GORGY RULA
Maganda pa rin ang rating ng Happy ToGetHer ni John Lloyd Cruz, kung saan si Kim Domingo ang special guest nila nung Linggo, March 20, 2022.
Maaaring nakatulong ang pagkuha ng iba’t ibang guests dahil naku-curious ang mga manonood kung sino ang babagay na i-partner kay Lloydie.
So far, maganda ang guest appearance ni Faith da Silva, na umabot ng tatlong episodes.
Okay rin ang kay Julie Anne San Jose na nakadalawang episodes, at sinasabi ni John Lloyd na isa ito sa paborito niyang episodes. Pero wholesome ang dating ni Julie Anne kaya hindi siya puwedeng magpaka-naughty.
Sa tingin ko, bagay si Kim na nag-uumapaw ang kaseksihan. Kaya sana, ma-extend pa ang guesting ng Kapuso sexy actress.
Tumaas ang rating ng Happy ToGetHer, na naka-13.9% nitong March 20.
Okay rin ang rating ng ibang programa ng GMA-7 noong Linggo: naka-10.2% ang 24 Oras Weekend; 10.8% ang Daig Kayo ng Lola Ko; 15.9% ang Kapuso Mo, Jessica Soho; at 4.2% ang The Boobay and Tekla Show.
Medyo mababa naman ang viewership noong Linggo ng hapon.
Naka-3.3% ang All-Out Sundays, at 2.8% ang ASAP Natin ‘To ng Kapamilya Channel.
Maganda ang na-feature sa Atom Araullo Specials, pero naka-2.8% lang ito; at 1.5% ang katapat nitong FPJ Da King.
Ang laki ng ibinaba ng The Best Ka! ni Mikael Daez na 2.6% lamang. Sumunod ang Regal Studio Presents na 2.9%, at ang Amazing Earth ay 4.7%.
Samantala, inilipat na sa dati nitong timeslot ang Bubble Gang nung nakaraang Biyernes, March 18, dahil sa pagpasok ng Mano Po Legacy: Her Big Boss.
Naka-4.1% ang Bubble Gang, at 7.1% naman ang Mano Po.
Nung nakaraang Sabado, March 19, naman ay 7.9% ang 24 Oras Weekend, at 1.4% ang TV Patrol.
Ang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento ay naka-9.5%, at 1.3% naman ang katapat na My Papa Pi sa A2Z.
Extended for three more episodes ang Unang Kuwento bago umarangkada ang Book 3 ng Pepito Manaloto.
Tumaas naman nang konti ang Agimat ng Agila na naka-10.8%, at 1.2% ang PBB. Ang Magpakailanman naman ay 11.1%, at 2% ang Maalaala Mo Kaya.
JERRY OLEA
Patuloy ang pamamayagpag ng Kapuso programs, weekdays man o weekends. Siksik, liglig, nag-uumapaw, hitik na hitik sa commercial load!
Hataw ang mga palabas sa GMA-7, ganundin sa GTV.
Panlaban ng mga Kapamilya ang combined ratings ng mga primetime series nilang umeere rin sa TV5 — FPJ’s Ang Probinsyano, The Broken Marriage Vow, at Viral Scandal.
Dapat ay si Angelica Panganiban ang leading lady ni Piolo Pascual sa My Papa Pi. Biglang pinalitan si Angelica ni Pia Wurtzbach.
Agad na lumutang ang tsikang nagdadalantao si Angelica, na nakumpirma nitong Marso 20, Linggo.
Hinayaan ba munang mag-pilot ang My Papa Pi bago inamin ni Angelica ang kanyang kalagayan?
The "Illegal Wife" ang episode ng Magpakailanman noong Sabado, kung saan bida si Sheryl Cruz kasama sina Gary Estrada, Bruce Roeland, at Raquel Monteza, sa direksiyon ni Gina Alajar.
Pagpapatuloy naman ng life story ni Karen Bordador ang handog ng Maalaala Mo Kaya last Saturday, kung saan bida si Kaila Estrada.
Paano na kaya ang tambalan nina Sef Cadayona at Mikee Quintos pagkatapos ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento?
NOEL FERRER
Based on what happens sa mga nagaganap sa labas — mga campaign sorties which will intensify by Friday kung saan ang mga local candidate ay magsisimula nang mangampanya — may need ang audience na mas makilala pa ang mga kandidato nang maayos at hindi yung pa-Tiktok-Tiktok at social media capsules lang.
I have advertising friends telling me na naghahanap ang mga produkto na paglalagyan ng commercials para sa mga forum at debate, pero salat at kulang.
Oo, kailangan natin ang entertainment pang-aliw ng tao… but looking at the roster of shows now, don’t we need more shows pa to guide us to vote wisely?
Sorry, nakaka-miss lang ang mga satire at palabas na may relevance ngayon … kaya ba sa kalye na rin lang ipinapakita ang kasabikang yun?
