang series na ito, na halaw sa Star Cinema movie na Sa Aking Mga Kamay (1996) na tinampukan nina Aga Muhlach, Christopher de Leon, at Chin Chin Gutierrez, sa direksiyon ni Rory B. Quintos.
Co-stars ni Arjo sa seryeng Cattleya Killer sina Ricky Davao, Christopher de Leon, Jake Cuenca, Jane Oineza, Nonie Buencamino, Ria Atayde, Ketchup Eusebio, Frances Makil, Rafa Siguion-Reyna, Jojit Lorenzo, at Zsa Zsa Padilla.
Si Ricky ay napapanood pa sa Kapuso mini-series na I Can See You: AlterNate bilang ama ng kambal na sina Nate at Michael (Dingdong Dantes).
Nagpaalam ba si Ricky sa GMA 7 para gawin ang Cattleya Killer? Walang conflict sa GMA?
“Yes, nagpalam ako, yung Cattleya is for the international market. Wala naman conflict,” text back ni Ricky nitong Pebrero 3, Huwebes ng hapon.
So, after “ghosting” sa AlterNate, wala pa siyang next project sa Kapuso Network?
“Haha ghosting talaga, wala pang project. Hopefully by March meron na,” text pa ng premyadong actor-director.
Si Christopher de Leon ay nasa lock-in taping na ng dambuhalang action series ng GMA-7 na Lolong. Forty-five days ang lock-in taping nila, na tatagal hanggang kalagitnaan ng Marso.
Inusisa namin ang manager ni Christopher na si Manay Lolit Solis kung paano iyon. Text back ni Manay Lolit, “Hah hah, pumayag Cattleya na hintayin si Boyet after Lolong, alam mo na best drama actor talagang willing hintayin, di ba bongga!”
Nakikipagsanib-puwersa ang ABS-CBN sa iba’t ibang partners upang mas makilala pa ang mga kwentong Pilipino at talento sa buong mundo.
Sumunod ang Cattleya Killer sa Almost Paradise, ang unang American TV series na kinunan sa Pilipinas. Isa itong co-production ng ABS-CBN sa Electric Entertainment mula sa Hollywood.
GORGY RULA
Ang pagkakaalam ko, ang role dito ni Boyet ay ganundin sa pelikulang ginampanan niya sa movie version ni Aga Muhlach.
Hindi ko lang alam kung paano nila aayusin ang schedule ni Boyet habang nasa lock-in taping pa ng Lolong ang premyadong aktor.
Tuluy-tuloy pa rin ang pagpu-produce ng Kapamilya network na ang iba ay sa YouTube lang ipalalabas o for pang-international release. Kaya wala sigurong problema sa GMA-7.
Ang narinig ko kasi, pinapayagan ang ilang Kapuso artists na tumanggap ng ganitong project, basta hindi lang ipalalabas sa free TV. Kung hindi ako nagkakamali, pinapayagan din kung ipalalabas sa Net 25.
Nasa Cattleya Killer din si Ketchup Eusebio, na kasama sa cast ng ipinapalabas ngayong The Broken Marriage Vow.
Basta magaling kang aktor at professional, hindi ka talaga mawawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya.
NOEL FERRER
Ang galing lang na sa mga ganitong international project, puwedeng tumawid ang mga artista at parang walang network wars.
Ano ito, digitally released o parang pelikula? Sa magnitude pa lang, nakakabilib ang cast.
At masaya ako na aside from Arjo, napagsama muli sina Boyet at Zsa Zsa na nagbida sa magagandang pelikula at nagkaroon pa ng show sa GMA-7 na Hiwalay Kung Hiwalay, Daw! (1998-1999).
Excited akong mapanood ang Cattleya Killer.
