GORGY RULA
Hinirang si Alden Richards bilang Hermano Mayor sa fiesta ng Sta. Rosa, Laguna nung nakaraang Linggo, Pebrero 20, 0222.
Kaugnay ito ng Sikhayan Festival 2022 na taunang ipinagdiriwang ng mga taga-Sta. Rosa.
Ang alkalde ng Sta. Rosa na si Mayor Arlene Arcillas ang Hermana Mayor 2022, katuwang ang kapatid niyang si dating Vice Mayor Arnold Arcillas.
Isa sa highlights ng fiesta ng Sta. Rosa, Laguna ay ang pagpapasa ng responsibilidad bilang Hermano Mayor. Ibinigay ito ni Mayor Arcillas kay Alden, katuwang ang original manager ng Kapuso actor na si Carlites de Guzman.

Alden Richards (second from left) with Carlites de Guzman (far left), Sta. Rosa, Laguna Mayor Arlene Arcillas (second from right), and former Vica Mayor Arnold Arcillas (far right)
Naka-chat ng PEP Troika si Carlites ngayong Miyerkules, Pebrero 23. Ayon sa kanya, hindi talaga nakakalimot si Alden tuwing fiesta sa Sta. Rosa.
Bukod pa riyan, malapit daw ang Kapuso actor kay Mayor Arcillas at sa buong pamilya nito kaya hindi tumatanggi si Alden basta pasok lang sa schedule niya.
Kuwento ni Carlites sa amin, “Every fiesta or festival pumupunta siya kahit walang talent fee. Siyempre, full support po talaga siya sa Arcillas family, kasi second family na niya yun.
“Kaya po nung inalok kami or si Alden ng parish priest, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang pagiging Hermano. Kasi alam niyo naman ‘yan, Tito, sobrang religious.
“Sabi pa po nila, suwerte daw po mag-Hermana ang mag-Hermano.”
Kaya ang saya ng mga taga-Sta. Rosa dahil nakikita nilang hindi nakakalimot si Alden na pasayahin ang mga kababayan niya.
Tinanong na rin namin si Carlites kung posible kayang ang susunod niyan ay pasukin na rin ng Asia’s Multimedia Star ang pulitika. Hindi kaya ginu-groom na siya ni Mayor Arcillas na subukan ang public service?
“As of now, wala pa naman pong napapag-usapan. Gusto lang muna niyang tumulong at magpasaya sa mga Rosenians [mga taga-Sta. Rosa po],” sabi ni Carlites.
Tiyak na magiging abala si Alden, kasama si Carlites, sa pag-aasikaso sa mga gawain sa fiesta ng Sta. Rosa sa susunod na taon.
JERRY OLEA
Ano kamo ang trabaho ng Hermano o Hermano Mayor sa fiesta ng isang bayan?
Tradisyon iyon ng mga festival sa Pilipinas, kung saan ang mga kilalang mamamayan ay pinipili na maging honorary festival chairs na makikipag-coordinate sa Simbahang Katoliko kaugnay sa paghahanda sa kapistahan ng patron saint ng bayan.
With Alden as Hermano Mayor, inaasahan nating mas bonggacious ang fiesta ng Sta. Rosa sa susunod na taon!
NOEL FERRER
Okay naman ang paghe-Hermano Mayor at magandang makitang involved si Alden sa mga gawaing pangkomunidad niya sa kabila ng hectic skeds niya.
Pero dahil panahon ng eleksyon, hindi kaya indirect itong pag-eendorso ng local officials na may pa-event na ito?
Oh well, kung ok naman ito sa GMA 7, there’s also no stopping other talents to engage in these activities—lalo na kung may pahintulot naman ang biggest network star nila sa mga ganito ngayon.
