GORGY RULA
Nakasama ako sa lunch ni Manay Lolit Solis at ng big boss ng Frontrow International na si Sam Verzosa sa isang Japanese restaurant sa Quezon City nitong Huwebes, February 10, 2022.
Isa si Sam sa sa malapit na kaibigan ni Willie Revillame dahil sa sponsorship ng Frontrow sa Wowowin: Tutok To Win.
Bago kami maghiwalay ay sinubukan ni Sam na tawagan si Willie para ipakiusap sana niya ito kay Manay Lolit. Pero isasalang na ang TV host sa Wowowin, kaya hindi natuloy ang pag-uusap nila.
Ikinuwento sa amin ni Sam na ramdam niyang malungkot si Willie nitong mga nakaraang araw dahil sa nalalapit nitong paglisan sa GMA-7.
Hindi lang daw nila gaanong napag-usapan ni Willie kung ano ang susunod na plano, pero kailangan daw i-give up muna ng TV host ang commitment niya sa GMA-7 bago siya makipag-deal sa AMBS ni Manny Villar.
“Halu-halo yung emosyon niya, e. Kasi siyempre, sa totoo lang, isa sa pinaka-loyal na taong kilala ko, si Kuya Wil,” sabi ni Sam.
“Ginawa niya yun sa tingin ko out of delikadesa, e. Kasi, kung oportunista ka, puwede ka naman mag-stay habang may kinakausap kang iba. Pero siya, hindi, e. Pag may kausap sa iyong iba, tapos nasa show ka, hindi mo maatim yun, e.
“Kahit wala pa, tapos nakikipag-usap na, pero may delikadesa si Kuya. Sabi ko nga, puwede naman talaga niyang ituloy kung gugustuhin niya. Pero pinili niyang maging ganun.
“Imadyinin mo, malaki rin ang mawawala sa kanya, e. Ang laki ng mga sponsors niya.
“Kilala ni Nay Lolit ‘yan. Alam niyang stick to one si Kuya Wil,” nakangiti niyang pahayag habang nakatingin sa talent manager.
Pero may usap-usapan ding may mahalaga at mataas ang posisyon ni Willie sa AMBS ng mga Villar.
Kuwento pa ni Sam, lalo silang naging close ni Willie nang pumutok ang pandemya dahil sa magkatuwang daw sila sa pagbibigay ng mga tulong sa mga lubhang naapektuhan sa mga mahihirap na lugar.
Halos araw-araw silang magkasama, na minsan ay pinapag-co-host pa siya. Hanggang sa naisipan daw nilang gawing party-list ang Tutok to Win, at si Sam Verzosa ang first nominee.
Kinumbinsi raw siya ni Willie na pasukin na ang pulitika, dahil mas matutuloy raw nila ang mga programa sa pagtulong kapag nasa posisyon ito.
“Ayoko ko talaga, e. Pero sabi ko, 'Sige, apply niyo [sa Comelec]. Pag na-approve, sige. Pag hindi na-approve, okay lang.' Kasi mahirap magpa-approve, di ba?
“Hindi ko naman inaasahan na ma-approve. Tapos nung na-approve, last minute pa, sabi ko, baka destiny.
“Pero baka dito na tayo dinadala. Kasi negosyante lang naman tayo na tumutulong. May foundation po kami, yung Frontrow Cares,” saad ni Sam.
Nilinaw ni Sam na hindi kasama si Willie sa tatlong nominees ng Tutok To Win, pero all-out daw ang suporta nito. Puwede na raw siyang masamahan ng TV host sa pangangampanya dahil wala na itong daily show.
JERRY OLEA
Iyong Wowowin: Tutok To Win ay ginawang Wowowin: Tutok Para Manalo dahil sa party-list na iyan.
At ngayong Pebrero 11, 2022, Biyernes, ay magpapaalam na sa ere ang Wowowin: Tutok Para Manalo.
Siyempre pa, abang-abang tayo sa payanig ni Kuya Wil sa huling hirit ng programa niya sa Kapuso Network. Masisilayan kaya natin dito si Super Tekla?
NOEL FERRER
Aabangan natin ang last episode ng Wowowin: Tutok Para Manalo ngayong Biyernes.
At aantabayanan natin ang pag-eere muli ni Kuya Wil sa Villar station na balitang nakasuporta rin kay Toni Gonzaga. Iba talaga ang koneksyon ng showbiz at politika, matindi kapag tinamaan ka.
Teka, ano pala ang interest group ang nire-represent ng Tutok To Win party-list?
