GORGY RULA
Nakatakdang magsampa ng reklamo ang ina ni Nadia Montenegro sa mga taong nagnakaw ng wallet at naglimas ng pera sa ATM at credit cards nito.
Naganap ang insidente sa isang membership shopping store sa Novaliches, Quezon City, noong Miyerkules, March 2, 2022.
Read: Nadia Montenegro details CCTV footage showing theft modus inside shopping store
Nakausap namin si Nadia sa aming radio program sa DZRH noong Huwebes, March 3.
Masaya niyang ibinalita na natukoy na ng mga pulis ang tatlong kasama sa pitong suspek.
Na-identify na rin daw ang driver ng kotseng ginamit sakay ang grupo.
"Meron na silang na-identify na tatlo. Tapos, na-trace nila yung plate number at yung may-ari ng kotse.
"Magpa-file na po kami ng case, kasi itong tatlong na-identify, meron na palang warrant talaga," pahayag ni Nadia.
Nang maka-text namin si Nadia, Huwebes ng hapon, sinabi nitong kasama na nila ang abogado nilang si Atty. Maggie Abraham-Garduque papuntang Station 16 sa Pasong Putik, Quezon City para i-file ang reklamo.
Ang ikinagulat ni Nadia, magmula nang mag-Facebook Live siya sa membership shopping store noong araw na mangyari ang insidente, ang daming lumapit sa kanya para sabihing nabiktima rin daw ang mga ito nang namili sila sa naturang lugar.
"Itong ikinagugulat ko. Talamak na pala talaga itong nangyayari dito sa membership club na ‘to. Since 2016, may cases na pala.
"So, ang nakakalungkot lang dito, kinakailangan pang, di ba… tayo sa industriya, isang artista na involved ang nanay ko…
"Kung hindi nanay ko yun, e, hindi rin ako nasa harap ngayon.
"Today nga nang nagising ako, mga 13 to 14 messages yung nabasa ko ng mga victims ng same na pagnanakaw sa loob," bulalas ng aktres.
Dagdag ni Nadia: "Ang nakakalungkot, habang nagla-live ako, may dalawang babaeng dumating dun, nakita yung live [stream] ko, dala nila yung police report na biktima nung January, the same branch. February, the same branch. Meron din po siyang police report, pero wala din pong nangyari."
Hinaing ni Nadia, hindi umano maagap ang pagresponde ng staff ng membership shopping store sa nangyaring insidente.
Hindi pa umano iintindihin ang reklamo ng kanyang ina kung hindi dumating si Nadia para personal na asikasuhin ang pangyayari.
"Nung nag-Facebook Live ako, dun lang nila binigay yung CCTV. Kung hindi pa ako ang nag-Live doon sa loob, baka hindi ko pa makuha yung CCTV.
"Kasi ang lahat dun na complainant, wala talaga silang nakuhang support. Wala. Walang CCTV na ibinigay, wala talaga. Dinedma talaga sila.
"Yung isa nga dun, yung naging biktima nung February, limang libo lang daw yung dala niyang pera, dahil gusto niyang bumili ng pang-grocery para sa anak niya dahil birthday.
"Nung ninakawan siya, nagreklamo siya, kumuha ng police report, hindi siya pinansin nung establishment, hindi siya binigyan ng CCTV. Ang sabi pa sa kanya, 'Move on na lang.'
"Ang nanay ko, sinabihan din na kasalanan daw niya, bakit iniwan ang bag niya. Pero kitang-kita sa CCTV na hindi niya binitawan ang bag niya," salaysay ni Nadia.
Kaya naiisip daw ni Nadia na hindi lang ito sa nawalang pera ng mommy niya, kundi parang misyon na rin niya para sa iba pang nanakawan sa lugar na iyon.
"Para tayong nagbukas ng Pandora’s box dito, sabi ko nga, ginagawa ko ito para matigil na ‘tong ginagawang kasamaan ng grupong ito.
"Nakakalungkot po na ang normal na citizen, hindi po talaga nakakalaban.
"I guess, ginamit lang talaga tayo ng Panginoon na mabuksan ‘tong isyung ito, na aware ang mga tao. Kasi ano talaga, e, talamak na."
Sana ay i-practice din daw ang social distancing ng mga shopper.
Sa karanasan ng ina ni Nadia, nagkumpulan sa paligid nito ang pitong suspek kaya ito nadukutan ng wallet.
