PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

National Artist Virgilio Almario on Nora Aunor's political stand

Paghihirang kay Nora bilang National Artist, nahahaluan ng politika.
by PEP Troika
Published Feb 10, 2022
virgilio almario on nora aunor
National Artist Virgilio Almario on Superstar Nora Aunor: "Mamahalin pa rin nilá si Nora Aunor kahit kumampi sa mga napatunayan nang mga magnanakaw at kriminal. Biktima lang siyá ng kairalan. Lahat naman ng politiko’y magnanakaw at korap. At ang lalong masaklap, hindi silá maniniwalà sa posibilidad na may marangal na politiko at higit na nararapat ihalal na lider ng bayan kaysa iniendorso ni Nora Aunor."
PHOTO/S: Facebook

NOEL FERRER

Nalulungkot akong isulat ito...

Nandun ako nang mag-sorry noon ang Superstar na si Nora Aunor sa yumaong National Artist for Literature na si Bien Lumbera nang sitahin nito ang aktres sa pagpunta sa Libingan ng mga Bayani kung saan inihimlay ang dating diktador na si Ferdinand Edralin Marcos.

“Si Marcos ang nagpakulong sa amin at nagpapatay ng ilang mga kababayan natin,” sabi ni Tatay Bien sa Superstar.

“Sorry, sorry, patawad po, patawad po,” sabi ni Ate Guy kay Tatay Bien noong MMFF 2016 Awards night sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City.

Ngayon, naglabas din ng saloobin ang isa pang National Artist for Literature na si Virgilio Almario tungkol kay Ate Guy.

Si Almario, na mas kilala sa kanyang pen name na Rio Alma, ay isang artist, author, poet, critic, translator, editor, teacher, at cultural manager.

Siya ang kasalukuyang chairman ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

Iniluklok siya bilang National Artist for Literature noong 2003.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Itinuturing ni Almario ang sarili bilang isang Noranian, ngunit inamin nitong sumalungat siya sa nominasyon ni Nora para hiranging National Artist.

Sa pamamagitan ng kolum niyang "Sari-Samot" ay detalyado niyang ipinaliwanag ang kanyang mga dahilan.

Hinimay rin ni Almario ang mga dahilan kung bakit naging popular si Nora, at kung bakit mamahalin pa rin ng kanyang mga tagahanga ang aktres "kahit kumampi sa mga napatunayan nang mga magnanakaw at kriminal."

Ito ang isinulat ni Almario tungkol kay Nora, na may pamagat na "MAY ISANG NORANIAN," na nailathala sa Filipino Ngayon Facebook page kahapon, February 9, 2022:

"DALAWANG BESES NANG HINDI ako bumoboto nang sang-ayon na maging National Artist si Nora Aunor. Lagì naman akong natatálo sa botohan.

"Dalawang beses nang ipinapasok ang pangalan ni Nora Aunor sa mga nominadong ipinadadalá sa Malacañang. Gayunman, dalawang beses na ring na-reject ang kaniyang nominasyon: Una ni Pangulong PNoy; ikalawa, ni Pangulong Duterte. Sa mga usapan, warìng magkatulad ang dahilan ng dalawang pangulo, at may kaugnayan sa kontrobersiyal na kaso niya bílang drug user.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"Hindi iyon ang aking dahilan para sumalungat sa nominasyon ni Nora Aunor. Bílang isang alagad ng sining, naniniwalà ako na hindi dapat hatulan ang sinumang alagad ng sining batay sa kaniyang búhay, relihiyon, at partidong pampolitika.

"Ang damíng artist na pumatay, nabaliw, dalawa (o higit pa) ang pamilya, atbpang krimen ngunit patúloy na dinakila sa kaniláng makabuluhang ambag sa panitikan at sining. Marami ring naaakusahang politically incorrect, ngunit hinahangaan sa iniwang inobasyon sa pagtula, pintura, o teatro.

