JERRY OLEA
Trending ngayon sa Twitter ang hashtag na #MarcosDuwagTalaga dahil sa pagtanggi ni Ferdinand Marcos Jr. (BBM) na lumahok sa Panata Sa Bayan: The KBP Presidential Candidates Forum ngayong Pebrero 4, Biyernes, 9:00 a.m. hanggang 12:00 ng tanghali.
Inimbita ng Kapisanan ng mga Broadkaster sa Pilipinas (KBP) ang anim na nangungunang presidential aspirants para magsama-sama sa isang live nationwide radio and TV broadcast.
Nagpaunlak sina Vice President Leni Robredo, Senator Ping Lacson, Mayor Isko Moreno, Senator Manny Pacquiao, at G. Leody de Guzman, pero tumanggi si BBM.
Lumutang tuloy muli ang meme na kesyo ang ibig sabihin ng BBM ay “Ba-Backout Muli.”
Naunang kumalat ang nasabing meme nang tumanggi si BBM na makibahagi sa The Jessica Soho Presidential Interviews na umere noong Enero 22, Sabado ng 6:15 p.m., sa GMA 7 at iba pang platforms.
Nag-trending noon ang Jessica Soho at hashtag na #MarcosDuwag.
Kasabay naman ng pag-trending ng hashtag na #MarcosDuwagTalaga nitong Pebrero 3, Huwebes, ang "Juliana."
Dahil iyon sa parody ni Juliana Parizcova sa “‘Wag Magpapabudol at ‘Wag Sa Magnanakaw” video (1:42) ni Angelica Panganiban, na in-upload sa Facebook page ng Young Public Servants noong Pebrero 1, Martes.
Pebrero 2, Miyerkules, ay lumabas ang “Ingat Sa Mga Pa-Victim” parody (2:50) ni Juliana kay Angelica sa Facebook page ng VinCentiments.
Kung si Angelica ay nagkakape (o nagtsatsaa?), si Juliana ay umiinom ng Red Horse beer.
Himutok ni Juliana sa Facebook nitong Pebrero 3, Huwebes ng tanghali:
“Pag gising ko today, may galit na LeniSupporters, BBMSupporters,IskoSupporters, LacsonSupporters, PacmanSupporters… BKT PO GALIT?…
“Litong lito ba kayo para knino ung video?…WALA NMN PANGALAN DIBA??…AKALA KO BA BASTA WALANG PANGALAN WAG KAKAHOL??….
“MASYADO PA MAAGA PARA PUMILI..KALMA LANG…AKO NGA WALA PA RIN NAPIPILI EH..AT AMININ NYO MAN O HND..
“May mga kandidato sa eleksyon mula sa pagka pangulo hanggang sa brgy kagawad, Lahat yan bait baitan pag eleksyon, mga mawaain, kunwari nagmamalasakit,mga pavictim, PERO PAG NAKA PWESTO NA? AYYY EWAN KO NA LANG KUNG KILALA KAPA…
“KAYA YUNG VIDEO PARA YUN SA LAHAT… KAYA WAG MUNA MAINIS MAHAL ANG PATIS
“p.s teka gagawa pa nga kmi ng isa pa..ung may pangalan na pero pag iispan ko muna kung sino SIYA..”
Nito ring Huwebes ay in-upload ng VinCentiments sa Facebook ang "Bitter Lenlen" video (3:35 pm) na tinampukan nina Senator Imee Marcos at Rosanna Mercado, sa panulat at direksyon ni Darryl Yap.
Mukhang may mga nag-e-effort para mag-trending din ang hashtag na #AngPaitMoLenLen.
NOEL FERRER
Nagtataka lang ako kay Juliana dahil may lumabas na post niya na naka-pink at naka-"LET LENI LEAD."
Oh well, may demokrasya naman tayo kaya he’s entitled to what he has done. Pero I still believe in the saying that “Imitation is the highest form of flattery.”
Iba pa rin ang dating at impact ng ginawa ni Angelica Panganiban. Dahil successful, siguradong may LEVEL UP pa iyan! Abangan!
GORGY RULA
Dahil kakaiba ang pangangampanya ngayon gawa ng pandemya, sa social media na talaga ang labanan.
Sinabi nga ni Speaker Lord Allan Velasco, marami pang paraan para maikampanya ang ating kandidato, kahit limitado na ang face-to-face at mass gatherings.
Dito na nga papasok ang social media. Kaya kahit sa parunggitan at tarayan, sa social media na rin idinaan.
Pagalingan na rin ito ng mga ideya, kung paano magbitaw ng matatalas at malulutong na linya, para mapansin at maaliw ang mga manonood. Patalasan ng isip at pabilisan ng konsepto at kung anu-anong pautot sa social media.
Kaya tuloy pa rin ang raket ng ilang artista, directors, writers, performers at dagdag na rito ang vloggers at social media influencers.
Pero mahalaga pa ring mailatag ang plataporma at ipakita sa taumbayang may kapasidad kang mamuno sa bansang lugmok na sa kahirapan.
Sana, magpakita. Humarap.
Sagutin ang mga katanungan at kung kinakailangan, makipagbalitaktakan para maipaglaban ang tunay na adhikain sa bayan.
Mas bigyang halaga ang mga tamang plataform para maipakita sa bayan kung ano ang plano sakaling ikaw ang iluluklok ng sambayanan.
Huwag magbisi-bisihan sa ilang bagay na walang kapararakan!