"So, I think may mission tayo rito na, yun nga, mabigyan ng awareness ang mga kababayan natin na kahit sa groceries na kahit sa ano… Yung kailangan may social distancing.
"Kagulat-gulat na kung meron lang talagang nagbabantay sa CCTV nung establishment, nakita yung nangyari dun sa aisle kay Mommy na pinagkumpulan siya, nagkagulo, sana nairadyo na agad na isara na ang mga pinto, at nagsisigaw na si Tanya dun, at nahuli pa natin yung iba," dagdag na pahayag ni Nadia.
JERRY OLEA
Panawagan ni Nadia sa iba pang mga taong nabiktima: "Nanawagan ako sa iba pang biktima diyan, puwede po kayong pumunta sa Station 16 at hanapin si Lt. Col. Mepania and he will assist all the victims para daw talaga masugpo na itong criminal na ito."
Nagpapasalamat din ang aktres sa mga pulis na tumulong sa kanya, at sana matulungan din daw ang iba pang nabiktima.
Pahayag pa ni Nadia: "Gusto ko lang talaga magpasalamat sa Station 16 sa Quezon City Police, dahil talagang magmula nung tanghali na humingi ako ng saklolo sa kanila, hanggang sa kaninang umaga tumawag na nakita lahat cards ng nanay ko sa Riverbanks Marikina.
"Pinuntahan nila. Hanggang sa hinanap nila ang may-ari ng sasakyan, wala pa silang tulog.
"Hanggang sa umabot pa kanina na nakita na nila yung tatlo. I just want to commend them for doing their job. Kasi, kailangan na natin talaga ng tulong ng pulis.
"Kasi ang nagiging problema talaga na nahihirapan ang mga biktima nang pabalik-balik. Kaya kung kinakailangang pagtiyagaan ang ganitong kaso, gagawin ko para sa nanay ko at justice pa para sa iba pang nabiktima."
NOEL FERRER
Hindi pa raw masabi ni Nadia sa ngayon kung may gagawin din silang aksyon laban sa membership shopping store.
May ginagawa raw sulat si Atty. Garduque na dapat sagutin ng shopping store.
"Nagri-ready na ng letter si Atty. Maggie Garduque para sa [membership shopping store].
"Kasi ang nakakalungkot dito, pangalawang araw na, wala pa rin tayong naririnig na kahit anong suporta man lang."
Ani Nadia, mayroon umanong pagkukulang ang naturang establishment.
"Nung nakita ko yung CCTV, nanginginig talaga buong katawan ko. Nakita ko kung paano nila kumpulan at pinagplanuhan ang nanay ko nang dalawang minuto. Ibang klase yung sistema nila.
"Pumasok sila, maganda yung suot nila. Maayos lahat ang hitsura nila. Ang masakit lang, ang nakita ko sa CCTV, nakapasok sila sa shopping-an mismo na walang card.
"Ang masakit, kasi hindi sila ma-trace, kasi hindi sila nag-transact using their membership card. So, talagang palibut-libot lang sila dun, naghahanap ng victim."
Dahil nakapasok umano ang mga suspek nang walang membership card, walang nakuhang impormasyon ng mga ito mula sa shopping store.
"Kung nag-transact sila, makikita o kaya may tracing dun sa door na bago pumasok, o kaya tinitingnan talaga yung ID.
"Kasi, minsan ang istrikto nila. Minsan ang ID holder lang ang puwedeng pumasok, o may isang kasama. Pero this time, pito.
"Nakita ko talaga sa CCTV, itong pito, pumasok nang hiwa-hiwalay na binuksan nila yung bag, tiningnan lang.
"Ako nga, pumasok lang walang card, e. So, parang may negligence talaga sila."
Lahad pa ni Nadia: "Ang bilis nila. Nakapasok sila ng store ng 12:43 p.m., nakalabas sila ng 12:53 p.m., 1:01 p.m., nag-notify na sa phone ng mommy ko, nalimas na.
"Yun din ang pinagtatakhan ng mga pulis, kung ano ‘tong bagong modus. Anong meron sila… baka mga IT expert.
"Nagkalat na, e. Madali na talagang makuha ang information natin.”
Ngayong Biyernes, March 4, 2022, sinubukan ng PEP.ph na kontakin ang membership shopping store sa Novaliches para hingan ito ng official statement hinggil sa insidente, pero wala pa silang pahayag sa ngayon.
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga nabanggit sa artikulong ito.