"Sa atin mismong lipunan ay nakahihiyâ ang mga krimen at inmoralidad ng inihahalal nating mga pinunò ng bayan, mula pangulo, mambabatas, mahistrado, hanggang kapitan ng baranggay. At malimit pang lumilitaw siláng kapural sa korupsiyon dahil sa kaniláng masamâng karakter bago inihalal.

"Ang tanong ko sa mga kaharap sa deliberasyon: Ano ba ang natatanging ambag ni Nora Aunor bílang artista sa pelikula? Ang isinasagot sa akin ng kaniyang mga tagapagtaguyod: Napakahusay umarte ni Nora. Kayâ napakahabâ ng listahan ng mga award at parangal na natamô niya sa pag-awit at pagkanta sa radyo, TV, at sa pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ang sagot ko: Lahat halos ng mga kumakandidatong National Artist ay may gayong mahabàng listahan at dahil sa habambúhay na dedikasyon sa kaniláng sining. Kayâ malimit na senior citizen ang nahihirang na National Artist.

"Isinasagot ding mabait si Nora Aunor. Napaka-humble. Ngunit may mga supladong National Artist.

"Mula daw probinsiya. Ang daming probinsiyano na nagsikap magtagumpay sa Metro Manila ngunit namamatay nang hindi man lang nagiging kandidato sa National Artist Award.

"Nása ísip ko kasing lagì ang modernismo sa literatura nina Jose Garcia Villa at Nick Joaquin, sa painting nina Botong Francisco, Hernando Ocampo, at Vicente Manansala, at sa arkitektura ni Leandro Locsin; ang pambihirang pakikisangkot panlipunan sa panulat nina Amado V. Hernandez at Lazaro Francisco at sa pelikula nina Gerardo de Leon at Lino Brocka; ang taimtim na saliksik sa katutubong musika nina Francisca Reyes-Aquino at Jose Maceda, ang pagtatampok sa katutubong sayaw ni Ramon Obusan, atbp.

"Ulit-ulit kong itinatanong: Ano ang ikinatangi ni Nora Aunor kina Lolita Rodriguez, Marlene Dauden, o Charito Solis? Hindi kayâ naging napakapopular lang niya dahil sa naging makapangyarihan at matagumpay na kampanya nitóng nakaraang 30 taón para tangkilikin ang pelikula? Hindi kayâ produkto lang siyá ng star system na pinabongga nina Inday Badiday, Ike Lozada, German Moreno?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung ganoon, ano ang ikinaibá niya sa ibáng superstar? Vilma Santos? Sharon Cuneta? May inobasyon ba si Nora Aunor? Isang teknik sa pag-arte, halimbawa, na puwedeng iturò sa kabataang artista, gaya ng method acting na natutuhan nina Marlon Brando, James Dean, at marami pa na nagtaas sa pamantayan ng pagganap sa Hollywood? Walang ganoong pamána si Nora Aunor. Sabi ko pa, bakâ sinuwerte lang siyáng napailalim sa magagalíng na direktor kayâ napahusay ang talino sa pag-arte.

"Subalit kamailan, lumiwanag sa akin ang kadakilaan ni Nora Aunor bílang napakapopular na artista. Winasak niya ang de-kahon at kolonyal na gayuma ng artista sa pelikula. Sa paanong paraan?

"Ang pelikula at ibáng makabagong sining na popular ay likha ng teknolohiyang kanluranin. Bilang pop art, taglay ng pelikula ang lahat ng paraan ng pagpapahalagang dulot ng pinagmulan—ang pagpapahalaga at hálagaháng kolonyal—gaya ng higit na paghanga sa artistang matangkad, maputî ang kutis, at kahawig ng mga bantog na artistang kanluranin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Matagal na naghari ang ganitong kolonyal na pagtingin sa mahusay na artista. Ala-Ava Gardner. Ala-Audrey Hepburn. Ala-Marilyn Monroe. Ala-Doris Day. Ala-Julie Andrews. Ala-Barbara Streisand. Ganito ang molde nina Carmen Rosales, Gloria Romero, Susan Roces, Rosa Rosal, at kahit ang mga bomba star ng 1970s.

"Nilusutan silá bigla ng isang maliit, kayumanggi ang kutis na probinsiyana ngunit maganda ang tinig at mahusay umarte sa harap ng kamera. Mukhang mahiyain ngunit buo ang loob. May manaka-naka nang ganitong pangyayári noon. Subalit naganap ang subersiyon ng amerikanisado’t kolonyal na imahen mula nang magreyna sa Tawag ng Tanghalan si Nora Aunor.

"Siyá ang naging sagisag ng pananaig ng Filipinismo sa sining na popular, ang nasyonalismong ipinapahayag noong 1960s sa ibá’t ibáng paraan at sa ibá-ibáng sining at mukha ng lipunang nagsisikap makaalpas sa korupsiyon ng amerikanisasyon at paghihigpit ng Batas Militar. Hindi ako magtataká kung akalain siyáng Inang Bayan ng kaniyang milyon-milyong fans.

"Mula noon, kinumbinse ko ang sariling maging Noranian. Gayunman, totoo bang subersiyon ng amerikanisasyon ang pagtatampok kay Nora Aunor? Totoo bang nanaig ang lunggati ng sambayanan sa kaniyang pagiging unang Superstar?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Marahil, isang dapat muling pagmunìan ay ang kalikasán ng pelikula bílang isang makabagong sining na popular. Aliwan itong produkto ng teknolohiyang kanluranin at pinalaganap ng amerikanisadong edukasyong pangkultura sa Filipinas. Naging bahagi ito ng lunggating “kosmopolitano” ng ating mga artist. Na sa isang bandá ay may bahid na damdaming nasyonalista dahil nangangarap ipantay ang talino sa pamantayan ng pandaigdigang sining.

"Narito ang birtud ng mga nabanggit ko nang matagumpay nating Modernista, gaya nina Jose Garcia Villa, Jovita Fuentes, Botong Francisco, Nick Joaquin, Leandro Locsin atbp na nakapagsikap gamítin ang sining para mapaunlad ang ating konsepto ng tradisyonal. Subalit dapat ding titigan ang sining popular bílang galamay o kasangkapan mismo ng mapanákop na pakanà ng amerikanisasyon—mula sa mapanlinlang na komersiyalisasyon ng sining hanggang sa binalukot na saloobin at pangangarap maging amerikanisado sa panlasa, pilosopiyang estetiko, at pamumuhay. May kalayàang idinudulot ang sining popular upang isangkot ang madla sa pagtukoy at paghirang ng kaniláng naisin. Parang demokratiko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Subalit dahil amerikanisado na’t nahumaling sa sa anyo’t produktong kanluranin ang madla. Isang siglo na táyong iginigisa sa sariling mantika. Amerikanisado na táyo bago bigyan ng kasarinlan noong 1946. Amerikanisado sa tulong ng paaralan, adbertisment, mass media, at ibá pang kasangkapan ng pagbaluktot sa pandamá’t hálagáhan ng mga Filipino.

"Sa ganitong pangyayári, ang pag-indayog ng katangiang kinakatawan ni Nora Aunor ay isa lámang paraan upang mapalayà hábang sinusupil ang anumang nasyonalistang saloobin ng sambayanan. Isang paraan ng pagpipiit sa kaniláng totoong lunggati upang hindi masiphayo sa patúloy nilang pagdarahop at kamangmangan, upang magkaroon ng pag-asa, at upang lalo pang mahikayat tumangkilik sa amerikanisadong kultura ng bayan.

"Isang paraan ng pagbaluktot ito sa mapagpalayàng diwa ng katangiang kinakatawan ni Nora Aunor; isang pakonsuwelong pagbabago upang masiyahan ang madla sa kaniyang imahen sa halip na maging mapaghimagsik. Ganito kahusay at kasopistikado ang mapanlinlang na operasyon ng makabagong panlulupig at ginagámit ng amerikanisasyon mula pa noong Cold War at hanggang ngayon para patúloy na manaig. At para patúloy táyong manalig sa kapayapàang hatid ng kulturang amerikanisado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kayâ kung magtaglay si Nora Aunor ng mga sakít na nangyayári din sa mga popular na artista sa Hollywood, ituturing ng madla na natural lang iyon. Kung maging adik siyá, lasengga, abusada, sasabihin ng kaniyang mga bayarang komentarista na kawawà naman siyá. Lubhang naiistres ng trabaho. Sobrang demanding kahit ang mga fans. At maniniwalà ang madla.

"Gaya ng pagtanggap nilá sa ibáng popular na artistang naging mga politiko at nasangkot sa mga gawaing inmoral at korupsiyon sa gobyerno. Masamâ kasi ang ating gobyerno, masamâ kasi ang ating lipunan, at nahahawa lang sa sakít ang kawawà nating mga artista. Higit sa lahat, hindi nilá mauunawaang epekto ito ng makinasyong dulot ng amerikanisasyon sa ating bayan sa loob ng nakaraang isang siglo.

"Mamahalin pa rin nilá si Nora Aunor kahit kumampi sa mga napatunayan nang mga magnanakaw at kriminal. Biktima lang siyá ng kairalan. Lahat naman ng politiko’y magnanakaw at korap. At ang lalong masaklap, hindi silá maniniwalà sa posibilidad na may marangal na politiko at higit na nararapat ihalal na lider ng bayan kaysa iniendorso ni Nora Aunor."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi itinatago ng Superstar na ang iniendorso niyang maging Pangulo ngayong 2022 elections ay si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang anak ng diktador na inilibing sa Libingan ng mga Bayani noong November 18, 2016.

JERRY OLEA

Nang ipagkait kay Nora Aunor ang pagkilala bilang National Artist, tinagurian siyang People’s National Artist.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sabi-sabi, makakamit din ng Superstar ang recognition na iyon… in God’s perfect time.

Noong Mayo 10, 2014 ay in-unveil sa sand dunes ng Paoay, Ilocos Norte ang sculpture ni Elsa — ang karakter ni Nora sa pelikulang Himala (1982) na idinirek ng National Artist na si Ishmael Bernal, at iprinodyus ng Experimental Cinema of the Philippines kung saan director general si Imee Marcos.

Ang kabuuan ng Himala ay kinunan sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Sa Mayo 10, 2022, isang araw makalipas ang national elections… mababanaag natin kung iguguhit ng tadhana na tanghalin si Nora Aunor na National Artist sa bagong lipunan.

Pagtatapat ni Elsa, “Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Nasa puso nating lahat! Tayo ang gumagawa ng himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga diyos!”

GORGY RULA

Hindi maiiwasang mahahaluan ng pulitika ang pagpili ng National Artist lalo na sa larangan ng Film.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kagaya nang hinirang na National Artist ang nasirang Fernando Poe Jr. nung nasa adminitrasyon ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kaya hindi ito personal na tinanggap ni Susan Roces.

Itong kay Ate Guy, hindi na raw niya inaasahang sa kanya ito ibibigay. Ang talas nga ng mga pahayag noon ng partner niyang si John Rendez.

Kaya kung ano man ang naging pasya at ang kahihinatnan nito ay igagalang ng original Superstar, kahit may hanash na naman diyan ang super-Noranians. Wala na rin silang magagawa pa kung sino ang mapipili at aaprubahan ng Pangulo ng bansa.

Kagaya ng hindi na rin natin saklaw kung sino ang gustong paniwalaan at panigan ni Nora Aunor.

HOT STORIES

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
National Artist Virgilio Almario on Superstar Nora Aunor: "Mamahalin pa rin nilá si Nora Aunor kahit kumampi sa mga napatunayan nang mga magnanakaw at kriminal. Biktima lang siyá ng kairalan. Lahat naman ng politiko’y magnanakaw at korap. At ang lalong masaklap, hindi silá maniniwalà sa posibilidad na may marangal na politiko at higit na nararapat ihalal na lider ng bayan kaysa iniendorso ni Nora Aunor."
PHOTO/S: Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results